Matagumpay na Taktikal na Opensiba ng Armando Catapia Command (ACC-BHB Camarines Norte)!
Isang taas-kamaong pagbati ang ipinapaabot ng Santos Binamera Command-BHB Albay (SBC-BHB Albay) at mamamayang Albayano sa isang matagumpay na taktikal na opensiba na inilunsad ng mga kagawad ng Armando Catapia Command (ACC-BHB Camarines Norte) noong Marso 19, 2021, 9:26 ng gabi.
Inilunsad ang nasabing operasyon laban sa mga elemento ng 2nd Police Mobile Force Company (2nd PMFC) sa Sitio Nalisbitan, Brgy. Dumagmang, Labo, Camarines Norte.
Nakumpiska sa operasyong ito ang isang (1) baby M60, isang (1) m4, anim (6) Galil, at (6) Glock. Patay ang limang elemento ng pulisya habang tatlo naman ang sugatan.
Nitong mga nakaraang linggo, maramihan ang inoperasyon ng mga elemento ng PNP sa tabing ng kanilang bagong bihis na SACLEO. Marami sa mga biktima nito ay sibilyan at isinailalim sa operasyong may gasgas ng linyang ‘nanlaban kaya napatay’ habang nagsisilbi ng warrant of arrest.
Mula nang maupo si Duterte noong 2016, naging kalakaran ang walang patumanggang pagpatay sa mga sibilyang walang kalaban-laban ng mga kagawad ng pulisya at sundalo. Higit nilang pinag-iinitan yaong mga lumalaban para sa kanilang karapatan, yaong mga humihiyaw ng katarungan para sa mga biktima ng ekstra-hudisyal na pamamaslang. Nagsilbing ‘pinagtataguang saya’ si Duterte ng mga pulisya at sundalong abusado kapalit ang kasiguruhang hindi siya iiwanan upang hindi siya mapatalsik sa pwesto.
Sa kabila ng red tagging at terror listing sa bihis ng Anti-Terrorism Law (ATL) na ipinasa ng gubyerno ni Duterte, hindi nito maapula ang patuloy na paglaban ng mamamayan. At dahil desperado sa pangarap niyang tapusin ang rebolusyonaryong kilusan sa 2022, maging ang mga operasyong may kinalaman sa droga ay ikinakabit din sa rebolusyonaryong kilusan.
Higit kailanman, ang sambayanang Pilipino ang makakapagsabi at saksi kung sino ang tunay na kaaway— kasapakat ang kanyang AFP-PNP-CAFGU na nagtataguyod sa numero unong kurap, drug lord, pabaya sa kabila ng pandemya at tiranikong rehimeng Duterte o ang rebolusyonaryong kilusan na ang ultimong layunin ay maitayo ang gubyerno ng pinakamalawak na masang anakpawis.
Nananawagan ang SBC-BHB Albay na higit tayong magkaisa sa gitna ng pananalasa ng gubyernong Duterte mismo sa mamamayang Bikolano.