Mensahe ng pakikiisa sa mga kilos-protesta sa buong bansa
Nakikiisa ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa daanlibong mamamayang nagtitipon ngayon sa Maynila at iba’t ibang panig ng bansa. Madidinig sa lansangan–hindi sa talumpati ni Duterte sa pagbubukas ng kongreso–ang tunay na kalagayan ng bansa. Ang mga rali ngayong araw ay isang makapangyarihang pwersa laban sa korap, kriminal, pasista at papet na rehimeng Duterte. Patunay ito ng malawak at malalim na pagkamuhi ng bayan kay Duterte.
Sa loob lamang ng dalawang taon na paghahari ni Duterte, labis na paghihirap at pagdurusa ang dinanas ng mamamayan. Milyun-milyon ang napipipi ang balikat sa dagdag na napakabigat na pasaning mga buwis. Ilampung libo ang pinatay at dinahas ng walang habas na pasista at kriminal na karahasan ng estado. Walang tigil ang mga pakana ni Duterte–“gera kontra-terorista”, “chacha” at iba pa–upang bigyang-matwid ang paghaharing kamay-na-bakal, ipataw sa buong bansa ang batas militar at solohin at palawigin ang kapangyarihan.
Haharap sa bayan ngayong araw si Duterte na nanginginig ang tuhod sa harap ng masidhing pampulitikang krisis. Sa loob lamang ng dalawang taon, mabilis siyang nahiwalay. Iilang upisyal na lang ng militar at pulis, at iilang malalaking negosyante, ang mahigpit na sumusuporta sa kanya. Gayunman, tulad ng sukol na hayop, gagamitin ni Duterte ang lahat ng kabangisan upang kumapit sa poder.
Sambayanan! Maghanda sa mas maiigting pang laban! Buuin ang pinakamalapad na pagkaisa! Pag-ibayuhin ang tapang at tatag ng paninindigan at tuluy-tuloy na magmartsa sa landas ng paglaban hanggang wakasan ang pasista at papet na rehimeng Duterte.
Kinakatawan ni Duterte ang pinakamasasahol na aspeto ng bulok na naghaharing sistema. Siya ngayon ang pinakamalaking burukratang kapitalista. Nasa tuktok siya ng maka-uring paghahari ng malalaking panginoong maylupa at malalaking burgesyang kumprador. Ang paglaban sa rehimeng US-Duterte ay bahagi ng pagsusulong ng kabuuang pakikibakang pambansa-demokratiko.
Sa buong bansa, sumusulong ang armadong rebolusyonaryong pakikibaka. Ito ay sa kabila ng todong-gera ni Duterte laban sa sambayanan. Sa kanayunan, ang Bagong Hukbong Bayan ay matatag na nagtatanggol sa bayan, nagsusulong ng digmang bayan at naglulunsad ng mga taktikal na opensiba laban sa pinakamalupit na pasistang yunit ng AFP. Patuloy na nag-iipon ang BHB ng armadong lakas habang ipinupundar ang bagong demokratikong gubyerno sa buong bansa.
Wakasan ang pasista at papet na rehimeng US-Duterte!
Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!