Matagumpay na aktibong depensa ng LDGC sa Mindoro, sampal sa buhong na si Parlade!

,

Binabati ng Lucio de Guzman Command – New People’s Army-Mindoro (LDGC – NPA-Mindoro) ang matagumpay na aktibong depensa ng isang team nito laban sa pagsalakay at tangkang pag-ambus ng mersenaryong 4th Infantry Battalion-Philippine Army (IBPA) noong Enero 26, 2021, alas-10 ng umaga sa Brgy. Happy Valley, Roxas, Oriental Mindoro. Dahil sa taglay na mataas na antas ng alerto, nakaunang pumutok ang team laban sa kaaway. Malubhang nasugatan ang dalawang kaaway, samantalang ligtas namang nakaatras ang Pulang hukbo.

Naganap ang labanan ilang linggo matapos ang deklarasyon ng berdugong si Heneral Antonio Parlade Jr., hepe ng Southern Luzon Command (SOLCOM) at    tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na Mindoro ang sentro ng operasyong kontra-insurhensya ng rehimeng US-Duterte ngayong taon. Dahil dito, asahan natin ang mas malawakan, sustenido at marahas na mga Focused Military Operations-Retooled Community Support Program (FMO-RCSP) sa ilalim ng programang Joint Campaign Plan Kapanatagan ng rehimeng US-Duterte.

Bilang pagtugon sa hamong ito, inaatasan ng LDGC ang lahat ng yunit sa ilalim nito na maging handa sa anumang atakeng isasagawa ng mersenaryong AFP-PNP laban sa rebolusyonaryong pwersa at mga Mindoreno. Aktibong depensa ang pamalagiang postura natin sa malulupit na atake ng pasistang tropa ni Duterte sa isla upang ipagtanggol ang rebolusyonaryong base at mamamayang Mindoreño.

Dahil isang gyera kontra-mamamayan ang inilulunsad ni Duterte, asahan nating kakambal ng papatinding operasyong kontra-insurhensya ang mga paglabag sa karapatang-tao. Katunayan, matapos ang nabanggit na labanan sa Happy Valley, sapilitang pinalikas ang 20 pamilya na ngayo’y kinakanlong ng lokal na pamahalaan ng Roxas.

Kung kaya, inatasan din ang lahat ng mga yunit ng LDGC na parusahan ang mga sagad-sagaring kaaway na pumapatay sa buhay at kabuhayan ng mamamayan. Humanda sa mas malalaking sakripisyo at higit na paglaban upang isulong ang digmang bayan hanggang sa tagumpay.

Sampal naman sa mayabang at berdugong si Parlade at mga opisyal ng 203rd Brigade ang tagumpay na ito sa aktibong depensa. Sa maraming pagkakataon na nagsasagawa sila ng pag-atake sa LDGC, nababaligtad ang mesa laban sa una. Dahil sa posturang aktibong depensa ng Pulang hukbo, mas napipinsalaan pa ang mga umaatakeng yunit ng sundalo at pulis.

Naging hepe rin ng 203rd Brigade sa Mindoro si Parlade mula 2015 hanggang 2018. Noong 2017, buong pagyayabang niyang idineklarang “kayang kaya” niyang durugin ang NPA sa Mindoro sa loob ng dalawang taon. Makalipas ang apat na taon mula noon, hindi lamang nakatayo ang NPA sa Mindoro kundi patuloy na lumalakas at lumalawak, patunay na bigung-bigo ang deklarasyong ito hanggang sa kasalukuyan. Sa kabila ng pinatinding focused military operations at retooled community support program operations ng 203rd Brigade sa isla, nagkamit ang rebolusyonaryung kilusan sa Mindoro ng lahatang panig na mga tagumpay. Ubos-kayang nagpupunyagi ang LDGC at mamamayang Mindoreño para sa pagsusulong ng matagalang digmang bayan.

Sa nalalabing taon ng pasista at tiranikong rehimeng US-Duterte, tiyak na titindi ang panunupil nito sa mga lumalabang mamamayan, kalaban sa pulitika at higit sa lahat, sa mga rebolusyonaryong pwersa. Paiigtingin nito ang terorismo ng estado kapwa sa kalunsuran at kanayunan sa balangkas ng kontra-insurhensyang programa na ipinatupad ng Executive Order No. 70 at JCP Kapanatagan. Pinatupad ang mga kautusan at programang ito sa pagkakabuo ng NTF-ELCAC. Pinakahuli, ginawang legal ang pag-atake sa batayang karapatan ng mamamayan sa pagsasabatas ng Anti-Terror Law noong July 2020.

Nakahandang sumuong ang LDGC – NPA-Mindoro sa mas matitinding    paglaban at muling bibiguin ang mga atake ng mapang-api, mapagsamantala at teroristang si Duterte. Buo ang pagkakaisa nitong harapin ang nakaambang pagsalakay ng 2nd IDPA, 203rd Brigade at PNP-Mimaropa ngayong taon at pursigido nitong ipagtatanggol ang mga Mindoreño at mag-ambag sa pagsulong    ng demokratikong rebolusyong bayan.###

Matagumpay na aktibong depensa ng LDGC sa Mindoro, sampal sa buhong na si Parlade!