Mensahe ng pakikiisa sa mga kilos protesta ngayong Setyembre 21
Pinapahayag ng Kabataang Makabayan ang mahigpit na pakikiisa sa lahat ng patriyotiko at militanteng kabataan at mamamayan na lalahok sa mga demontrasyon bukas, Setyembre 21, bilang paggunita sa ika-48 na taon ng pagdedeklara ng batas militar ng diktadurang Marcos.
Matapos ang halos limang dekada, wala pa ring nakakamit na hustisya para sa mga biktima ng mga krimen ng rehimeng US-Marcos noon. Ngayon, kinakaharap ng mamamayan ang isang panibagong batas militar sa kumpas ng tiranong Duterte.
Katambal ng grabeng kapabayaan ng estado sa harap ng pandemya na nagbunga ng halos hindi pa napapantayang kawalan ng trabaho ng mamamayang Pilipino at krisis sa ekonomiya sa loob ng bansa, ramdam ng masa ang bangis ng pananalasa ng militar at kapulisan ni Duterte na inilagay ng rehimen sa harapan ng aksyon nito kontra Covid-19. Sunod-sunod ang pagpatay at panghaharas sa mga aktibista at progresibo. Lalong nililimitahan ang kakayahan ng mamamayan na gumalaw sa itsura ng mga mapanupil na patakaran sa lockdown. Inaatake ang espasyo ng kabataan-estudyante sa mukha ng panininiktik at pagbabantay sa social media. Ang lahat ng ito ay sinasamantala ni Duterte para sa lalong pagpapatibay ng kanyang diktadura.
Mula sa ang Anti-Terror Act (ATA) of 2020 na nagbabantang supilin ang mga progresibong grupo at mamamayan na tumutuligsa sa administrasyon, hanggang sa Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2) na nagbibigay ng lalong konsolidadong kapangyarihan kay Duterte, hindi maikakaila na pangalan na lang ang kulang sa bagong batas militar na dinaranas ng masang Pilipino ngayon.
Malinaw sa masa na ang mga hakbangin ng rehimeng Duterte ay hindi naiiba kay Marcos. Sa katunayan, ang pamamaslang, tortyur, atake sa karapatan ng mamamayan, at diktadura ni Duterte ay matagal nang naungusan ang kabulukan at pagkapasista ng diktadurang nakaraan.
Sa kabila nito, mapagpasya pa ring nilabanan ng masa ang mga maniobra ng rehimeng Duterte. Taliwas sa plano at hangarin ng mga berdugo, hindi napigilan ng pananakot, panlalansi, at pagbabanta ang militanteng kabataan at mamamayan na patuloy na manawagan ng hustisya para sa mga krimen ni Duterte at ng kanyang mga alipores, at igiit ang kanilang mga demokratikong karapatan — sa lansangan at saanman.
Ang mga pagkilos bukas sa anibersayo ng pagdedeklara ng batas militar ay isa lamang sa napakaraming patunay na nananatiling buhay ang militansya at diwa ng paglaban sa hanay ng kabataan, kakabit ng malawak na hanay ng mamamayang pinagsasamantalahan at api.
Kasabay ng lalong paglakas ng mga demokratiko at progresibong pwersa ng masang Pilipino, sumusulong ang pambansa demokratikong rebolusyon sa kanayunan dulot ng dumaraming bilang ng mga kabataang magsasaka, manggagawa, at estudyante na natututo sa aral ng kasaysayan — ang pasismo, tiraniya, at diktadura ay magagapi lamang sa pamamagitan ng nagkaisang lakas ng masang handang tumangan ng armas tungo sa landas ng pakikibaka.