Masang Bikolano, magkaisa at magpunyaging labanan ang diktadura!
Pinagpupugayan ng NDF-Bikol ang masang Bikolano sa magiting na pagharap sa diktadura at lahat ng atake ng pasistang estado. Sa harap ng hindi na mabilang na gera kontra-mamamayang iwinasiwas ng lahat ng nagdaang papet at pasista, patuloy na nagpupunyagi ang masang inaapi at pinagsasamantalahan upang ipagtanggol ang kanilang mga karapatan at itaguyod ang kanilang mga kahingian.
Ibinalik at ilang ulit na pinasahol ng rehimeng US-Duterte ang bangungot ng batas militar sa buong bansa. Ilinatag nito ang makinarya ng tiranikong paghahari mula pa noong 2016 – pagpupuno ng retiradong heneral at pulis sa pusisyon ng mga sibilyang ahensya, pag-oorkestra ng mga senaryong mangangailangan umano ng kamay na bakal at pagkokonsolida sa malalaking burukrata’t imperyalistang susuporta rito. Sa loob ng apat na taon, tiniyak ni Duterte na maipapataw ang isang batas militar na higit pang masahol kaysa sa diktaduryang Marcos.
Sumusuklob na ang batas militar sa Kabikulan. Hindi lumilipas ang isang araw na walang naibabalitang dinarahas ang mapanupil na makinarya ng estado. Halos dalawang taon nang umiiral ang state of calamity sa ilalim ng MO 32 at EO 70. Sa pagpasok ng taong ito, sunud-sunod na atakeng kahalintulad ng Synchronized Enhanced Management of Police Operations (SEMPO) sa Negros ang sumambulat sa masang anakpawis. Patuloy na dumarami ang ekstrahudisyal na pamamaslang, iligal na pang-aaresto, paghahalughog at panghaharas, laluna sa kanayunan.
Naitalang 18 sa 28 na ekstrahudisyal na pamamaslang sa taong ito ang naganap sa Masbate, kung saan walang humpay ang operasyong militar mula pa noong unang kwarto ng taong ito. Kulu-kulumpong mga barangay ang inokupa at patuloy na sinasalanta ng mga tim ng Retooled Community Support Program (RCSP), sa ngalan ng madugong gera kontrainsurhensya. Sa kalunsuran, apat na lider-masa na ang iligal na inaresto ng militar at pulis, habang patuloy ring nakararanas ng matinding panghaharas at pambabanta ang iba pang aktibong progresibong indibidwal at organisasyon. Naiulat pang pinagbubugbog si Ramon Rescovilla, Deputy-Secretary General at spokesperson ng CONDOR-PISTON, habang nasa kustodiya ng pulis.
Hinog ang kalagayan para sa pagdaluyong ng napakalawak na kilusang masang makapagpapabagsak muli sa isang diktador. Hamon para sa rebolusyonaryong kilusang organisahin at pakilusin ang mamamayan at mapanatili ang opensibang postura laban sa diktadura, mapalawig man ni Duterte ang kanyang termino o mahalinhan siya ng kasingsahol lang din na pasista at tuta. Handa ang NDF-Bikol, kasama ang buong rebolusyonaryong kilusang makiisa at samahan ang masang anakpawis sa bawat hakbang upang labanan at biguin ang diktadura at makamit ang tunay na paglaya mula sa pang-aapi at pagsasamantala.
Hindi papayag ang masang Bikolanong bumalot pa ang kadiliman ng batas militar sa buong bansa. Magkaisa’t labanan ang diktadura! Likhain ang kasaysayan, pabagsakin ang rehimeng US-Duterte! Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!