Maraming kabataang Bikolano ang sumasampa at sasampa sa NPA dahil kay Duterte
Si Duterte ang numero unong tagapagrekluta ng NPA, laluna sa hanay ng masang kabataan, dahil sa kanyang pasismo, maramihang pagpatay at pagkitil sa karapatan, kabilang ang karapatan sa libre, makabuluhan at abot-kamay na edukasyon. Pinatunayan ng tuluy-tuloy pang bilang ng mga kabataang Bikolanong pinipiling humawak ng armas at buong panahong magsilbi sa mamamayan bilang mga Pulang Hukbo ang kabiguan ng rehimeng US-Duterte na durugin ang rebolusyonaryong kilusan.
Sa Kabikulan, sa kabila ng walang patlang na militarisasyon, buong kapangahasan at sigasig na nagpatuloy ang mga lokal na komite ng Partido, mga rebolusyonaryong organisasyong masa at mga yunit ng Hukbo sa pagpukaw, pag-organisa at pagpapakilos sa masa, higit sa kabataan.
Sa loob ng limang taon ni Duterte, nakapagkamit ng tagumpay ang rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon sa kampanyang pagpapapultaym sa Hukbo. Marami sa mga kabataang narekluta’y tumatayo na ngayon bilang mga sinasanay na Pulang kumander, kadreng pulitiko-militar, instruktor, medical officer, manggagawang pangkultura at organisador.
Mayor na salik sa tuluy-tuloy pang pagsampa ng kabataang Bikolano mula sa kanayunan at kalunsuran ay ang kanilang pagkamulat sa tumitinding krisis na pinalulubha ni Duterte sa kanyang pasismo at masugid na pagpapatupad ng mga patakarang neoliberal. Karamihan sa kanila’y hindi nakapagtapos o talagang hindi nakatuntong ng eskwela dahil maaga pa lang ay obligado nang magtrabaho at maghanapbuhay para sa kanilang pamilya. Hindi iilan ang kabataang pinanghinaan sa palpak na pagpapatupad ng blended learning ngayong pandemya. Kinasuklaman din nila ang pasismo at terorismo ng estado na sumisikil sa kanilang mga demokratikong karapatan sa anyo ng militarisasyon ng kanilang mga eskwelahan at komunidad, Red-tagging sa kanilang mga pahayagan at organisasyon at sapilitang pagrerekluta sa kanila na sumapi sa army at CAFGU.
Sa malaganap at walang singbrutal na kampanyang kontrainsurhensya ni Duterte, lalong nakilala ng kabataang Bikolano ang demokratikong rebolusyong bayan. Gaano man katindi ang paninira at saywar ng rehimen sa rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon, hindi nito natinag ang kabataang Bikolanong tanawin at masapol ang kawastuhan ng paglulunsad ng digmang bayan. Nakita nilang mas marami pang matututunan at mas makabuluhan nilang maigugugol ang buhay kabataan sa paglahok sa armadong pakikibaka. Woke, ‘ika nga ng mga millennials.
Hamon sa KM-Bikol ang palalimin pa ang pagkakaugat ng rebolusyon at Partido Komunista sa kabataan lalo sa mga eskwelahan, komunidad sa kalunsuran, mga tradisyunal na samahan at sa kanayunan. Hamon sa KM-Bikol na makapagpasampa pa ng paparaming bilang ng kabataan, higit yaong mula sa kalunsuran.