Masaker sa Sagay, Kundenahin!
Samuel Guerrero
Tagapagsalita
Celso Minguez Command BHB-Sorsogon
Mariing kinukundena ng Celso Minguez Command Bagong Hukbong Bayan-Sorsogon ang naganap na pagmasaker sa siyam na magsasaka noong Oktubre 20, 2018 sa Hacienda Nene, Purok Fire Tree, Brgy. Bulanon, Sagay City. Ang mga biktima ay myembro ng National Federation of Sugar Workers (NFSW) kung saan sinisimulan na ang kanilang kampanya para sa pagbubungkal ng lupa.
Walang puso si Duterte sa mga magsasakang ang tanging layunin ay bungkalin ang matagal na at tiwangwang na lupa na nakatakda din sanang ipamahagi ng Department of Agrarian Reform (DAR). Inutil ang DAR sa pagsasabing “ipinagtanggol lamang ng may ari ng lupa ang pag-aari nya”, malinaw na nagsisilbi ito sa panginoong maylupa.
Katawa-tawa naman ang paglulubid ng mga kwento ng tauhan ni Duterte sa AFP at PNP at abogadong si Salvador Panelo na NPA diumano ang may kagagawan ng pagmasaker. Sukol at hindi na maitatago ng mga kasinungalingan ang tunay na nangyari sa mga magsasaka.
Ganunpaman, walang takot at may pagmamalaki pa ang rehimeng US-Duterte na isulat ang kanyang sarili sa kasaysayan bilang “berdugong diktador”. Nilampasan na ni Duterte ang kaso ng mga pagpaslang ng mga nakalipas na mga administrasyon. Ang kanyang walang respeto sa buhay at ari-arian ng mga biktima ng kanyang pamamaslang ay tiyak na magbubuyo sa mabilis niyang pagbagsak.
Naturingang abogado si Duterte pero asal-hayop ito sa kanyang paggugubyerno at hindi kumikilala sa matagal nang pinagkasunduan sa ilalim ng Comprehensive Agreement on Human Rights and International Humanitarian Law (CAHRIHL) na ang lahat ng mamamayan ay may karapatang pumili sa larangang pampulitika at magsagawa ng mga aktibidad sa pinili nyang pulitika.
Tila asong ulol na nagwawala ang rehimeng US-Duterte na walang pakialam at gigil na gigil kung sino ang lalapain para pulbusin diumano ang NPA sa loob ng tatlong buwan hanggang sa ekspansyon nito sa 2019. Ngunit sumasalungat ito sa sunod-sunod na taktikal na opensibang inilunsad sa iba’t-ibang panig ng Pilipinas na nagresulta sa humigit-kumulang 120 kaswalti sa hanay ng AFP sa loob lamang ng isang buwan.
Sa pagbaling ng rehimeng US-Duterte sa mamamayan, dapat higit pang palawakin, palalimin ang pagkakaisa ng sambayanang Pilipino. Sa 50 taong karanasan ng Partido at BHB ay higit na itong nakapulot ng mga aral sa iba’t-ibang planadong pagdurog ng estado.
Mamamayan, magkaisa, labanan at ibagsak ang rehimeng US-Duterte!!