Mariing tutulan at labanan ang emergency powers na hiniling at agarang pinagkaloob ng Kongreso sa pasistang rehimeng US-Duterte — NDF-ST

Mariing kinokondena ng National Democratic Front of the Philippines-Southern Tagalog (NDFP-ST) ang ratsadang pag-apruba ng mababang kapulungan ng Kongreso sa House Bill 6616 na nagdedeklara ng “national emergency” at nagkakaloob kay Duterte ng malawak na kapangyarihang pangkagipitan (emergency powers) sa pagharap sa pandemic na Covid-19.

Ang House Bill 6616 ay kopyang-kopya ng isinumiteng panukala ng Malacañang. Sa ilalim ng House Bill 6616, pinapayagan nito na pansamantalang kuhain at direktang patakbuhin ng gubyerno ang mga pribadong negosyo at korporasyon tulad ng mga hotel, pampublikong transportasyon at komunikasyon upang mapabilis diumano ang pagtugon sa pangangailangan ng publiko sa panahon ng kagipitan sanhi ng nakamamatay na virus. Nahingi rin ang Malacañang sa Kongreso ng pahintulot na gamitin sa ibang pagkakagastusan ang Php 275 bilyon na pondong publiko nang walang malinaw na listahan na mga pangangailangan at serbisyo na paglalaanan ng alokasyon.

May kahalintulad ding batas, ang Senate Bill 1413, na tinagurian nilang “We Heal as One Act” ang kasalukuyan pang pinag-uusapan sa Senado. Sa ilalim ng batas na ito, binibigyan ng kapangyarihan si `Duterte na direktang pangasiwaan ang operasyon ng mga pribadong ospital, medical health facilities kabilang ang iba pang mga pribadong establisimento tulad ng hotel para gawing tirahan ng mga manggawang pangkalusugan, magsilbing quarantine areas at sentro ng bagsakan at distribusyon ng mga tulong medical. Tulad sa mababang kapulungan ng Kongreso saklaw din ng panukalang batas ng Senado ang pansamantalang takeover ng gubyerno sa mga pangmasang trasportasyon at telekomunikasyon na pag-aaring pribado.

Ang pagkakaloob ng dalawang kapulungan ng Kongreso ng dagdag na kapangyarihang pangkagipitan sa rehimeng Duterte ay kasingkahulugan na binibigyan nito ng ligal na bihis at basbas ang pasista at kamay-na-bakal na pagpapatakbo ni Duterte sa gubyerno at sa pagharap sa pandemic na Covid-19. Tinugunan nito ang malaon nang kagustuhan ni Duterte na solohin ang kapangyarihan ng tatlong sangay ng gubyerno at itanghal ang sarili bilang diktador. Hindi na kailangan pang pormal na magdeklara ng batas militar ni Duterte dahil pinagkaloob na ito sa kanya ng mababang kapulungan ng Kongreso sa ilalim ng House Bill 6616 at Senate Bill 1413.

Dapat mariing kondenahin at puspusang labanan ng taumbayan ang pagsasailalim sa bansa sa national emergency at pagbibigay ng malawak na kapangyarihan kay Duterte. Ang emergency powers na ipagkakaloob kay Duterte ay lalo lamang magpapalubha sa dati nang malalang kundisyon na kinakakaharap ng taumbayan sanhi ng pinatutupad na lockdown sa Luzon.

Sinasamantala ng rehimeng Duterte ang panic na dala ng Covid-19 pandemic upang ikonsentra at isentralisa sa kamay ni Duterte at ng ehekutibo—kasabwat ng rubber stamp na Kongreso—ang papalawak na kapangyarihan sa tabing ng isang emergency power. Ito ay bisperas ng pagtatatag ng lantad na paghahari ng isang sibilyan-militar na junta nang di kinakailangan pang magdeklara ng Batas Militar.

Ang pagpapailalim sa buong Luzon sa lockdown ay malupit na nagpapahirap sa mamamayan na pinagkakaitang maghanap-buhay at ipinaiilalim sa kontrol ang galaw ng populasyon at paghahatid ng kailangang-kailangang serbisyo ng mamamayan. Kahirapan, kagutuman at kapos na kapos na serbisyong medikal at hindi kawalan ng disiplina ang problema ng taumbayan. Hindi ang pagpapairal ng pasista at militaristang solusyon ang makakapigil sa paglawak ng impeksyon ng nakamamatay na Covid-19. Dapat na iprayoridad ang pagbibigay atensyon sa paghanap ng solusyong medikal, mabilis na akses ng lahat sa Covid-19 testing, sistema ng sanitasyon kaalinsabay sa pagtugon sa pangkabuhayang pangangailangan ng mamamayan. Ito ang garantiya na mabibigyan ng tunay na proteksyon at solusyon ang pagharap at paglaban sa epidemya ng mamamayan.

