Masang Albayano, magkaisa at buong tapang na labanan ang teroristang 49th IBPA!

,

Mariing itinatakwil at kinamumuhian ng mamamayang Albayano ang 49th Infantry Battalion-Philippine Army. Sila at si Duterte, ang tunay na terorista at kaaway ng masang Albayano. Hindi kailanman malilimot ng taumbayan ang dugong inutang ng berdugong batalyon. Saanmang larangan ng labanan, mapagpasyang haharapin at bibiguin ng masang Albayano ang 49th IB at papatinding pasistang bigwas ng rehimeng US-Duterte.

Taliwas sa kanilang taguring Good Samaritan, talamak ang naging rekord ng kasamaan ng 49th IB sa mga prubinsya ng Albay, Sorsogon, Camarines Norte at Camarines Sur simula nang buuhin noong 2009. Kabilang dito ang pagmasaker at ilang mga kaso ng panggagahasa, pamamaslang at panununog.

Ang pagbabalik ng 49th IB at pagdestino nito sa Albay ay bahagi ng buong lakas at pamatay-dagok na desperasyon ni Duterte na durugin ang rebolusyonaryong kilusang masang nananawagan sa kanyang pagpapatalsik. Nangangahulugan lamang ito ng mas madugo at marahas na teroristang atake ng 9th Infantry Division Phil. Army (9th IDPA) sa masang Bikolano. Ibinalik ang batalyon bilang pampuno sa nagsipagbawas na mga pwersang pangkombat ng 9th IDPA batay sa MO32 na isunod sa Mindanao ang Samar, Negros at Kabikulan sa Total War ni Duterte. Bukod rito, tiyak na magsisilbing pwersang pangseguridad ang 49th IBPA sa mga kontra-mamamayang proyekto sa prubinsya.

Walang inaksayang panahon ang 9th IDPA at mga upisyal ng naturang batalyon sa pamumuno ni Lt. Col. Benjamin Tapnio at kagyat na ipinakat ang pagod at demoralisadong mga tropa ng 49th IBPA upang maghasik ng karahasan sa Albay. Sa gitna ng paghihirap na dinaranas ng masang Albayano hatid ng krisis ng Covid-19, walang patawad na nagsagawa ng operasyong Retooled Community Support Program (RCSP) ang naturang batalyon kasama ang mga pwersa ng PNP-SAF at PNP-Albay. Sinaklaw ng mga operasyong RCSP ang mga bayan ng Ligao, Guinobatan, Pioduran, Jovellar.

Ipinagmamalaki ang akala’y mahusay na rekord sa pagwasak sa Marawi, dinumog ng 49th IBPA ang humigit-kumulang 35 baryo sa mga naturang bayan at buu-buong komunidad ang agresibong sinindak at sinalakay. Bitbit ng kanilang mga operasyong RCSP ang pagpapatupad sa Anti-Terror Law, pangangamkam ng lupa at kampanyang pagpapasurender sa sinumang pinaghihinalaan nilang sumusuporta umano sa NPA. Kahit nagsisimula pa lamang, nagdulot kaagad ng matitinding kaso ng paglabag sa karapatan at abuso ang batalyon.

Upang pagtakpan ang kanilang operasyon, pinalabas ng 9th IDPA na ang mga presensya ng militar sa mga liblib na baryo ay bahagi ng pagsugpo sa Covid-19. Subalit, bukod sa karapatang-tao, mismong ang batalyon ang numero unong lumalabag sa mga militaristang health protocol sa Covid-19 tulad ng pagpasabong, pagtipon ng masa at pagsagawa ng iligal na sensus. Dobleng lockdown ang pinapasan ng taumbaryo hatid ng Covid-19 at perwisyong dulot ng armadong presensya ng militar. Hindi makapagsaka ang masa ng kanayunan kapag nalipana ang mga mamamatay-taong AFP.

Walang ibang makagagapi sa teroristang pananalasa ng 49th IB kundi ang ating pagkakaisa, pagkilos at paglaban. Walang laban ang hambog ng batalyon sa nagkakaisang tapang ng masang Albayano. Huwag nating hayaang patagalin pa ang pagdurusa at peligrong hatid ng militarisasyon sa ating komunidad. Huwag magpapadaig sa kanilang paninindak at pandarahas. Ssa halip na matakot, pagkakataon ito upang singilin at panagutin ang natuang batalyon sa kanilang patung-patong na pasistang krimen sa masang Albayano. Kung hindi tayo lalaban, tiyak lamang na titindi ang ating paghihirap sa kamay ng militar, pulis at ng kanilang punong kumander na si Duterte.

