Mensahe ng Pambansang Katipunan ng Magbubukid-Timog Katagalugan sa ika-50 Anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas
Buong giting na ipinagbubunyi ng rebolusyonaryong hanay ng mga magbubukid sa malawak na kanayunan ng Timog Katagalugan ang ika-50 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas. Pinakamataas na pagpupugay ang ipinaaabot ng PKM-TK sa PKP sa patuloy nitong pag-ani ng mga maniningning na tagumpay sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan habang magiting na nagpupunyagi laban sa matinding kontra-rebolusyonaryong atake ng kasalukuyang tiranikong papet at pasistang rehimeng US-Duterte at maging ng mga nagdaang mga rehimen.
Sa gitna ng sunud-sunod na pagbabanta ni Duterte na durugin ang PKP at buong rebolusyonaryong kilusan, matagumpay na nakapagtipon ang iba’t ibang organo ng Partido at mga rebolusyonaryong organisasyon sa mga larangang gerilya, sa kanayunan at kalunsuran upang ipagdiwang ang ika-50 anibersaryo ng Partido na lingid sa kaalaman ng pasistang kaaway. (nagmistulang bingi at bulag ang kaaway dahil sa malakas na suporta ng rebolusyonaryong kilusang masa) Sa katunayan, marami nang mga pagdiriwang ang naisagawa sa iba’t ibang lugar sa bansa at maging sa ibayong dagat – sa mga pagawaan, paaralan, mga kabahayan, pamayanan at lalo na sa mga baseng bukid at bundok.
Makabuluhang okasyon ang ika-limampung anibersaryo ng Partido. Ginintuan itong pagkakataon upang muli nating pagtibayin ang ating mga paninindigan sa dalawang-yugtong rebolusyong Pilipino, sa makauring pamumuno ng proletaryado sa pamamagitan ng PKP, at sa armadong pakikibaka na magiting na isinusulong ng Bagong Hukbong Bayan.
Lalong makabuluhan ang ika-50 anibersaryo ng Partido sa kasalukuyang kalagayang kinakaharap ng mga magbubukid. Nananatiling bogus at walang komprehensibong programa para sa tunay na reporma sa lupa ang anti-magsasakang rehimeng US-Duterte. Sa halip, ang tugon niya sa masang magsasaka ay kabi-kabilang masaker, malawakang pagpapalitgamit ng lupa, pagwasak sa kapiligiran, pagtatayo ng mga mega-dam at pag-subasta ng patrimonya ng bansa sa US at Tsina.
Ang nagpapatuloy na pyudal at malapyudal na pagsasamantala sa kanayunan – na ibayo pang pinalulubha ng iba’t ibang kontramamamayan at maka-imperyalistang patakaran gaya ng TRAIN Law, TRAIN 2, Rice Tariffication Bill, agresibong mga maniobra ni Duterte para sa Charter Change at huwad na pederalismo, walang-humpay na militarisasyon sa kanayunan, ang Martial Law sa Mindanao, Memorandum Order 32 sa Bicol, Samar at Negros – ay araw-araw na mga obhetibong salik na nagtutulak sa uring magsasaka na mamulat, maorganisa at mapakilos ang sariling hanay para sa pakikibaka para sa lupa, karapatan at buhay. Dahil dito, ibayong nahihinog ang obhetibong kondisyon upang maghimagsik ang mga magsasaka, sumapi sa PKM, sa Partido at sa hukbo nito.
Mulat ang PKM sa papel na ginagampanan nito sa balangkas ng tatlong magkakambal na tungkulin sa pagsusulong ng armadong pakikibaka, pagtatayo ng baseng masa at pagpapatupad ng rebolusyong agraryo.
Hindi nagmamaliw ang pagmamahal ng masang magsasaka sa hukbo nito. Mula sa pagbibigay ng mga simpleng anyo ng suporta – pagkain, damit, rekurso at iba pang materyales para sa pagsulong ng pakikidigmang gerilya – hanggang sa tahasan at buong tapang na pagtatanggol sa Demokratikong Gubyernong Bayan sa harap ng pasistang panunupil ng kaaway.
