Mapangahas na Labanan ang Pandarahas at Panunupil ng Rehimeng US-Duterte
Marapat na ipakita ng nagkakaisang hanay ng mamamayang Bikolano ang kanilang pagkundena sa sistematiko at malawakang panunupil at pandarahas ng rehimeng US-Duterte upang apulahin ang pangangalit ng mamamayan. Ang panatiko’t madugong gera ng rehimen ay dapat harapin ng buong tatag at determinasyon ng sambayanang lumalaban.
Hindi mapagtatakpan ng anumang palabas na “distribusyon ng lupa” ang kainutilan ng reaksyunaryong reporma sa lupa. Ang pangako ni Duterte na pamumudmod ng mga Certificate of Land Ownership Agreement ay magbubukas lamang ng mga pampublikong lupain para sa huwad na distribusyon. Hindi nito titibagin ang malawakang pangingibabaw, pangangamkam at pagpapalit-gamit ng lupa ng mga panginoong maylupa at asendero. Hindi nito tutugunan ang pasakit ng papasidhing pyudal at mala-pyudal na kaayusan sa kanayunan. Nagsisilbi ito sa pagpapatuloy ng panlulumpo sa nakakaasa-sa-sarili at sustenableng agrikultura upang bigyang daan ang mga proyektong imprastruktura, plantasyon, agro-industriyal, eko-turismo at minahan sa ilalim ng programang Build, Build, Build. Nagdulot ito ng malawakang dislokasyon at ligalig sa kanayunan at paligid ng mga sentrong bayan. Ang 1.7 milyong nawalan ng trabaho sa agrikultura sa loob lamang ng isang taon ang pinakamalaki mula noong panahon ng rehimeng US-Marcos.
Daan-daang pamilyang Bikolano ang pinalalayas sa kanilang mga binubungkal na lupa upang bigyang-daan ang mga dambuhalang proyekto tulad ng P175 bilyong PNR Long South Haul o Bicol Express, ang P190.19 bilyong Masbate International Tourism Enterprise and Special Economic Zone o MPARK, Quezon-Bicol Expressway at ang Pacol Growth Corridor (Naga Agro-Industrial Park) sa Camarines Sur.
Patuloy na pinagkakait sa mga maliliit na magniniyog at magsasaka sa rehiyon ang kinakailangan nilang suporta para paunlarin ang lokal na produksyon sa agrikultura. Bumulusok ang presyo ng mga produktong agrikultural tulad ng kopra, palay at mais. Masidhing kagutuman at kahirapan ang dagdag hambalos ng TRAIN law at pagsirit ng produktong petrolyo at kaakibat nitong pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.
Walang ibang tugon ang rehimen sa pagtuligsa sa dinaranas ng mamamayang kahirapan kundi ang estratehiyang militar na Whole of the Nation Approach na ipinapatupad sa ilalim ng Oplan Kapanatagan. Nakatuon ang mga programang limos at pangkagalingan tulad ng 4Ps, Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP), PAMANA at Kalahi-CIDSS na hindi nakatuon sa pangmatagalang kaunlaran at kagalingan ng mamamayan. Ginagawa ring balon ng korapsyon ng mga upisyal militar ang nasabing mga programa.
Pinakawalan ang buong bigwas ng lahat ng makinarya ng estado para ipataw ang pasismo at terorismo sa buong bansa. Sa ilalim ng rehimeng US-Duterte, pinakamarami ang biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang sa hanay ng uring magsasaka. Umaaabot ns sa 70 ang biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang sa rehiyon. Kabilang dito ang 15 pinaslang mula nang ipatupad ang MO 32 noong nakaraang taon.
Sa loob lamang ng nagdaang 10 araw, limang progresibong aktibista ang pinatay ng mga Duterte Death Squad. Tampok rito ang pagtambang at pagpaslang kina Neptali Morada, dating Regional Campaign Coordinator ng BAYAN-Bikol sa Naga City noong Hunyo 17. Pinagbabaril sina Ryan Hubilla at Nelly Bagasala, mga manggagawa para sa karapatang tao sa Sorsogon City noong Hunyo 15. Sa Masbate, pinaslang ang mga maslider na tumututol sa pangangamkam ng lupa at pagpapalayas ng magsasaka sa sinasaklaw ng MPARK.
Malinaw na inaamin ng 9th ID na kagagawan ng AFP at PNP ang mga naganap na pamamaslang. Ipinangangalandakan ni Col. Paul Regencia ang kawastuhan ng pandarahas sa mga progresibong grupo at indibidwal dahil sa kaugnayan nito sa rebolusyonaryong kilusan. Ipinagtatanggol niya ang kultura ng karahasan at kawalang pananagutan ng rehimen at pwersa ng estado.
Sa kanayunan, walang humpay ang panggagalugad ng mga Peace and Development Team (PDT) at Community Support Program (CSP). Sa Masbate 11 magsasaka ang hinuli, binugbog at sapilitang pinasusurender. Sa Camarines Sur, inokupa ng mga CSP ang mga baryong kanilang sinaklaw at nagpatupad ng mga mga mapanupil na patakaran na nakaapekto sa buhay at kabuhayan ng masa. Sa Sorsogon, tuluy-tuloy ang mga strike operation laban sa BHB ngunit mga sibilyan ang sapilitang pinapasok ang bahay, ninanakawan at iligal na ikinukulong. Ginagawang kalakaran ng AFP-CAFGU ang pagbase sa mga pampublikong pasilad at maging ilang piling pribadong pag-aari. Ilan lamang ito sa mga halimbawa ng teroristang kapanatagan na nais ipamarali ng rehimen.
Higit pang sasahol ang kalagayang ito hatid ng puspusang pagpapausad ni Duterte ng pagbabago sa Konstitusyong 1987 o ChaCha. Titiyakin ng rehimeng US-Duterte ang lubusang pagpapatupad ng pasistang diktadura upang busalan at supilin ang paglaban ng mamamayan laban sa buu-buong pagbubukas ng bansa sa imperyalistang pandarambong at militar na panghihimasok.
Sa harap ng papasidhing kalagayang pang-ekonomya at pampulitka, nananawagan ang NDF-Bikol na ibayong patatagin ang pagkakaisa ng mamamayang Bikolano laban sa papatinding pasista at neoliberal na atake ng rehimeng US-Duterte. Bilang pinakamalaking pwersang magpapabagsak sa rehimen, mahalaga ang pagkilos ng uring magsasaka para sa tunay na repormang agraryo, paniningil sa teroristang krimen ng reaksyunaryong estado, pagtutol sa mga neoliberal na patakaran at pagtatanggol sa mga demokratikong karapatan ng mamamayang Pilipino.
Harapin ng buong tatag at tapang ang pasismo at terorismo ng estado!
Lumahok sa digma ng pagpapalaya!
Ipagtanggol ang mamamayang Pilipino!