Martial Law Extension sa Mindanao at MO 32: Permanenteng Interbensyong Militar ng Imperyalismong US Bilang Suporta sa Pasistang Diktadura ni Duterte


Mariing kinukundena ng NDF-Bikol ang panibagong pakana ng rehimeng US-Duterte at ng Armed Forces of the Philippines na muling palawigin ang Batas Militar sa Mindanao sa taong 2019. Sa batayang pagsugpo sa diumano ay ‘foreign enemy’, malinaw sa mamamayan na walang ibang layunin ang planong ito kundi ang tuluy-tuloy at mas masaklaw na permanenteng operasyong militar ng imperyalistang US, hindi lang sa Mindanao, kundi sa buong bansa, sa tabing ng itinatayong pasistang diktadura ni Duterte.

Kinakaharap ng US ang mas mabilis na pagbulusok at pagbagsak. Napipinto nitong sapitin ang mas masahol na krisis hindi lamang sa pinansya lalo pa at hindi na nito lubos na napangibabawan ang krisis na sumambulat noong 2008. Ibayong lumubo ang mga utang panustos sa nagpapatuloy nitong patakarang gerang agresyon. Sa desperadong tangkang isalba ang sarili, tinatahak ng US ang mas marahas na paglulunsad ng inter-imperyalistang hidwaan upang mapanatili ang solong pandaigdigang kapangyarihan, sa gitna ng tumitiding kumpetisyong hatid ng Rusya at Tsina sa pag-iral ng multipolar na pandaigdigang kaayusan.

Upang mapanatili ang impluwensyang militar sa Pilipinas, dinisenyo ng US kasama ang AFP ang pagwasak sa Marawi gamit ang banta ng ISIS. Matatandaang noong Mayo 4, 2017, dalawang linggo bago sumiklab ang giyera sa Marawi, inanunsyo ni US Army General Raymond A. Thomas III, Commander ng USSOCOM, sa US Senate Armed Services Committee na isa sa prayoridad ng US ang Pilipinas para sa patuloy nitong interbensyon at operasyon, sa dahilang may presensya ng ISIS sa bansa. Hindi basta nagkataong sumiklab ang gera sa Marawi sa panahong nasa Rusya si Duterte, tahasang interbensyong militar ito at direktang pagkontra ng US sa pagbaling ni Duterte sa Rusya at Tsina.

Bunsod ng patuloy na paggamit ng US sa diumano ay banta ng ISIS, inilunsad ang Operation Pacific Eagle-Philippines (OPE-P), na siyang nagselyo sa permanenteng operasyong militar ng US sa Mindanao. Gamit ang makinaryang OPE-P sa pagpapatuloy ng todo-largang gera sa Mindanao sa ilalim ng Batas Militar, pormal na inihapag ni Duterte ang bansa bilang pugad at teatro ng pinakamarahas na gerang agresyong nukleyar na ilulunsad ng imperyalistang US laban sa sumusulong na rebolusyunaryong pakikibaka ng mga mamamayan ng daigdig—na siyang nagbunsod ng kanyang ibayong pagbagsak. Bilang bahagi ng kampanyang kontra-terorismong Overseas Contingency Operations ng US at matapos bumitaw ang US sa intermediate-range nuclear forces treaty, isang tratadong nagbabawal sa paggamit ng nukleyar na kapasidad, naihanay ang Pilipinas sa mga bansang Afghanistan, Iraq, Libya, Syria, Palestine, Yemen at Ukraine—mga estadong kasalukuyang winawasak at posibleng paglunsaran ng gerang nukleyar ng US.

Sa muli, sa ilalim ng Memorandum Order No. 32, may kapangyarihan ang militar ng US na lumahok sa mga operasyong militar labas sa Mindanao upang paigtingin ang pagsagasa ng pasistang diktadura ng rehimeng US-Duterte. Sa esensya, ganap na isinasakatuparan ng MO 32 ang pangunahing layunin ng OPE-P na durugin ang rebolusyunaryong kilusan at ang armadong pakikibaka ng mamamayang Pilipino sa pamamagitan ng aktwal at mas masaklaw na partisipasyon ng mga tropang Amerikano sa mga operasyong kontra-insurhensya kasama ang AFP. Paunang hakbang nito ang pag-apruba ni Duterte sa paglulunsad ng 281 security operations ng AFP kasama ang mga tropang Amerikano sa taong 2019, kabilang ang mga umano’y operasyong kontra-terorismo sa buong bansa. Gayundin, mariing iginigiit ni Duterte at Lorenzana ang MO#32 at Batas Militar sa Mindanao upang magsilbing tuntungan at paghahanda sa napipintong deklarasyon ng Batas Militar sa buong bansa.

Ang OPE-P ang kongkretong pagpapahayag ng US sa ilinalatag na pasistang diktadura ng rehimen. Iminodelo ang OPE-P sa Plan Colombia, isang 16-taong kontra-insurhensyang programa kung saan bilyon-bilyong dolyares na halaga ng armas ang ibinuhos sa pwersang militar at paramilitar ng Colombia sa layuning gapiin ang digmang ilinulunsad ng noon ay rebolusyunaryong armadong grupo na FARC kasabay ng diumano ay pagpapatuloy ng gera-kontra-droga sa nasabing bansa. Madaling tinugunan ng OPE-P ang panghihimok ni Duterte na suportahan ang kanyang pasistang pakana, gamit ang kaakibat nitong mga ayudang militar na sa unang bugso’y pumalo na sa P6.4 bilyon.

