Matatagumpay na bigwas ng LDGC sa 203rd Brigade, hustisya sa mga biktima ng teroristang rehimeng Duterte!
Matagumpay na inilunsad ng mga yunit ng Lucio De Guzman Command – NPA Mindoro (LDGC-NPA Mindoro) ang isang opensiba at isang aktibong depensa laban sa huling bugso ng focused military operation (FMO) ng 203rd Brigade (Bde) at PNP-MIMAROPA ngayong Agosto sa balangkas ng NTF-ELCAC at JCP Kapanatagan. Muling binigo at binigwasan ng mga aksyong militar na ito ang walang patid na FMO ng AFP-PNP sa mga bayan ng Roxas, Mansalay, Bulalacao, at Bongabong sa Oriental Mindoro.
Noong Agosto 4, di bababa sa 4 ang patay at 2 ang sugatan sa matagumpay na aktibong depensa ng isang yunit ng LDGC laban sa umaatakeng pasistang pwersa ng pinagsanib na mga elemento ng 4th Infantry Batallion (IB) at PNP-MIMAROPA sa saklaw ng Sityo Lupok, Brgy. Panaytayan, Mansalay ganap na alas-tres ng hapon. Ang yunit ng LdGC ay nagsasagawa ng kampanyang edukasyon sa mga katutubo laban sa pandemyang Covid-19 nang atakehin ng mga pasistang tropa. Sa labis na pagkagulantang ng pasistang tropa, walang patumanggang nagpaputok ang mga ito sa bisinidad ng pinaglabanan. Samantala, ligtas na nakaatras ang yunit ng NPA.
Pinasabugan naman ng command detonated explosive (CDX) ng isa pang tim ng LDGC ang isang convoy ng anim na 6×6 na sasakyan ng mga pasista. Isa sa mga sasakyan ang nasapol dahilan para tumigil ang nasabing convoy at mabahura sa pag-abante sa kanilang patutunguhan. Naganap ang naturang opensiba noong Agosto 14, alas-diyes ng gabi sa Sityo Tambangan, Brgy. San Juan, Bulalacao.
Ang mga opensiba at aksyong pagtatanggol na ito ay tugon ng LDGC sa karaingan ng mga pinakabagong biktima ng paglabag sa karapatang pantao at internasyunal na makataong batas ng 203rd Brigade at PNP-MIMAROPA. Nito lamang Hulyo 29, walang awang pinagbabaril si G. Salvador “Baduy” dela Cruz sa Brgy. Gapasan, Magsaysay, Occidental Mindoro. Habang nakasakay sa kanyang motor, hinarang at pinababa siya at kanyang kasamahan ng mga pinaghihinalaang pwersa ng 203rd Brigade at PNP-MIMAROPA. Pinatakbo ang kaangkas sa kanyang motor at matapos ay pinagbabaril si G. dela Cruz hanggang mamatay. Si G. dela Cruz ay biktima ng red-tagging ng 203rd Brigade at PNP-MIMAROPA. Paulit-ulit na tinarget siya ng mga pwersang retooled community support program (RCSP) upang sapilitang pasukuin.
Sa Brgy. Tuban, Sablayan, Occidental Mindoro, dinakip at ikinulong ang apat na magsasakang sina Miguel Domingo Manguera, Fe Serna Marinas, Sherlito Casidsid at Allen Delafuente noong Hulyo 7. Ginawa ang karahasan laban sa kanila matapos ang naganap na labanan sa pagitan ng isang yunit ng Lucio de Guzman Command (LdGC)-NPA Mindoro at 76th IBPA sa Sitio Buscad, Brgy. Tuban noong Hulyo 5.
Pinagkaperahan naman ng mga heneral at opisyal ng 2nd IDPA at 203rd Brigade ang patong sa ulo na P4.5 milyong piso ng diumanong naaresto at nahuli nilang mataas na lider ng CPP-NPA sa isla ng Mindoro na si G. Ernesto Panganiban noong Agosto 6. Ni hindi kilala at wala ni anumang kinalaman sa CPP-NPA sa Mindoro at maging sa rehiyong Timog Katagalugan si G. Ernesto Panganiban.
Ang matatagumpay na aksyong militar na ito ay patunay sa mataas na antas ng kahandaan at diwang mapanlaban ng mga yunit ng LDGC upang bigyan ng katarungan ang mamamayang biktima ng terorismo ng rehimeng US-Duterte. Patuloy na tataglayin ng lahat ng yunit ng NPA ang diwa ng aktibong pagtatanggol sa mamamayan at sa rebolusyonaryong pwersa laban sa mga pag-atake ng pasistang AFP-PNP at rehimeng US-Duterte.
Tiyak ang kabiguan ng rehimeng US-Duterte at ng kanyang mga pasistang heneral sa itinakda nilang dedlayn ng pagwasak sa CPP-NPA-NDF bago matapos ang pagtatapos ng termino ng teroristang rehimen sa Hunyo 2022. Ganonman, kailangang harapin nang buong tapang ng mamamayan at rebolusyonaryong pwersa ang gagawin pang mas pinabangis na pag-atake sa mamamayan. Upang magtagumpay, kailangang tahakin ang landas ng armadong paglaban sa pamamagitan ng ibayong pagpapalakas at pagsampa sa NPA. Ito ang pinakaepektibong sandata ng sambayanan para kamtin ang rebolusyonaryong hustisya, demokrasya at kalayaan. Ito ang tanging lakas na dudurog sa mga pasista at teroristang rehimeng Duterte. ###