Igiit at ipagtanggol ang karapatan. Tutulan ang kanilang pagkakampo sa mga baryo. Magsagawa ng mga kilos protesta, mobilisasyon at iba pang hakbangin tulad ng delegasyon, petisyon, panawagan sa radyo at social media upang ipakita ang ating pagkakaisa at ipanawagan ang kanilang paglayas sa ating mga komunidad. Ilantad sa lahat ng dalyuan at porma ang mga pang-aabuso at iligal na gawain ng militar at panagutin ang mga ito. Suportahan ang paninindigan ng mga upisyal ng barangay sa kanilang sibilyang otoridad. Pandayin ang sama-samang pagkilos at maging alerto sa anumang karumaldumal na pananalasa sa kanayunan na maaaring gawin ng batalyon. Higit sa lahat, lumahok sa lumalawak na kilusang masang naghahangad na patalsikin si Duterte.

Mulat ang mamamayan na ang paglulunsad ng demokratikong rebolusyon ang tanging solusyon sa walang kapantay na krisis na pinasahol pa ng militar at palpak na pagharap ng rehimen sa pandemyang Covid-19. Kasama ng masang Albayano ang kanialng tunay na hukbo, ang Santos Binamera Command-Bagong Hukbong Bayan Albay, sa labang ito. Ipagtatanggol ang BHB-Albay ang masang Albayano sa paglulunsad ng mga taktikal na opensibang lulumpo sa pasistang pwersa at magbibigay ng rebolusyonaryong hustisya sa patung-patong na pasistang krimen ng kaaway. Magsisilbing inspirasyon ang armadong paglaban ng mga Pulang mandirigma upang paigtingin ng masang Albayano ang pakikibaka para sa lupa at kabuhayan, karapatan at kalayaan.

Hangal o nagbubulag-bulagan ang 9th IDPA at 49th IB kung inaakala nilang nagtatagumpay ang gera ni Duterte laban sa mamamayan. Sa halip, pinatatag lamang ng pagbabalik ng 49th IB ang kapasyahan ng mamamayang Albayano na tumangan ng armas at buong giting na lumahok sa makatarungang digma. Tulad ng daan-daang nagsipagbuwal nang pwersa ng 9th IDPA, tutunguhin ng 49th IBPA ang tiyak na pagkalagas at paghina habang mananatiling matatag at patuloy na lalakas ang rebolusyonaryong kilusan at pagkilos ng mamamayan sa prubinsya.

Mga kaso ng paglabag sa karapatang tao at Covid-19 health protocols ng 49th IB
  • Pagpapasabog sa bahay at tangkang pagpatay kay Myrnia Donio sa Brgy. Bololo, Guinobatan
  • Pagkuha sa mga cellphone number ng mga residente sa Brgy. Batbat, Guinobatan
  • Pagpapaputok (istraping) sa mga sibilyan sa Brgy. Agol, Pioduran
  • Bantang pagpatay at pilit na pagpapasurender sa mga residente ng Brgy. Pood at Batbat, Guinobatan. Tinakot din ang mga upisyal sa naturang barangay na papatayin o kaya’y aalisin sa pusisyon.
  • Pagpapasabong, iligal na pagsensus, pagbabahay-bahay at pagpapatipon sa mga residente na paglabag din sa social distancing
Ang madugong kasaysayan ng 49th IBPA

2009: Nasa ilalim ng 901st Brigade, na ipinakat sa prubinsya ng Albay at Sorsogon. Ang naturang mga prubinsya ang itinuring na prayoridad ng militar sa rehiyon noong panahong ito. Pinangunahan ng 49th IBPA ang pagsasagawa ng krimen laban sa masang Albayano at Sorsoganon sa ilalim ng Oplan Bantay Laya ng rehimeng Arroyo.

BALIKATAN 2009: Ipinupwesto ang naturang batalyon sa Brgy. San Francisco, Legazpi City bilang pwersang panseguridad at mahigit 50 barangay sa prubinsya ang pinakatan ng Special Operations Team ng buong brigade. Maraming magsasaka ang nawalan ng kabuhayan dulot ng pagbabawal sa kanilang magtrabaho sa kanilang taniman.

