Memorandum Order No. 32: Estadong Atas sa Higit Pang Panunupil at Desperadong Hakbang Tungong Batas Militar
Dapat kundenahin at labanan ng masang Bikolano ang kautusan na Memorandum Order No. 32 ng rehimeng US-Duterte na naglalayong dagdagan ang pwersa ng militar at pulis sa rehiyon ng Bikol at sa mga prubinsya ng Samar at Negros. Linalaman ng MO 32 ang mga nakababahalang direktiba na tahasang lumalabag sa karapatang tao at pataksil na nagpapaloob sa mga lugar na target nito sa higit na masidhing presensya ng militar at operasyong paniktik. Kapag naipatupad, oobligahin ng MO 32 ang mga local government units (LGUs) at iba pang mga ahensya ng gubyerno na lumahok sa mga operasyong militar. Panghihimasukan ng militar ang mga aktibidad, pamamalakad at mga desisyon ng mga naturang ahensya. Pinahihintulutan din ng MO 32 ang pagsasagawa ng warrantless arrests sa sinumang arbitraryong paghinalaang may kaugnayan sa rebolusyonaryong kilusan, pagsita, pagkapkap o paghalughog at malaganap na checkpoints. Sa ganitong balangkas, ang sinumang sibilyan ay maaari nang arestuhin at sampahan ng mga gawa-gawang kaso.
Malinaw na hindi ‘precautionary measures’ at hindi rin para sa paghahanda sa midterm elections sa 2019 ang nasa likod ng MO 32 at ng plano ng AFP na pabalikin ang 49th IBPA at 42nd IBPA sa rehiyong Bikol. Ang ganitong mga hakbang upang pangabibabawin ang kapangyarihan ng militar ay walang ipinag-iba sa paghaharing-militar noon sa ilalim ng Batas Militar ng diktadurang Marcos. Bahagi ito ng hakbang-hakbang na pagpapatupad ng rehimeng US-Duterte ng isang de-factong Batas Militar na higit na maghahasik ng sukdulang karahasan at takot sa mamamayan, mananalasa sa karapatang tao at tatarget hindi lang sa rebolusyonaryong kilusan kundi maging sa sibilyang populasyon. Layunin nitong bigyan ng bagong bihis ang militaristang paghahari at sa gayon ay gawin itong tunay na nasa kontrol at sentro ng lakas sa ilalim ni Duterte, oobligahing pakilusin at pagsilbihin sa mga operasyong militar ang mga sibilyang ahensya at tauhan ng gubyerno at makahatak sa mas maraming ‘actors’ para sa ilinulunsad nitong kontra-insurhensyang programa.
Malinaw na bigo ang 9th IDPA, PNP at Task Force Bikolandia sa target nitong pahinain nang lubusan ang rebolusyonaryong kilusan bago matapos ang 2018. Sa kabila ng mga pahayag nitong wala nang sapat na lakas ang BHB sa rehiyon, nagkukumahog naman itong dagdagan ang pwersa nitong susupil sa pag-aalsa ng masa sa panibagong takdang pagpapalawig ng kanilang misyon sa gitna ng 2019.
Balatkayo lamang ng militar ang pagtataguyod umano sa kapayapaan at karapatang tao. Nagpopostura silang rumerespeto at nagtataguyod sa mga karapatang tao habang sa katotohanan ay sumasalig sa pasistang kamay na bakal sa pangwawasak sa mga rebolusyonaryo at progresibong organisasyon at paglinis ng mga teritoryo at sektor sa tinataya nilang impluwensyado ng rebolusyonaryo at progresibo. Ginagawa nila ang lahat ng paninira, demonisasyon at pagkriminalisa sa kilusang rebolusyonaryo, gayundin sa lahat ng pag-oorganisa at sama-samang pagkilos at paglaban ng karaniwang mamamayan upang palitawing lehitimong target ang mga ito ng pasistang dahas ng estado. Nagpapakadalubhasa ang militar sa paghanap, paggamit at paglusot sa mga butas ng batas upang igiit kundi man palitawing ligal ang kanilang mga pasitang krimen. Kabilang dito ang pagtatanim ng ebidensya, pagyari ng mga ebidensya at testimonyang huwad, pagpapatung-patong ng gawa-gawang mga kasong kriminal bukod pa sa tahasang tortyur, pananakot at pamimilit. Karaniwan na ang pangwawasak ng kasangkapan at bahay ng masa hanggang panununog, pagkonsumo ng mga hayop at produktong gulay at pagnanakaw ng pera at mahahalagang kagamitan. Humihinto rin sa pagsasaka at produksyon ang mga magsasaka kapag naglipana na ang mga tropang abusado sa mga barangay. Naglalakas-loob ang militar na itulak ang paghahari nito sa pag-aakalang makapagtitindig ito ng bandera at kredibilidad bilang kampeon ng karapatang pantao at tagapagtanggol ng “pambansang seguridad” habang nagpapatuloy at higit pang tumitindi ng militarisasyon at pasistang dahas sa kanayunan at kalunsuran.
