Masaker sa limang sibilyan, panibagong krimen ng PNP sa prubinsya ng Masbate
Mariing pinabubulaanan ng Romulo Jallores Command-BHB Bikol na may naganap na labanan sa pagitan ng mga Pulang Mandirigma ng Jose Rapsing Command-BHB Masbate sa Brgy. Bugtong, Mandaon, Masbate ngayong Oktubre 24, 2021. Ayon sa ulat ng JRC, walang yunit ng BHB na napapalaban sa buong Masbate. Nakatitiyak ang JRC na pawang mga sibilyang walang kalaban-laban ang mga pinakabagong biktima ng masaker sa prubinsya. Kasalukuyang inaalam ng yunit ng BHB ang pagkakakilanlan ng mga biktima at baryong kanilang pinanggalingan.
Kinukundena ng RJC ang ang panibagong kaso ng masaker sa mga sibilyan sa Mandaon. Bahagi ito ng pambansang modus operandi ng PNP ng pagkakawing ng mga sibilyan sa rebolusyonaryong kilusan upang malaya at walang pananagutang makapaghasik ng krimen sa sangkatauhan at makapagpatuloy ang tiraniya at pasismo ng rehimeng US-Duterte. Taliwas sa pahayag ni PNP Chief Guillermo Eleazar, hindi kailanman naibigay ng hanay ng pulis ang seguridad at kaligtasan para sa mamamayang Masbatenyo. Mayroon man o walang eleksyon, totoong sinusukluban ng karahasan ang isla-prubinsya ng Masbate. Walang lubay na humahaba ang listahan ng mga biktima ng paglabag sa karapatang tao kasabay ng malawakang militarisasyon sa buong prubinsya.
Mapagpasyang nilalabanan ng rebolusyonaryong kilusan ang pagbubuhos ng rehimen ng pondo at rekurso sa prubinsya para sa paghahasik ng karahasan sa hanay ng Masbatenyong anakpawis. Hinihikayat ng RJC-BHB-Bikol ang mga kagawad ng midya na walang sawa at mapangahas na ilantad ang pang-aabuso at karahasang bitbit ng gera kontra-insurhensya ng rehimen hindi lamang sa isla ng Masbate kundi sa buong bansa. Hinihikayat din ng RJC-Bikol ang mga kaanak at kababaryo ng mga pinakabagong biktima ng masaker sa Mandaon na makipag-ugnayan sa mga tagapagtaguyod ng karapatang tao upang maisulong ang laban sa pagpapanagot ng mga elemento ng pulis na kumitil sa kanilang mga mahal sa buhay. Bukas ang Hukumang Bayan ng Demokratikong Gubyernong Bayan na dinggin ang mga kaso ng mga kriminal na aktibidad laban sa mersenaryong alipures ng rehimeng US-Duterte. Makakaasa ang mamamayang Masbatenyo na mapagpasyang igagawad ng BHB ang mga pasya ng Hukumang Bayan para makamit ang rebolusyonaryong hustisya para sa mga biktima ng terorismo ng estado.