Mensahe ng Pakikiisa ng NDF-Bikol sa Pista ng Penafrancia
Mahigpit na nakikiisa ang NDF-Bikol sa pamibi ng sambayanan para sa katarungan at pangmatagalang kapayapaan. Sa ilang siglong pagdiriwang ng pista ng Penafrancia, naging dulugan si Ina sa nagkakaisang panalangin ng masang Bikolano at mga deboto sa loob at labas ng bansa para sa tunay na kaunlaran, katarungan at kapayapaan.
Buong tatag na sinuong ni Ina ang hirap at sakit upang mailigtas ang kanyang anak sa pangmamasaker ni Herodes sa libu-libong bata matapos mapabalita na isinilang na ang Tagapagligtas. Ibinuhos ni Ina ang kanyang pagkalinga sa kanyang anak at pinalaki itong mulat sa hirap at pagdurusa ng abang masa ng kanilang panahon. At sa huli, sa paanan ng pasakit na krus ay taas noo niyang pinagpugayan ang kanyang rebolusyonaryong anak na buong-lugod naglingkod upang wakasan ang pagsasamantala at pang-aapi sa lipunang alipin.
Dumudulog ngayon ang mamamayan sa Ina ng Tagapagligtas. Daan-libong pamilya ang hikahos sa kabuhayan dulot ng mabibigat na buwis at matataas na presyo ng mga bilihin sa kabila ng mababang pasahod at mababang presyo ng palay, kopra at abaka. Nagnangalit ang taumbayan sa tuluy-tuloy na pagdanak ng dugo sa ilalim ng pasista at tiranikong paghahari ng makabagong Herodes na si Duterte.
Sa tatlong taong pamumuno ni Duterte, 92 Bikolano na naitatalang biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang maliban pa sa ilang libong “nanlabang” biktima ng tahasang pagkitil ng buhay ng Oplan Tokhang. Mahigit sa tatlong libo ang biktima ng pambabanta, pananakot at pandarahas ng mga ahente ng estado. Ang katarungan, sa ilalim ng pasistang rehimen, ay nakalaan lamang para sa mga naghaharing-uri at kanyang mga kasapakat. Binuo na rin ni Duterte ang kanyang sibilyang junta at pormal nang itinatag ang Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict (RTF-ELCAC) sa rehiyon bilang pagsasakatuparan ng EO 70 at Whole-Of-Nation Approach. Magkasunod ding binuo ang Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC) sa Camarines Norte at Camarines Sur.
Ang pista ng Penafrancia ang isa sa mga nagbibigay-hugis sa nagkakaisang hangarin ng mamamayan upang makamit ang katarungan, kalayaan at pangmatagalang kapayapaan. Noong September 17, 1898 saksi si Ina sa pagningas ng digma ng masang Bikolano laban sa Espanyol.
Bilang mga tunay na anak ng bayan, muling pagtitibayin ng masang Bikolano ang kanilang pananampalataya at panata kay Inang mapagpalaya. Makakaasa si Ina at lahat ng inang mapagkalinga, na ang kanilang mga anak ay magpapatuloy sa landas ng rebolusyon.