Ang mga tagumpay na nakamit ng PKM sa buong rehiyon ay bunga hindi lamang ng di-matatawarang pagsisikap ng uring magbubukid at sambayanan kundi pati na rin ng matalino at mapagpasyang pamumuno ng PKP. Sa pamumuno ng PKP, naabot ng PKM ang kumulatibong tagumpay sa rebolusyong agraryo sa rehiyon.
Sa patnubay ng Rebolusyonaryong Gabay sa Reporma sa Lupa at ng antipyudal na linyang makauri, hakbang-hakbang na sumusulong ang rebolusyonaryong kilusang masa ng maralitang magsasaka, panggitnang magsasaka at manggagawang bukid, kasama ang mga mangingisda, kababaihan, kabataan at mga pambansang minorya sa kanayunan.
Patuloy na pinakikinabangan ng daang libong pamilyang magsasaka ang mga tagumpay sa rebolusyong agraryo sa anyo ng pagpapababa ng upasa-lupa, pagpapataas ng presyo ng mga produktong-bukid, pagpapataas ng sahod ng mga manggagawang-bukid, at pag-alis sa madayang kaltas sa mga komersyanteng operasyon.
Sa saklaw ng rehiyon, ilampung libong pamilya na ng mga maralitang magsasaka at katutubong mamamayan ang nagbenipisyo resulta ng pagsasailalim ng ilampung libong ektarya ng mga hacienda at lupang PML sa maksimum na programa ng libreng pamamahagi ng lupa. Sa mga lugar na nalunsaran na ng rebolusyong agraryo, hakbang-hakbang na ring naitatatag ang mga simpleng anyo ng kooperasyon sa pagsasaka at palitan-ng-paggawa para sa pagpapaunlad ng produksyon.
Sa nakaraang mga taon, isinulong natin ang iba’t ibang tipo ng kampanyang anti-pyudal at iba pang kampanyang masa. Pinaglingkod ito sa pagpapasigla ng rebolusyonaryong kilusang masa sa kanayunan at sa pagpapabilis ng pagpapalawak, pagrereaktiba at pagkokonsolida ng ating mga baseng masa. Ipinakita ng ating mahabang karanasan na ang may pinakamasiglang resulta ng gawaing pagpapalawak ay nasa mga lugar na may masiglang lokal na pakikibakang inilulunsad sa balangkas ng rebolusyonaryong programa sa reporma sa lupa.
Matingkad na halimbawa ang tagumpay ng PKM sa isang eryang saklaw ng rehiyon, na mapababa ang upa-sa-lupa sa nyugan mula 60-40 pabor sa PML tungong 70-30 pabor sa magsasaka matapos alisin ang gastos sa kawit, tapas at hilada. Naitaas rin ang sahod ng manggagawang bukid sa nyugan, naokupa ang ilang lupain, naitaas ang presyo ng produktong bukid at matagumpay na naalis ang ilang iligal na kaltas sa pagbebenta ng kopra.
Magiting ding hinarap ng PKM sampu ng masang kasapian nito ang mga pagtatangka ng mga PML na muling bawiin ang mga lupang napamahagi na. Tinanggal ng mga magbubukid ang mga muhon at buong tapang na ipinagtanggol ang kanilang lupang sakahan kaakibat ang Bagong Hukbong Bayan at yunit-pananggol-sa-sarili.
Sa isa pang erya ng rehiyon, matagumpay ding napataas ang kakayahan ng mga katutubo sa pagsasaka sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila ng mas mahusay at produktibong mga pamamaraan sa pagtatanim ng palay, niyog at iba pang bungang kahoy bilang bahagi ng patuloy na pagbibigay ng suporta at ayuda ng Demokratikong Gubyernong Bayan kahit lubos nang naipamahagi ang lupa sa mga magsasaka.
