Marcos Bust in Ilocos Norte, vandalized!
Inaako ng Kabataang Makabayan (KM)-Ilocos, kasama ang Pambansang Katipunan ng Magbubukid (PKM)-Ilocos, ang isinagawang pag-vandalize sa rebulto ng diktador na si Ferdinand Marcos sa Heroes Walk sa Lungsod ng Laoag, Probinsya ng Ilocos Norte. Ang aksyon na ito ay pagtugon ng mga kabataan at mamamayan sa mga salita ni Gob. Imee Marcos na dapat nang mag-“move on” ang mga tao sa Batas Militar na ipinataw ng diktador na si Marcos sa buong bayan noong Setyembre 21, 1972. Pagpapatunay ang aksyon na ito na hinding hindi makalilimot ang mga kabataan at mamamayan sa mga pagnanakaw sa kaban ng bayan, paglapastangan sa karapatang pantao, mga tortyur, iligal na aresto, pagpatay, pag-abuso sa kapangyarihan, at mga krimen sa mamamayan ng diktador na si Marcos at ng pamilya nito.
Walang karapatan ang isang nahatulang maysala ng krimen laban sa mamamayan na si Ferdinand Marcos na maihanay sa mga tunay na bayani ng probinsya ng Ilocos Norte at ng buong bayan. Ang mga tulad ni Marcos ay pupulutin sa basurahan ng kasaysayan. Higit pa sa pagwasak sa rebulto nito ang kabayaran sa lahat ng krimen nito sa bayan.
Ang isinagawang aksyon na ito ay magsilbing babala hindi lamang sa mga Marcos, kundi maging kay Duterte mismo. Tinitiyak ng KM na matitikman ni Duterte ang galit ng mamamayan dahil sa pagkakanlong nito sa mga Marcos at Arroyo na may mga utang na dugo sa mamamayan at pagpapakatuta sa imperyalismong US at China.
Tinitiyak ng buong rebolusyonaryong kilusan, hindi lamang sa Ilocos kundi sa buong bayan, na sa pagtahak ni Duterte sa landas ng pasismo at tiranya ay tiyak na pababagsakin ito ng mamamayan tulad ng idolo nitong si Marcos.
Mabuhay ang Kabataang Makabayan!
Marcos, Hitler, Diktador, Tuta!
Marcos, hindi bayani!
Ibagsak ang pasistang rehimeng US-Duterte!
Karlo Agbannuag
Tagapagsalita
Kabataang Makabayan Ilocos