Marami nang mga panukala na nagmula sa mga grupong pangkalusugan at mga eksperto kaugnay sa paglaban iba’t ibang uri ng virus kabilang ang Covid-19. Ang kailangan lang ay kilalanin ito at agarang ipatupad ng gubyernong Duterte. Para sa kanila, mga hakbanging pangkalusugan at pang-ekonomya ang mabisang solusyon sa pagharap at paglaban sa Covid 19 at hindi ang militaristang paraan na pangunahing pinatutuunan ng diin ni Duterte. Ilan sa kanilang mahahalagang panukala ang sumusunod:

  1. Maramihang pagbili ng gubyerno ng mga mga Covid-19 test kits at pagsasagawa ng libre at mass testing nito pangunahin sa mga taong sumasailalim sa pagsisiyasat at monitoring (pui’s at pum’s) at sa mga lugar na bulnerableng magkahawahan;

  2. Libreng gamutan sa mga nagkakasakit;

  3. Rehabilitasyon ng mga pasilidad para sa serbisyong medikal;

  4. Pagtatalaga ng mga pribado at pampublikong ospital para pagdalhan ng mga kumpirmadong may Covid-19;

  5. Maramihang paglalagay ng mga quarantine at testing centers sa mga komunidad;

  6. Libreng pamamahagi ng mga personal protective equipment (ppe’s) lalo na sa mahihirap at walang kakayahang bumili nito;

  7. Karagdagang suporta at proteksyon sa mga manggagawang pangkalusugan na nasa unahan ng paglaban sa Covid-19; at,

  8. Paglalaan ng malaking pondo at alokasyon para sa kalusugan at pagsugpo sa Covid-19.

Kailangan ding ipatupad ang sumusunod:

  1. Sistematikong distribusyon ng mga pagkain at iba pang pangangailangan sa mga mahihirap na komunidad;

  2. Pagpapatupad ng moratoryum sa pagbabayad sa renta sa bahay, kuryente, tubig at iba pang pagkakautang;

  3. Moratoryum at kanselasyon sa pagbabayad ng upa-sa-lupa at utang ng mga magsasaka sa mga panginoong maylupa, komersyante at usurero.

  4. Subsidyo sa mga walang hanapbuhay at nawalan ng hanapbuhay dahil sa pinatutupad na lockdown.

  5. Pangkagipitang tulong at pakete sa mga pinakamahihirap;

  6. Kontrol sa presyo ng mga bilihin at pagkakaroon ng sapat na suplay ng mga batayang pangangailangan sa pagkain at serbisyo ng mamamayan.

Samantala, umasa ang taumbayan na hindi maglulubay ang rebolusyonaryong kilusan sa paghahatid ng tulong sa mga kababayan nating labis na naapektuhan ng pabara-bara, papatse-patse at mga di pinag-iisipang hakbang ng gobyernong Duterte sa pinatutupad nitong lockdown sa Luzon. Pangunahing nakatuon ang atensyon ng rebolusyonaryong kilusan sa pagharap at paglaban sa Covid-19. Hindi titigil ang rebolusyonaryong kilusan sa paghahatid ng iba’t ibang klase ng tulong sa mamamayan kahit sa kabila ng patuloy na mga operasyong militar ng AFP at PNP sa kanayunan ng rehiyon. Walang katotohanan na itinigil na ng AFP at PNP ang kanilang mga operasyon bilang pagsunod sa pekeng unilateral ceasefire na dineklara ni Duterte sa CPP-NPA-NDFP.

Hanggang sa kasalukuyan, patuloy ang ginagawang diseminasyon ng impormasyon hinggil sa Covid-19 ng rebolusyonaryong kilusan. Patuloy ang pagpapaala-ala paano ito maiwasan at mapigilang kumalat sa baryo at komunidad. Patuloy ding nagsasagawa, sa pangunguna ng mga opisyal medikal ng Bagong Hukbong Bayan (BHB), ng mga komite sa kalusugan sa mga baryo at boluntir, ng mga kampanya sa kalusugan, kalinisan at sanitasyon. Patuloy ang pamamahagi ng mga gawang bahay na “face mask”at mga libreng gamot at bitamina. Ang isang buwang selebrasyon ng ika-51 taong anibersaryo ng BHB ay pangunahing ginugol sa pagharap at pagtulong sa mga kababayan nating higit ang pangangailangan ng proteksyon at pagkalinga laban sa nakamamatay na Covid-19. Mananatiling bahagi ng selebrasyon ang malawakang diseminasyon ng impormasyon, mga kampanya sa kalinisan at kalusugan, pagmomobilisa ng mga kwerpo ng mga boluntir bilang katuwang ng Hukbo sa paghahatid ng tulong medikal at pagkain. Siniseguro din ng rebolusyonaryong kilusan na ang mga aktibidad na inilulunsad nito ay mahigpit na umaayon sa mga alituntunin sa kalusugan na binalangkas ng mga grupo at komite sa medikal upang maiwasang mahawaan at magkahawaan ng virus ang mga kalahok sa aktibidad. ###

Mariing tutulan at labanan ang emergency powers na hiniling at agarang pinagkaloob ng Kongreso sa pasistang rehimeng US-Duterte -- NDF-ST