Hindi kataka-taka ang dumog ng pasistang makinarya at neoliberal na interes sa Mindanao: may konsentrasyon dito ng mga yamang likas at napakatabang lupa ng bansa. Sa rehiyon pa lamang ng Caraga, nagpapatuloy ang operasyon ng 23 sa 48 pinakadambuhalang mina sa buong bansa. Kalahating milyong ektarya naman na sumasaklaw sa limang rehiyon ng Mindanao ang tinayuan ng mga dambuhalang plantasyong agribisnes at tinatarget pa ang isang milyong ektarya para sa pagpapalawak ng plantasyon sa oil palm pagdating ng taong 2022.

Dumoble ang bilang ng pagpaslang sa masa nang ipataw ang Martial Law sa Mindanao. Pinapatay ang masang magsasaka at minorya, kabilang ang Lumad at Moro, sa pagtanggol ng kanilang lupa laban sa panghihimasok ng dambuhalang mina at plantasyon. Kada limang araw, naglulunsad ng mga aerial bombardments ang AFP sa layuning wasakin ang mga komunidad. Patuloy din ang hamletting at blokeyo kung saan hinaharangan at pinagkakait sa mga komunidad ang mga daluyan ng kanilang kabuhayan. Ngayong naisabatas na ang Bangsamoro Organic Law, kailangan nilang ipagpatuloy ang Batas Militar upang maisagasa ng reaksyunaryong gobyerno at ng dayuhan at lokal na naghaharing uri sa mga lupain at rekursong kanilang dadambungin.

Walang sagkang nakakapasok sa syudad ng Marawi ang mga dayuhang kumpanya at mga lokal nitong kasosyo samantalang patuloy na hinaharangan ang libu-libong mga residenteng nakikibaka upang igiit ang kanilang karapatang makabalik at makauwi sa kanilang mga tahanan. Rehabilitasyon at pagnanais lamang na makabalik sa kanilang tirahan ang panawagan ng masang Maranaw, ngunit nauna pang maitayo ang kampo militar upang maging base ng US para sa Operation Pacific Eagle.

Kaya ganoon na lang magkumahog si Duterte na ihain ang potensyal ng Mindanao upang pagpyestahan ng imperyalismong US. Garapalang pinapaalis ni Duterte ang mga Lumad sa kanilang lupang ninuno upang bigyang daan ang malalawak na mga plantasyon at minahan. Sa kasagsagan ng Batas Militar, ibayong tumindi at bumilis ang malawakang kumbersyon ng mga sakahan para sa komersyal at industriyal na gamit, ayon mismo sa datos ng reaksyunaryong gobyerno. Samantala, umabot na sa humigit-kumulang 500,000 indibidwal ang sapilitang pinalayas sa kanilang mga tirahan dulot ng patuloy na pambubomba at militarisasyon. Sa ngalan nito, buo-buong pagwasak, pambubomba, panganganyon sa mga komunidad, pagmasaker at mas matitinding paglabag sa karapatang-tao ang isinasagawa ng AFP at mga tropang Amerikano laban sa mga mamamayan ng Mindanao.

Mariing tinututulan ng masa sa Mindanao at ng buong mamamayan ang Batas Militar. Maging ang ibang mga reaksyunaryong opisyal sa gobyerno ay wala nang nakikitang batayan upang palawigin pa ito. Ang desperadong tangka ng Martial Law Extension ay patunay na hindi kailanman magagapi ng rehimeng US-Duterte ang lumalawak na lahatang-panig na pakikibaka ng mamamayan para sa panlipunang pagbabago. Tuluy-tuloy na ilulunsad ng BHB ang mga anhilatibo at atritibong bigwas nito laban sa mga galamay ng pasismo at terorismo ng estado sa kanayunan at kalunsuran

Nananawagan ang NDF-Bikol sa lahat ng demokratikong sektor at sa buong mamamayang Pilipino na ilunsad ang pinakamalalawak na kampanya at mobilisasyon upang gapiin ang panibagong pasistang pambabraso ng rehimeng US-Duterte. Malinaw sa mamamayan na sa buong kasaysayan, walang idinulot ang Batas Militar kundi ang pananalasa ng karahasan sa kabila ng higit na kahirapang dulot ng tuluy-tuloy na krisis ng lipunan. Sa harap ng pasismo’t terorismo ng estado at ang paglapastangan sa mga demokratiko’t pulitikal na mga kalayaan at karapatan, malinaw ang landas sa mamamayan para ipagtanggol ang kanilang sarili at itaas ang antas ng pakikibaka sa pamamagitan ng laksa-laksang pagtungo sa kabundukan at magpalakas ng armadong pwersa at armadong pakikibaka.

Martial Law Extension sa Mindanao at MO 32: Permanenteng Interbensyong Militar ng Imperyalismong US Bilang Suporta sa Pasistang Diktadura ni Duterte