Dahil ito ay nakaayon sa imperyalistang diktang ibayong paigtingin ang panunupil sa paglaban ng mga mamamayan ng daigdig, aasahan din na tuluy-tuloy na aayudahan ng US ang armadong pwersa ng papet na rehimeng US-Duterte sa anyo ng tulong pinansyal, kagamitan at rekurso, pagsasanay, direktang pwersang nag-oopereyt bilang bahagi ng civil-military assistance, direktang pagtulong sa internal na depensa at tuwirang interbensyong militar ng mga tropang US.
Sa harap ng MO 32, pagbabalik ng 49th IBPA at 42nd IBPA at dagdag na 276 bagong sinanay sa rehiyon, inaasahang higit na ipatutupad ng 9th IDPA ang estratehiya ng pagkontrol sa populasyon gamit ang marahas at labag-sa-karapatang-taong mga pamamaraan upang wasakin ang mga larangang gerilya, durugin ang BHB at pahinain ang pamunuan ng rebolusyonaryong kilusan. Gagamitin nito ang iba’t ibang modelo ng panunupil na dinisenyo ng mga berdugong upisyal ng AFP sa gabay ng Counter-Insurgency (COIN) Guide ng US. Hakbang din ito tungo sa napipintong pagpapatupad ng National Task Force na magtutuon ng pansin laban sa BHB.
Tiyak na gagamitin ang mga pamamaraan at konseptong tulad ng gradual constriction (win-hold-win), one-on-one (1 – 2 batalyon bawat larangang gerilya, operational command sa antas ng brigada), clear-hold-consolidate-develop, shock-and-terror tactics ng berdugong heneral na si Palparan at iba pa. Ang ganitong pakat ng militar ay naglalayong ibalik ang timbangang ‘isa-laban-sa-sampu’ na tinataya nitong makapagbibigay sa kanila ng superyor na pwersang pinakaepektibo sa pagdurog sa rebolusyonaryong kilusan sa pinakamabilis na panahon alinsunod sa prinsipyo ng war of rapid conclusion.
Sa ilalim ng all-out war ng pasistang rehimeng US-Duterte, nangangahulugan ang war of rapid conclusion ng maiigting na focused and sustained operations tulad ng ginagawa ng mga Peace and Development Teams at combat operations ng mga militar. Layon nitong wasakin ang base at suportang masa ng BHB, itulak at gasgasin sa maraming depensibang labanan, lansagin ang mga larangang gerilya at engganyuhin ang ibayong pagpapasuko sa mga pulang mandirigma.
Inaasahan ang higit na panghihimasok at censorship laluna sa mga daluyan ng impormasyon upang pigilan ang paglitaw ng katotohanan sa mga insidente ng abusong militar. Tiyak na tatamaan ng MO 32 ang kalayaan sa pamamahayag ng mga kagawad sa midya. Gagamitin ang iba’t ibang pamamaraan upang kontrolin ang paglabas-masok ng impormasyon gaya ng pagbabayad ng mga trolls na babaha ng mga pekeng balita sa mga daluyan ng midya, pagpapapasok ng inaalagaang asset sa mga istasyon ng radyo, telebisyon, pahayagan at iba pa o hindi kaya ay tuwirang pananakot at pagbabanta sa buhay ng mga makabayang kagawad ng midya.