Kasabay nito, naglulunsad ang PKM ng iba’t ibang tipo ng kooperasyon sa produksyon gaya ng palitan ng paggawa, kolektibong pagtatanim, suyuan, bayanihan at iba pa, at pinagagana ang mga ganap na samahang masa nito bilang rebolusyonaryong kooperatiba. Pinatataas ng kooperatibisasyon ang produksyon sa sakahan at sa iba pang gawaing pang-ekonomiya sa kabuhayan ng mga komunidad at sa pangangailangan ng digmang bayan. Nakapag-aambag gayundin ang sama-samang produksyon sa rebolusyonaryong kaisahan ng PKM at sa pagpapaunlad ng kasanayan nito sa panimula o batayang sosyalistang mga kaparaanan. Hindi rin kinaliligtaan ng PKM ang tungkulin nitong paunlarin ang kakayahan ng masang kasapian sa pamumuno-sa-sarili na may tunguhing makapagtatag ng mas marami pang Organo ng Kapangyarihang Pampulitika sa rehiyon.
Napatunayan din ng kasaysayan na ang mga pinakamatatag na mga baseng masa na naipundar at patuloy na lumalakas hanggang ngayon ay resulta ng pagkamit sa mga tagumpay ng rebolusyong agraryo ng nakaraan at mga patuloy na inaaning tagumpay sa kasalukuyan. Ang mga tagumpay ng PKM sa rebolusyong agraryo ay nagsisilbing mayamang aral at inspirasyon sa buong kilusang magsasaka sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon at maging sa buong bansa.
Nagagalak ang PKM na, sa balangkas ng pamumuno ng PKP sa National Democratic Front of the Philippines kung saan kabilang ang PKM, patuloy na naka-aani ng malawak na suporta at tulong ang rebolusyonaryong kilusang magbubukid mula sa rebolusyonaryong kilusan ng manggagawa at maralita, at sa makabayan at demokratikong hanay ng petiburgesyang lungsod. Sa kabilang banda, makaaasa ang PKP na buong-buo rin ang pagsuporta ng PKM sa Pambansa-Demokratiko nitong mga adhikain.
Tulad ng ilog, ang ating tagumpay ay hindi mapipigilan. Anumang pagtatangka ng kaaway na harangan ang rumaragasang agos ng rebolusyonaryong kilusan ay tiyak itong makakarating sa karagatan. Ngunit ang katiyakang ito ay hindi dahilan upang tayo ay maging kampante.
Bilang pagsalubong sa ika-50 anibersaryo ng Partido, nangangako ang PKM-Timog Katagalugan na ibayong palalawakin at patatatagin ang aming hanay mula sa antas baryo, munisipalidad at pataas upang tuloytuloy na ilunsad ang rebolusyong agraryo at ang rebolusyonaryong kilusang kooperatiba sa rehiyon. Ibayong magsisikap ang PKM sa tungkulin nito na magbigay ng ubos-kayang pag-suporta sa Bagong Hukbong Bayan kabilang, laluna, ang mga papalaking bilang ng mapapasampang Pulang Mandirigma, habang pinatatag ang mga yunit pananggol-sa-sarili sa mga baryo. Mahigpit ding panghahawakan ng PKM ang masusi at mahusay na pangangasiwa at pagdepensa sa mga erya kung saan naipamahagi na ng libre ang lupa sa mga magsasaka.
Sa ginintuang anibersaryo ng ating mahal na Partido, ubos-kayang gagawin ng PKM ang lahat upang isulong ang digmang bayan mula sa kasalukuyang pang-gitnang sub-yugto ng estratehikong depensiba tungong abanteng sub-yugto at hanggang sa ganap na tagumpay. Kaisa ng PKP at ng Bagong Hukbong Bayan ang Pambansang Katipunan ng Magbubukid ng Timog Katagalugan sa pagmartsa ng sambayanan. Sulong, mga kasama! Sulong, hanggang tagumpay!
Ipagbunyi ang ika-50 taon ng PKP!
Mabuhay ang Pambansa Katipunan ng Magbubukid!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas sa ginintuan nitong anibersaryo!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!