Masaker at pamamaslang, opening salvo ng SACLEO para sa pinatinding de facto batas militar sa Bikol
Anim na Bikolanong minasaker at pinatay sa loob ng isang linggo ang opening salvo ng Simultaneous Anti-Criminality Enforcement Operation o SACLEO sa rehiyon ngayong taon. Hindi katanggap-tanggap ang bulok at paulit-ulit nang iskrip ng militar at pulis sa lahat ng kasong ito – ‘nanlaban’ ang biktima at lehitimo ang operasyon dahil mayroon umano silang warrant. Kaisa ng mamamayan ang NDF-Bikol sa pagdadalamhati at mariing pagkundena sa panibago na namang seryeng ito ng pasistang atake ng mersenaryong hukbo.
Mabilis na pinalolobo ng SACLEO ang bilang ng mga biktima ng masaker at ekstrahudisyal na pamamaslang sa rehiyon. Sa loob ng isang linggo, lima na ang naiuulat na sibilyang pinaslang sa Camarines Norte. Nitong Pebrero 25, minasaker sina Enrique Cabilles, Arnel Candelaria at Nomer Peda ng Brgy. Lanot, Mercedes matapos umano ‘manlaban’ nang hainan ng search warrant ng mga pulis. Bitbit din ang isang search warrant, linusob ng lampas 70 elemento ng AFP-PNP-CAFGU ang bahay ni Kagawad Melandro Verso sa Brgy. Talobatib, Labo, Camarines Norte noong Marso 1. Hinalughog pa at ninakawan ng militar at pulis ang pamilyang Verso ng mga alahas, pera at kagamitang nagkakahalaga ng ilang milyong piso. Sa parehong modus operandi, pinaslang sina Aldren Enriquez sa Iriga, Camarines Sur at isa pang residente ng Brgy. Baloco, Pasacao, Camarines Sur.
Sa ilalim ng proteksyon ng halimaw na si Duterte, napakalakas ng loob ng militar at pulis na pumatay. Ni hindi na nila pinag-isipang tapalan ang mga butas ng kanilang lohikang manlaban. Gaanupaman kalakas ang isang tao, paano niya lalabanang mag-isa ang 70 armadong kalalakihan? Bakit dudumugin ng isang kumpanya ng militar at pulis ang bahay ng isang taong hahainan lang naman ng search o arrest warrant?
Tulad ng Synchronized Enhanced Management of Police Operation (SEMPO) na nananalasa sa Negros mula pa 2018 at Oplan Tokhang, nagtatago ang SACLEO sa likod ng islogang kontra-kriminalidad. Ngunit ang totoo, ito ay bahagi ng pagpapatupad sa Kabikulan ng higit na konsentrado, masinsin at pinatinding de facto batas militar. Sa pamamagitan ng ganitong mga tipo ng operasyon, linilikha ng reaksyunaryong estado ang senaryo ng malaganap na kriminalidad na nagbibigay-katwiran sa pagpapalawig at pagpapalakas ng presensya ng militar at pulis sa mga komunidad.
Kritikal ang panahong ito dahil tiyak na hindi magpapahinga ang militar, pulis at buong makinarya ng pasistang estado hanggat hindi nito ganap na nadudurog ang paglaban ng mamamayan. Higit na kinakailangan ng masa Bikolanong manatiling mapagmatyag at matatag laban sa mga pang-aabuso at pang-aatake ng AFP-PNP-CAFGU. Paghalawan ng mga aral at inspirasyon ang karanasan ng Negros sa pagharap at tuluy-tuloy na pagbigo sa SEMPO.
Ang pasipikasyon ng mamamayan, tuluyang pagsusuko ng kanilang mga karapatan at kalayaan at pagsunod na lamang sa mapang-api at mapagsamantalang patakaran ng estado ang pinakaaasam-asam na tagumpay ng pasista’t diktador. Ngunit, hindi kailanman ito hahayaang mangyari ng mamamayang lumalaban para sa kanilang buhay at kinabukasan.