Mensahe sa Kabataang Makabayan sa panahon ng Covid-19
Mahal na mga kasama sa Kabataang Makabayan,
Maalab na rebolusyonaryong pagbati sa inyong lahat!
Sa panahon ng Covid-19 pandemya, marapat na bigyan natin ng masusing pansin ang pangangalaga sa kalusugan at kabutihan ng kabataan at sambayanang Pilipino, laluna ang masang anakpawis, na pinakabulnerable sa ganitong sakit dahil sa kahirapan sa buhay at kasalatan sa anumang medikal na pansin ng reaksyonaryong gobyerno sa ilalim neoliberal na patakaran.
Kriminal na pananagutan ng rehimeng Duterte na pinapasok nito ang higit sa kalahating milyong byahero mula sa Tsina sa panahon na may babala na tungkol sa pandemya. Ang dahilan lamang ay para kumita raw sa turismo at pagsugal sa mga casino. Nagbunga ito ng malubhang pinsala sa ekonomya at lalong naging bangkarote ang reaksyonaryong gobyerno.
Huli na ang mga hakbangin ng rehimen para labanan ang Covid-19 nang nagdeklara ng lockdown. Walang ibang balak kundi pairalin ang militaristang solusyon sa halip na medikal na solusyon. Gumawa ng mga makahayop na pagbabawal at nawalan ng hanapbuhay ang mga tao at ng paraan para magpagamot kung may sakit.
Nangako lamang si Duterte na magkakaroon ng mass testing at magbibigay ng ayuda sa pagkain at pera. Pero ang pinakamabilis na ginawa niya’y mangamkam ng emergency powers at daan-daang bilyong piso na pera ng bayan hanggang sa despotikong kontrol sa buong badyet ng gobyerno.
Hindi tinupad ang mga pangako tungkol sa mass testing at hindi umabot ang ayuda sa mga mamamayang nangangailangan.
Dinambong ni Duterte at ng kanyang mga alipuris ang pera ng bayan at naglunsad ng kampanyang panunupil sa mga mamamayang inilagay sa tumitinding paghihirap dahil sa kawalan ng trabaho at pagkain. Sinasaktan hanggang pinapatay ang mga taong humihingi ng ipinangakong ayuda sa mga kalunsuran at kanayunan.
Ang pinakamasahol na ginawa ng rehimeng Duterte ay ang paggawa ng Anti-Terrorism Bill para maghari si Duterte bilang ganap na pasistang diktador, ibasura ang Bill of Rights at gumawa ng palagiang martial law na hindi deklarado. Ang sinumang aktibista, kritiko o oposisyon sa rehimen ay puwedeng ituring na terorista, manmanan, huliin nang walang court warrant, ikulong hangggang 24 na araw at samsaman ng ari-arian.
Sa madaling salita, tinatakot at pinapatahimik ang sambayanang Pilipino. Bale sinasabi na may kapangyarihan ang rehimen at mga berdugo nito na dukutin, itortyur, patayin at pagnakawan ang sinumang gagawa ng puna at demanda sa reaksyongaryong gobyerno. Bawat ahensiya at antas ng gobyerno ay lalong inilagay sa kamay ng militar sa ilalim ng NTF-ELCAC bilang hunta at ang kasangkapan nitong Anti-Terrorism Council bilang mga juez de cochillo o mga berdugong umaastang huwes.
Sa kasalukuyang kalagayan na lumulubha ang kataksilan, kalupitan, korupsyon at pagsisinungaling ng de facto na pasistang diktadura ni Duterte, dapat patingkarin nating lahat ang rebolusyonaryong pagkakaisa at diwang mapanlaban sa pangkalahatang linya ng bagong demokrating rebolusyon sa lahat ng anyo ng pakikibaka.
Mayaman ang naipon nang karanasan ng Kabataang Makabayan sa paglaban sa lantarang pasistang diktadura ni Marcos hanggang kay Duterte. Habang tumitindi ang panunupil sa kilusang pambansa demokratiko at malawak na nagkakaisang hanay, lalong nakakagawa ang KM ng mga paraan para lumaban sa mga paaralan, pabrika, komunidad at bukirin at nakakagawa ng mga pagtitipon sa mga silid at sa mga lansangan.
Laging natitiyak ang paglakas ng kilusan laban sa diktadura kung may mga pagtitipon at mga publikasyon para himukin, organisahin at mobilisahin ang kabataan at sambayanan. Kaalinsabay nito, pinabibilis ang pagpapalakas ng kilusang lihim at pinararami ang mga kasapi ng partidong rebolusyonaryo ng uring manggagawa at pagpapadala ng mga aktibista sa kanayunan kung saan may pinakamalawak na espasyo para sa maneobra ng pinakamabisang anyo ng pakikibaka.
Ayon sa mga nalathalang ulat, lumalakas at lumalawak ang kilusang rebolusyonaryo sa kanayunan at kinakailangan ang maraming kabataang kadre at aktibista para ibayong palakasin ang rebolusyonaryong partido ng proletaryado, mga pwersa ng pagtatanggol, mga organisasyong masa at mga organo ng kapangyarihang pampulitika na bumubuo sa rebolusyonaryong gobyerno ng mga manggagawa, magsasaka at iba pang saray ng lipunan.
Tandaan na ibayong lumalaban at hindi natatakot ang KM sa harap ng tumitinding karahasan ng kaaway. Lalu pang lumalakas ang KM at masang anakpawis sa pamamagitan ng pakikibaka.
Mataas ang ating kumpiyansa sa lakas ng masa at pagkamit ng tagumpay dahil sa ikinamumuhi nila ang pasistang rehimen at ito ay mahina mabuway dahil sa mabilis na paglubha ng krisis ng malakolonyal at malapyudal na naghaharing sistema.
Pagtibayin ang pagkakaisa at mapanlabang diwa!
Paalabin ang diwang rebolusyonaryo sa hanay ng kabataan!
Pabilisin ang pag-organisa at ang pagmobilisa sa masa!
Patalsikin ang pasistang diktadura ni Duterte!
Ibagsak ang pasismo, imperyalismo at pyudalismo!
Isulong ang demokratikong rebolusyon ng bayan!