Matinding Kagutuman sa World Food Day!
Ngayong buwan ng Oktubre, sa pagdiriwang ng World Food Day, matinding gutom at pambubusabos ang nararanasan ng mamamayang Pilipino.
Pagpasok ng taon 2018, ginulantang tayo ng pahirap na rehimeng US-Duterte sa pagpapatupad ng batas na TRAIN para diumano sa kanyang proyektong Build, Build, Build! Lalong tumindi ang paghihikahos ng mamamayan dulot ng kagyat na pagtaas ng pangunahing bilihin habang walang pagtaas ang kanilang sahod at patuloy na pinagkakaitan ng benepisyo.
Maaga pa lang ay dinadagsa na ng maraming mahihirap na mamamayan ang mga tindahan ng NFA sa palengke upang makabili ng P37 kada kilo ng bigas. Tampok sa balita ang galit at pakikipag-away ng mamamayang nauubusan nito sa kabila ng maaga nilang pagpila para dito.
Ginto ang halaga ngayon ng commercial rice kahit pa sabihin ng rehimeng US-Duterte na sapat ang suplay nito ay mas pinaluwag nila ang mga patakaran upang dumagsa ang iniimport na bigas sa bansa.
Sumunod pa dito ang pagtaas ng presyo ng iba pang mga bilihin tulad ng isda, karneng baboy, manok at gulay. Sa bisa ng mga kautusan mula sa opisina ng Pangulo ay nakakapasok na ngayon ang mga galunggong mula sa ibang bansa.
Ito diumano ang paraan upang masawata ang tumitinding implasyon na nararanasan natin ngayon. Sa nakaraang buwan ng Setyembre nagtala ng pinakamataas na tala ng implasyon na 6.7% ang bansa sa ilalim ng mapagsamantalang rehimeng US-Duterte. Ang Bikol naman ang may pinakamataas na rekord ng implasyon na 10.1% sa buong Pilipinas. Kung hirap na ang mga mamamayan na maabot ang mga mahal na bilihin mas lalong nakakaranas ng grabeng pagtitiis ang mga maralitang magsasaka, manggagawang bukid, mala-manggagawa na wala namang inaasahang kita o sahod.
Mas titindi pa ang nararanasang ito ng mamamayan dahil imbes na makatulong sa atin ang mga batas at kautusan sa pagbabawas ng buwis upang makapasok ang mga inimport na pagkain, lalo lamang nitong pahihirapan ang mga magsasaka at mangingisda na nagsusumikap na magprodyus ng pagkain para sa kanilang pamilya at mamamayan. Ang ganitong mga pakana ay sang-ayon lahat sa pagpupursige ng neoliberalisasyon ng rehimeng US-Duterte.
Bunga ng monopolyo kapitalistang kairalan sa sektor ng agrikultura at patakarang neoliberal, umaabot sa 105 mula sa 149 mahihirap na bansa ang mga nag-iimport ng pagkain samantalang dito nanggagaling ang suplay na karamihan ay agrikultural na bansa mula Asya at Latin America. Hindi sila makapagprodyus ng sariling pagkaing pangkonsumo dulot ng mga di-pantay na kasunduan. Nasa kabuuang 60% ng nakakaranas ng kagutuman sa buong mundo ay mula sa Asya at Pasipiko. Kada taon patuloy na tumataas ang namamatay dulot ng kagutuman, umaabot ito ng 5.4M ayon sa datos noon pang 2012.
Isa din sa dahilan ng malawak na kagutuman ang patuloy na land conversion ng mga lupaing agrikultural upang tayuan ng mga malalaking gusali, subdivision, mga kalsada, daanan ng mga tren, taniman ng mga pang-eksport na produkto tulad ng pinya, saging, palm oil at rubber tree. Walang habas na ibinubukas ni Duterte ang buong Pilipinas laluna ang Mindanao sa dayuhang mamumuhunan habang inaagawan ng sariling pag-aari at lupaing ninuno ang mga lumad at lokal na may ari nito.
Ngayong Oktubre, hindi ang Red October na kinakatakutan ng AFP at ni Duterte ang magpapalayas sa kanila sa poder, kundi ang daang libong mamamayang kumakalam ang sikmura at sawang-sawa na sa patuloy na pahirap ng rehimeng US-Duterte.
Wakasan ang Kagutuman at pambubusabos sa mamamayan!
Imperyalismo Ibagsak!
Burukrata Kapitalismo, Ibagsak!
Pyudalismo, Ibagsak!
Patalsikin ang Rehimeng US-Duterte!