Gayundin ang inaasahang panghihimasok na mararanasan ng mga ahensya ng gubyerno at LGUs. Oobligahin ang mga upisyales ng lokal na gubyernong sumang-ayon sa mga programang ipinapanukala ng militar kahit na ito ay sukdulang labag sa mga karapatan ng kanilang pinamumunuan. Ang sinumang hindi sumunod ay dadanas ng ‘smear campaign’, paparatangang taga-suporta ng rebolusyonaryong kilusan, pagbabantaan, iligal na aarestuhin o hindi kaya ay papatayin. Ngayon pa lamang, lampas na sa 15 upisyales ng lokal na gubyerno ang pinaslang ng pasistang militar. Kabilang dito si Kgd. Emilio Guab, residente at kagawad ng Brgy. Lajong, Juban, Sorsogon na pinaslang nitong Oktubre 2018 at si Kapitan Oscar Jetomo na pinaslang noong Agosto 16, 2017 sa prubinsya ng Sorsogon.
Bukambibig ng militar na sila ay para sa ‘kapayapaan’ at ‘na walang anumang paglabag sa karapatang taong naitala habang nag-ooperasyon’ ang kanilang mga yunit. Ngunit iba ang sinasaysay ng mga obhetong datos mula mismo sa masa. Ngayong taon pa lamang, nakapagtala na ng 42 kaso ng pamamaslang sa buong rehiyon kabilang ang walong senior citizen at apat na menor de edad. Naghahasik din ng takot ngayon ang mga mapagkunwaring Peace and Development Teams (PDT) sa mga eryang sinasaklaw nito sa rehiyon. Sapilitang tinitipon ang mga tao at tinatakot na huwag dumalo sa mga pagkilos. Iligal silang kinukuhanan ng litrato at pinapapirma sa mga gawa-gawang ‘incident reports’ ng pekeng engkwentro, ‘kontrata ng pagsuko’ at iba pa. Iligal ding gumagawa sila ng sensus, kabilang ang impormasyon ng mga lupang sakahan, mga lugar ng trabaho at tirahan ng mga kapamilyang nasa labas ng baryo at mga personal na impormasyong sa NSO lamang dapat matipon. Ang presensya ng militar sa mga kanayunan ay presensya ng batas militar. Batas ng pasismo at terorismo ng estado. Ito ang malinaw na “lawlessness”.
Mahaba ang listahan ng iniwang abusong militar ng 49th IBPA at 42nd IBPA sa rehiyon. Ilan dito ang walang pakundangang pagpapaulan ng putok ng mga elemento ng 42nd IB sa isang grupo ng 15 mangingisdang naglalayag sa Lagonoy Gulf, sakop ng Barangay Adiangao, San Jose, Camarines Sur noong Marso 3, 2009. Patay sa naturang insidente si Domingo Barbado at malubhang nasugatan si William Arroyo. Gayundin ang brutal na pagmasaker ng mga elemento ng 49th IBPA sa pamilyang Mancera noong Pebrero 25, 2012 sa Sityo Mapatong, Purok 6, Brgy. Malaya, Labo, Camarines Norte. Patay ang dalawang batang sina Michael Mancera, 10 taong gulang at Richard Mancera, pitong taong gulang. Patay din sa naturang insidente ang kanilang ama na si Benjamin Mancera, 45 taong gulang habang sugatan naman ang isa pang batang babaeng si Leoneza Mancera, 14 taong gulang. Sa pagbabalik nito sa rehiyon, aasahan ang pagsisigasig nitong muli na namang makapaghasik ng takot at banta sa buhay ng masang Bikolnon.
Dapat ubos-kayang labanan ng masang Bikolano at ng sambayanang Pilipino ang MO 32 at mga kahalintulad nitong militaristang hakbangin tungo sa Batas Militar – deklarado man o de-facto. Ito ay atake hindi lang sa rebolusyonaryong kilusan kundi maging sa kalayaan at kapakanan ng sibilyang populasyon. Lalabagin nito ang mga kalayaan na dapat tinatamasa ng mamamayan ng isang bansa at ang mga demokratikong aktibidad ng mga sibilyan. Bibigyan nito ng walang sagkang kapangyarihan ang militar na arbitraryong targetin at tugisin ang sinumang naisin nito. Sa harap ng tumitinding panunupil ng estado, dapat ibayong magbigkis ang sambayanan upang buong-lakas na bumalikwas at lumaban para sa isang lipunang tunay na demokratiko, malaya, masagana at mapayapa.