Mensahe para sa mga Mindoreña sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihan
Binabati ko ang lahat ng kapwa ko kababaihan at lahat ng nagmamahal sa kababaihan sa araw ng Marso 8, ang pandaigdigang araw ng paggunita sa ating mahalagang papel sa lipunan, produksyon at pakikibaka. Unang dineklara ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan noong 1911 ng mga sosyalistang Partido bilang panawagan para sa militanteng pakikibaka ng mga kababaihan, kasama ang mga uring anakpawis laban sa imperyalismo.
Angkop lamang na sa araw na ito gunitain natin ang kabayanihan ng kababaihang walang takot na lumalaban at lumalahok sa mga pakikibaka ng mga manggagawa sa iba’t ibang bansa. Nagbibigay sila sa atin ng inspirasyon sa pagharap natin sa macho-pasista, kriminal at diktador na rehimeng US-Duterte.
Ibilang natin ang ating mga sarili na bahagi ng pandaigdigang kilusan ng kababaihan at ang pagkakapitbisig na ito ay magbibigay sa atin ng lakas ng loob, tibay ng paninindigan at tapang sa pagtahak natin sa landas ng pambansa-demokratikong rebolusyong bayan bilang isang hakbang sa pagkakamit ng pagpapalaya sa ating mga kababaihan.
Buong tapang na ilantad, tutulan at labanan ang walang-habas na terorismong inihahasik ng berdugong 203rd Brigade na utusang aso ng tiranong rehimeng US-Duterte sa isla ng Mindoro. Ang mga walang budhing ito ay sagad ang kasamaan dahil tila wala silang ina, kapatid na babae o anak sa ginagawa nilang pambobomba, panganganyon, o pang-istraping sa mga pamilya ng magsasaka at katutubo. Pinagkakatuwaan nila ang ganitong pagpapakawala ng karahasan sa walang kalaban-labang mga pamilya.
Isipin mo ang isang inang nagpapatulog na kanyang anak sa gitna ng gabi at biglang gugulantangin ng malakas na ugong ng lumilipad na FA50 at saka maghuhulog ng bomba sa di kalayuan ng inyong tahanan? At kinabukasan, matatagpuan niya ang kanyang kaingin na may malaking butas, nahalwat ang malaking kulumpon ng kawayan, at putol ang isang-yapos-na laking puno dahil sa tama ng bomba.
Mala-martial law na kinokontrol ang pagkilos ng mga pamayanan sa mga lugar na kanilang kinukubkob. Mula alas-8 ng umaga ang takdang oras ng pwede nang pagpunta sa mga bukid at dapat makabalik ng alas-3 ng hapon. Bawal ang magpausok sa mga kaingin at gubat dahil sa pagdududang may mga NPA na pinakakain doon. Limitado ang maaaring bilihin na pagkain at pang-araw-araw na pangangailangan ng bawat pamilya.
Anumang oras na lumipad ang dalawang Blackhawk helicopter ay nag-iistraping muna bago maglapag ng mga tropang nag-ooperasyon. Ang howitzer na nakapwesto sa kapatagan ay nagpapaulan ng bomba sa kabundukan, walang oras, walang tiyak na target pero tuloy ang shelling. May araw na hindi bumababa sa 10 ang pinasasabog ng howitzer. Ginagawang baraks ang mga kabahayan, eskwelahan, barrio hall o multi purpose building sa mga pamayanan at sentrong barangay.
Kinakapos ang sustento ng pagkain at pangangailangan ng mga pamilya. Ang mga kababaihang katutubo at magsasaka na bahagi ng lakas paggawa sa produksyon ay nahahadlangan sa kanilang gawaing bukid dahil sa klima ng takot na nalikha ng walang patumanggang karahasan, walang tiyak na target at lugar at kung ganun, sinuman ay maaaring tamaan.
Ito ang karanasan sa mga barangay ng Lisap, Hagan, Panaytayan, San Vicente, Balugo, Batangan- ang mga barangay na idineklarang pambansang prayoridad sa Oriental Mindoro ng NTF-ELCAC. Nangyari ang mga kaganapang ito mula Pebrero 26 hanggang Marso 7. Sa hitsura ng pakat ng mga berdugong tropa, hindi pa tapos ang kalbaryong ito ng mga kababaihan sa bahaging ito ng nasabing probinsya.
Sa paggunita natin ng araw ng kababaihan, bigyan natin ng suportang moral, materyal at pulitikal ang mga ina, kababaihan, bata at kabataan na sumasailalim sa matinding pisikal, sikolohikal at pulitikal na atake sa kamay ng 203rd Bde.
Sukdulang nilalabag ng tiranong rehimen ang karapatan ng mamamayan para mabuhay. Isinagawa rin ng mga berdugong militar ang di-makatarungang pang-aaresto at pagpatay sa mga inosenteng sibilyan. Dalawang magkapatid na lalaki ang dinakip at pinaniniwalaang pinatay na kaya nagpakamatay ang kanilang ina dahil sa matinding na pagdadalamhati. May dalawa pang ina ang nagpatiwakal dahil sa hindi na matiis na gutom at hirap. Sa magkahiwalay na pangyayari, dalawa namang buntis ang naagasan dahil nasindak nang pasukin ng mga militar ang kanilang bahay at sa paglikas matapos ang pambobomba.
Ang kababaihang Mindoreño na bumubuo ng kalahati ng populasyon ng isla ay mahalagang gumampan ng kanilang papel sa pakikibakang masa laban sa pasismo at terorismo ng rehimen. Dapat na magkaisa at matapang na labanan ng kababaihan ang makahayop at brutal na pananalasa ng anti-mamamayang gera na patuloy na nagwawasak sa kabuhayan ng mamamayang katutubong Mangyan at magsasaka.
Nananawagan ang NDF-Mindoro sa lahat ng kababaihan na tahakin ang landas pambansa-demokratikong rebolusyong bayan. Ang terorismo ng tiranong rehimeng Duterte ay dapat lamang tapatan ng makatarungan na paglulunsad ng digmang bayan.###