TANGKANG PAGMASAKER (Pebrero 18): Napaslang ang 16 buwang sanggol na si Raphaela Polvorido habang pito ang lubhang nasugatan, karamihan musmos, matapos walang pakundangang paputukan ng mga tropa ng 901st Brigade ang kabahayan ng pamilyang Polvorido sa Brgy. Balanac, syudad ng Ligao.

PAGDUKOT: Dinakip ang mga sibilyang sina Brgy. Kagawad Jerry Doctor at Jose Lutistica ng Brgy. Maalo, Juban, Sorsogon.

 

2010-2011: Ganap nang nabuo ang 9th Infantry Division Philippin Army sa pagkumpleto nito sa 903rd Brigade. Inilipat sa ilalim ng naturang brigada ang 49th IBPA. Sinaklaw ng 49th IBPA ang prubinsya ng Sorsogon sa panahong ito. Pagdating ng 2011, 13 barangay sa mga bayan ng Casiguran, Gubat at Sorsogon City ang inatake ng operasyong SOT ng naturang batalyon.

PANGGAGAHASA (Agosto 2010): Dalawang menor-de-edad na kababaihan ang ginahasa sa magkahiwalay na insidente sa loob ng kampo ng 49th IBPA sa Brgy. Rangas, Juban at sa kampo ng 22nd IBB sa Sityo Tublijon, Brgy. Rizal, Sorsogon. Ang unang biktima ay makailang-ulit na ginahasa ng isang Pfc. Hamandre Flores, elemento ng 49th IBPA at anchorman ng programang Good Samaritan, programa sa radyo ng militar sa Radyo PADABA.

ILIGAL NA PAG-ARESTO: Dinakip sina Rosabelle Mangampo Calayo, 32 taong gulang, at kanyang mga anak, na pawang mga sanggol at pamangkin at dinala sa munisipyo ng Gubat, Sorsogon at doon kinuwestyon.

PANANALAKAY: Iligal na pinasok at hinalughog ng nakadamit-sibilyang elemento ng 49th IB ang kabahayan ng mga sibilyan sa Brgy. San Juan Daan, Bulan.

PAMAMASLANG: Karumal-dumal na pamamaslang sa dalawang magkokopra sa bayan ng Bulan, Sorsogon.

 

2012-2015: Nadeploy sa Camarines Norte at sinakyada ng operasyong PDT ng 49th IB sa ilalim ni Lt. Col. Epimaco Macalisang ang 36 na baryo sa bayan ng Labo. Nagpatuloy ito hanggang 2015 at nagpalawak ng pananalasa hanggang sa una at ikalawang distrito ng Camarines Sur at nagsilbing protektor ng malalaking mangangamkam ng lupa at mga druglord sa Camarines Norte.

MASAKER (Pebrero 25): Walang pakundangang pinagbabaril at minasaker ang pamilyang Mancera, residente ng Sityo Magatong, Purok 6, Brgy. Malaya, Labo, Camarines Norte.

ISTRAPING (Abril 29): Walang pakundangang pinaputukan ang sentrong baryo ng Brgy. Maot, Labo kung saan isang sibilyan ang napatay habang isa ang sugatan.

PAMAMASLANG (Agosto): PInatay si Brgy. Capt. Merly Bermas ng Brgy. Malaya at kasama nitong apat na taong gulang na bata. Si Capt. Bermas ang tumulong sa pag-asikaso ng labi ng minasaker na pamilya Mancera.

 

2016: Ipinakat sa eryang saklaw ng 1st IDPA sa Mindanao. Isa sa mga pinokusang erya ang Lanao del Sur kung saan nakapagtala rin ang batalyon ng napakaraming abusong militar, kaso ng pekeng pagpapasuko, pambubomba sa mga komunidad at pamamaslang.

2020: Ibinalik sa rehiyong Bikol at ipinakat sa Albay. Kasalukuyang walang habas na nagsasagawa ng operasyong Retooled Community Support Program (RCSP) sa mga bayan ng Guinobatan, Pioduran, Ligao City at Jovellar.

Militar sa kanayunan, palayasin!
Biguin ang mala-SEMPO na atake sa Kabikulan!
Ilantad at panagutin ang 49th IB sa kanilang mga krimen!
Ibagsak ang rehimeng US-Duterte!
Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!

Masang Albayano, magkaisa at buong tapang na labanan ang teroristang 49th IBPA!