Masaker sa Tatlong Sibilyan, kagagawan ng 31st IBPA at mga Pulis ng Donsol at Pio Duran
Mahigpit na kinukundena ng Celso Minguez Command Bagong Hukbong Bayan – Sorsogon (CMC BHB – Sorsogon) ang pagmasaker ng pinagkumbinang mga berdugong yunit ng 31st IB PA, PNP Pio Duran At PNP Donsol sa tatlong sibilyan kahapon, Mayo 2, ganap na 3:29 ng umaga sa so. Small, sentro ng Brgy Sta Cruz, Donsol, Sorsogon.
Naglalakad-pauwi mula sa sayawan ng nasabing barangay ang mga biktimang sina Alvin Orpiada, 50, at Randy M. Radana, nang pagbabarilin ng mersenaryong mga tropa. Napansin ng ikatlong biktimang si Christopher M. Nimo, 40, ang pangyayari kung kaya’t sinubukan niya itong alamin nang pagbabarilin din siya ng mga pumaslang sa naunang dalawang biktima. Pagkatapos ng pangyayari, hinayaang mabilad ang kanilang mga katawan sa gitna ng sikat ng araw. Ganito ang mukha ng pasistang rehimen ni Duterte
Sila’y mga lehitimong sibilyan: si Orpiada ay dating kasapi ng BHB, at apat na taon ng namumuhay bilang sibilyan na nasa lugar dahil nakikipyesta, samantalang sina Radana, isang electrician at tourist guide sa bayan ng Donsol at Nimo ay parehong residente, kapwa may asawa at mga anak at parehong barangay tanod sa nabanggit na barangay. Desperadong iniugnay ng mga elemento ng sundalo at pulis ang mga ito sa rebolusyonaryong kilusan.
Walang engkwentrong nangyari at wala silang armas. Walang yunit ng BHB sa lugar nang panahong iyon. Ang gasgas ng kwento ng mga berdugong militar at pulis ng rehimeng US-Duterte ay pagpapakita ng isang karuwagan at pagpapakita na wala silang pinipili. Hindi ligtas ang sinumang sibilyan sa kanilang pamamaslang anuman ang kanyang katayuan sa buhay. Nasa huling taon at kasagsagan ng kanilang pagpapakitang gilas sa nalalabing ilang buwan ni Duterte ang mga mersenaryong sundalo na mauubos na ang mga NPA kung kaya’t naging gawi na din nilang lumikha ng senaryo upang bigyang katwiran ang kanilang mga pananakot at pang-aabusong militar.
Ang ganitong mga pangyayari ay lalong nagtutulak sa mamamayang magngalit sa galit at lumaban kesa mamamatay ng walang laban sa tiraniko, pabaya, pasista at korap na gubyernong hindi kayang protektahan ang kanyang mamamayan.
Para sa mga kagawad ng midya, hinahamon namin kayo na pumunta sa Brgy. Sta Cruz, bayan ng Donsol. Nasa inyo ang buong pagkakataong saliksikin ang katotohanan ng mga pangyayari. Maging kritikal at syentipikong magsuri nang may pagsisilbi sa mamamayan.
Nananawagan ang CMC BHB – Sorsogon sa mamamayang Bikolano laluna sa mga Sorsoganon, labanan ang ganitong mga karumal-dumal na gawain ng mga pasistang militar, sila’y mabalasik dahil may dala silang baril pero bahag ang buntot sa galit ng mamamayang nagkakaisa at lumalaban.