Mataas na pagpupugay kay Ka Kyla!
Read in: English
Sa gitna ng aming pagdadalamhati sa pagpanaw ni Kerima Tariman o Ka Kyla para sa masang kanyang nakasama’t pinagsilbihan sa Kabikulan, iginagawad ng PKM-Bikol ang mataas na pagkilala sa kanyang mahalagang konstribusyon sa pagpapalakas ng kilusang magsasaka sa rehiyon, partikular sa prubinsya ng Camarines Sur.
Ipinagmamalaki namin na naging bahagi ng aming buhay pakikibaka si Ka Kyla. Ubos kaya niyang ibinahagi ang kanyang kakayahan at kaalaman upang imulat ang mga magsasaka sa East Camarines Sur, kung saan siya nagtagal ng halos tatlong taon. Matyaga siyang nagturo ng mga pag-aaral sa Pambansang Demokratikong Paaralan (PADEPA), araling pampartido at mga isyu ng lipunan. Ganoon din, siya’y naging mag-aaral ng mga magsasaka sa pamantasan ng buhay at pakikibaka. Buong kababaang loob siyang nakisalo sa sakripisyo at kahirapang dinaranas ng mga maralitang magsasaka at sa pagsusulong ng makatwirang digma.
Gaano man kalayo ang mga baryong kanyang inikutan, hindi siya nagpakita ng panghihina o pagkapagod. Lagi siyang handang dumalo sa mga pulong ng mga sangay ng Partido at organisasyong masa. Palagi rin siyang handa, may kompyuter man o wala, na magbigay ng mga pampulitikang pag-aaral. Tumulong siya sa pagsisistematisa at pagsasaayos ng mga kampanyang masa. Sa pagtuklas at pag-aaral ng pagsasapraktika ng programa ng Partido sa mga larangang gerilya, partikular sa paglulunsad ng rebolusyong agraryo sa rehiyon, isinulat ni Ka Kyla ang kanyang mga obserbasyon, katanungan, mga puna’t mungkahi kaugnay ng pagpapatupad nito.
Kinakitaan din ng tapang at buong loob na paninidigan ang kasama sa pagharap sa kaaway. Hindi siya nagpatinag. Sa ilang ulit na depensibong labanan, bumalik lamang siya sa karaniwang gawain at tinanggap na bahagi ito ng buhay sa Pulang hukbo at bilang Partidista. Malinaw sa kanya na ang matinding pananalakay ng kaaway ay patunay lamang sa pundamental na kaibahan ng makauring paninindigan ng BHB mula sa mersenaryong hukbong nagsisilbi sa interes ng naghaharing-uri.
Hindi rin niya inalintana ang sakripisyong malayo sa sariling pamilya at anak. Ipinakita niya na ang kanyang ipinaglalaban ay hindi lamang para sa kanyang bugtong na anak kung hindi para sa maraming anak ng magsasakang inaapi. Nais niyang mag-ambag para sa kanilang maalwan at mabuting kinabukasan. Siya ay naging ina at kasama para sa laksa-laksang kabataang naging bahagi ng kanyang buhay pakikibaka.
Nailipat man siya ng kinikilusang erya, panata ng bawat isa sa mga Pulang madirigma at kumander na kanyang nakasamang panatilihin at paunlarin sa mga komunidad na kanyang kinilusan ang mga iniwang aral at mga karanasang nagpamahal sa kanya sa masa at mga kasama. Sa kanyang paglisan sa daigdig, nagpapasalamat kami sa napakahalagang ambag na kanyang iniwan na tumulong sa pag-abot ng lahatang-panig na pagsulong ng rebolusyon sa aming prubinsya. Ka Kyla, mananatili kang buhay sa aming mga puso.