Mensahe ng Komiteng Rehiyon ng Partido Komunista ng Pilipinas sa Timog Katagalugan sa Ika-52 Anibersaryo ng New People’s Army
Download full statement: PDF | EPUB
Nagpupugay ang Partido sa Timog Katagalugan sa lahat ng mga Pulang kumander at mandirigma sa okasyon ng ika-52 Anibersaryo ng New People’s Army (NPA). Pinupuri ng Partido ang kanilang matibay na determinasyon, katapangan at dedikasyon na taos-pusong paglingkuran ang sambayanang Pilipino at isulong hanggang sa tagumpay ang pambansa-demokratikong rebolusyon ng bayan sa Pilipinas. Pinararangalan ng Partido ang NPA dahil sa ipinapamalas na kabayanihan, katatagan at diwang walang-takot sa pagbigo sa maruming gera at terorismo na pinakakawalan ng rehimeng US-Duterte at mga utusang aso sa AFP at PNP laban sa sambayanang Pilipino.
Pinagpupugayan ng KRTK ang mga rebolusyonaryong mamamayan na nasa kanayunan at kalunsuran sampu ng kanilang mga rebolusyonaryong organisasyon at mga lokal na organo ng kapangyarihang pampulitika sa mga larangan at baseng gerilya ng NPA dahil sa di matatawarang ambag nila sa pagsusulong ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa iba’t ibang panig ng kapuluan. Binabati at sinasaluduhan ng Partido sa rehiyon ang lahat ng alyado at kaibigan ng rebolusyon na sa iba’t ibang kaparaanan ay nag-aambag ng tulong sa rebolusyonaryong adhikain ng sambayanan.
Gunitain natin ang kadakilaan ng mga martir ng rebolusyon na walang pag-iimbot na nag-alay ng kanilang buhay para sa kapakanan ng masang api’t pinagsasamantalahan ng imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo. Nagsisilbing modelo ang kanilang dakilang buhay na dapat na tularan at pahalagahan ng bawat rebolusyonaryo. Sila ang inspirasyon sa nagpapatuloy na dakilang krusada para ibunsod ang rebolusyonaryong pagbabago na wawasak sa malakolonyal at malapyudal na sistemang panlipunan sa Pilipinas.
Sa partikular, iginagawad ang pinakamataas na pagkilala kina Kasamang Antonio Cabanatan, Julius Giron, Randall Echanis, Fidel Agcaoili, Eugenia Magpantay at Agaton Topacio—mga martir ng rebolusyon at kinikilalang pambansang lider at haligi ng kilusang pambansa-demokratiko—at kay Kasamang Florenda Yap. Si Kasamang Antonio Cabanatan, 74 taong gulang, ang pinahuling biktima ng pamamaslang ng kaaway kasama ang kanyang asawang si Florenda Yap, 65 taong gulang, na parehong ilang taon nang retirado sa rebolusyonaryong gawain. Dinukot, itinago at pinahirapan sila nang ilang buwan at saka binigti hanggang malagutan ng hininga. Natagpuan ang kanilang walang buhay na katawan noong Disyembre 26, 2020 sa Barangay Botong, Oton, Iloilo.
Pinararangalan din ng KRTK sina Ermin Bellen, Bonifacio Magramo, Mario Caraig, Dioscoro Cello, Noli Ciasico, Andrea Rosal, Lorelyn Saligumba, Rona Jane Manalo, Justine Vargas, Dario Almonte, Ronnel Batarlo, Eduardo Torrenueva at marami pang kasamang nagbuwis ng buhay at martir ng rebolusyon sa Timog Katagalugan. Sinasagisag nila ang di matatawarang katapatan sa rebolusyonaryong adhikain at pagiging modelo bilang mga rebolusyonaryo.
Humihiyaw ng hustisya at paniningil ang sambayanan at mga kaanak ng mga biktima ng kabuktutan at walang pakundangang pagpatay ng kasalukuyang naghaharing rehimen at ng berdugong AFP at PNP. Hindi makakalimot ang rebolusyonaryong kilusan sa walang kapatawarang krimeng ito laban sa sangkatauhan. Sa tamang panahon igagawad ng kilusan ang rebolusyonaryong hustisya sa mga pasimuno at may pananagutan sa mga karumal-dumal na krimeng ito.
Higit na mataba ang lupa sa pagrerebolusyon sa Pilipinas. Ang bulok-sa-kaibuturang malakolonyal at malapyudal na sistemang panlipunan sa bansa ang nagsasandal sa pader sa mamamayang Pilipino na magrebolusyon. Nasa unahan ng kilusan para sa pambansang pagpapalaya sa Pilipinas ang CPP-NPA at NDFP. Isinusulong ng Partido ang demokratikong rebolusyon ng bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan. Ang NPA ang pangunahing armadong organisasyon na pinakikilos ng Partido sa pagsusulong ng armadong pakikibaka upang durugin ang mga haligi ng reaksyunaryong paghahari ng imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo sa bansa.
Nananatiling paborable at mabilis na nahihinog ang kalagayan sa daigdig at bansa para sa pagsulong ng demokratikong rebolusyon ng bayan sa Pilipinas upang dalhin ito sa ganap na tagumpay. Sumusuray at patuloy na binabayo ng krisis ng labis na produksyon ang pandaigdig na sistema ng monopolyo-kapitalismo. Higit na naging matingkad ito sa pagragasa ng pandemyang COVID-19 na ibayong nagsadlak sa mga ekonomya, kapwa ng mauunlad at atrasadong mga bansa, sa pagkabangkarote. Nag-aanak ito ng malakas na paglaban mula sa masang manggagawa at masang anakpawis ng daigdig at pinalalagablab ang apoy ng armadong pakikibaka sa signipikanteng bilang ng mga bansang kolonya at malakonya ng imperyalismo kabilang ang Pilipinas.
Sa Pilipinas, ang mahigit limang dekadang buhay-at-kamatayang pakikihamok sa reaksyunaryong paghahari ng malalaking kumprador, uring panginoong maylupa at burukratang kapitalista ay naghawan sa pagkakatatag ng Pulang kapangyarihang pampulitika ng mamamayan sa maraming bahagi ng kapuluan at naghatid ng malalaking pagsulong at tagumpay ng nakikibakang sambayanan. Ang mga natipong tagumpay sa nakaraang mahigit limang dekada ang magiging higanteng puhunan para sa mas malalaking pagsulong at tagumpay sa darating na mga taon.