Mapanira sa kalikasang mga kumpanya ng ATN Holdings Inc., dapat nang ipasara!

Dapat na tuluyang ipasara at papanagutin ang ATN Solar Energy Group Inc na may proyekto sa Macabud, Rodriguez, Rizal dahilan sa kanilang malawakang pagsira sa kalikasan Rodriguez, Rizal at pangangamkam ng lupa sa mga magsasaka. Ayon mismo sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ay lumabag ito sa 21 batas sa pangangalaga sa kalikasan. Subalit sa halip na ipatigil ng DENR ay pinagmulta lamang ito ng 1,025,200.00. Sa kabila ng mga kaso nito na sumisira sa kalikasan at malawakang nangangamkam ng lupa ay nagmistulang tinapik lang ito at pinagmulta ng barya at hinayaang magpatuloy sa kanilang operasyon sa kapariwaraan ng mamamayan at tuloy-tuloy na pagkasira sa kalikasan. Ang ginawang ito ng DENR ay malinaw na pagpapakita na hindi sila seryosong pangalagaan ang kalikasan at para sa kanila ay sapat na ang suhol ng ATN para mapayagan ito na magpatuloy ng kanilang operasyon sa pagsira sa kalikasan.

Matagal nang inirereklamo ng mamamayan ng Rodriguez, Rizal ang ATN. Mula pa noong 2015 nilalabanan na ang mamamayan ng Macabud, Rodriguez, Rizal ang ATN dahil sa pangangamkam ng kanilang lupang sakahan, pagsira ng kanilang pananim, malawakang pagsira sa kabundukan at kalikasan, paglapastangan sa libingan ng kanilang mga mahal sa buhay na sinusudsod ng ATN at pananakot at pandarahas sa mga magsasaka at mamamayan na nasabing barangay. Kasabwat nila sa pandarahas ang mga yunit ng AFP kabilang na ang 80th IB-PA at 59th IB-PA na naglagay pa ng kanilang kampo sa loob ng inaangking lupa ng ATN para maipagtanggol ang interes ng ATN at hindi ng mga magsasaka at mamamayan. Ang mersenaryong AFP ay nagseserbisyo sa ATN para dahasin ang mga magsasaka at mamamayan kapalit ng suhol sa kanilang mga opisyal at pagsagot sa gastusin ng mga sundalong nakakampo sa loob ng bakuran ng ATN. Walang kahihiyang sunud-sunuran ang mga ito sa kagustuhan ng mga kapitalistang Intsik na may-ari ng ATN kapalit ng suhol na natatanggap nila.

Dahilan sa malaganap na pagtutol ng mga magsasaka at mamamayan ng Macabud, Rodriguez, Rizal ay naobliga ang sangay ng DENR sa lalawigan ng Rizal at sa Rehiyong Timog Katagalugan na imbestigahan ang proyekto ng ATN. Sa kanilang imbestigasyon ay natuklasan nila totoo ang sinasabi ng mamamayan at malinaw na patuloy na lumalabag ang ATN sa 21 batas kaugnay sa pangangalaga sa kalikasan. Subalit katawa-tawa ang desisyon nito sa ginawang mga paglabag ng ATN. Ayon sa inilabas na balita ng ABS-CBN News, ang DENR ay nagpataw ng multang mahigit isang milyon lamang kaugnay ng kanilang paglabag sa batas at hinayaan pa rin na magpatuloy ang operasyon ng ATN na nangangahulugan na tuloy ang pagsira nito sa kalikasan at patuloy na mag-aambag ang ATN sa pagbaha sa mga bayan ng Rodriguez, San Mateo ng Rizal at kalapit na syudad ng Marikina, Pasig at Quezon City.

Ang hakbanging ito ng DENR ay malinaw na nagpapakita na hindi interesado ang Rehimeng Duterte na protektahan ang kalikasan at papanagutin ang mga sumisira nito. Malinaw na pinoprotektahan nila ang mga tagawasak ng kabundukan at mga tagasira sa kalikasan tulad ng ATN Solar Energy Group Inc sa kapariwaraan ng mga magsasaka at mamamayan.

Walang ibang dapat asahan ang mamamayan para ipagtanggol ang kalikasan. Tanging sa mahigpit na pagkakaisa at militanteng paglaban ng mamamayan maipapatigil at maipapasara ang mga kumpanyang sumisira sa kalikasan tulad ng ATN. Ang pagkilos ng mamamayan ng Macabud, Rodriguez, Rizal kaisa ang mga nagmamalasakit at tagapangalaga ng kalikasan kabilang na ang mga rebolusyonaryong organisasyon sa ilalim ng NDFP-Rizal ang magtitiyak na mga katulad ng ATN ay mapanagot sa kanilang mga krimen kaugnay sa pagsira sa kalikasan at pangangamkam ng lupa ng mga magsasaka. Nararapat at makatarungan na ipaglaban ang pangangalaga sa kalikasan laban sa mga mapanira at mapangwasak ng mga kumpanya. Ang pakikibaka para sa pangangalaga sa kalikasan at paglaban sa pangangamkam ng lupa ay integral na bahagi ng Demokratikong Rebolusyon ng Bayan (DRB) at tanging sa tagumpay lamang ng DRB matatamasa ng mamamayan ang tunay na pangangalaga sa kalikasan at mapapangalagaan at masusuportahan ang interes ng mga magsasaka para sa lupa.

ATN SOLAR PROJECT AT ATN QUARRY, GANAP NA IPASARA!

ATN HOLDINGS COMPANY, PAPANAGUTIN SA PAGWASAK SA KALIKASAN AT PANGANGAMKAM NG LUPA!

MGA PROYEKTONG KONTRA-MAMAMAYAN AT KONTRA-KALIKASAN, TUTULAN AT LABANAN!

ISULONG ANG DEMOKRATIKONG REBOLUSYON NG BAYAN!

Mapanira sa kalikasang mga kumpanya ng ATN Holdings Inc., dapat nang ipasara!