Mga biktima ng tanim baril-granada ng AFP at PNP umabot na sa 12 sa Sorsogon

,

Mariin naming kinukundena ang serye ng pagtatanim ng baril at bomba/granada modus at ang pagbibintang na NPA o MB na ginagawa ng PNP at AFP laban sa mga sibilyan sa probinsya ng Sorsogon. Sinisira ng pakanang ito ang buhay ng mamamayang walang kalaban-laban.

Mula 2021 ay umabot na sa 24 na sibilyan ang walang pakundangang pinaratangang kasapi ng NPA o MB. Labindalawa rito ang tinamnan ng ebidensyang baril at granada/bomba at sinampahan ng gawa-gawang kaso (tingnan ang tala mula sa pahayag ng CMC noong Setyembre 23, 2021 para sa dagdag na impormasyon).

Nito lamang Mayo 4, bandang alas-7:00 ng umaga ay tinaniman ng bomba, inaresto at sinampahan ng gawa-gawang kasong illegal possession, manufacture, acquisition of firearms, and explosives at pinaratangang myembro ng milisyang bayan si Danilo Fombuena Hapa, 49, isang magsasaka at panapanahong nagtatrabaho bilang construction worker sa Sityo Parad, Brgy. Fabrica, Barcelona. Ang dumakip sa kanya ay mga elemento ng Barcelona PNP sa pangunguna nina PSSgt Michael Estavillo, PSSgt Erwin Estaras at kanilang intelligence asset na si Philip H. France. Kasama rin sa naturang operasyon ang mga tropa ng 31st IBPA Alpha Coy, 9th ID at 92nd SAC-SAF.

Pinalalabas ngayon na si Hapa ang #6 Municipal Most Wanted Person ng Barcelona PNP. Matagal na siyang pinag-iinitan at pinararatangang tagasuporta ng NPA. Kabilang sya sa mahigit kumulang na 50 residente ng Brgy. Fabrica na sapilitang “pinasurender” noong 2020 nang maglunsad ng RCSP ang 31st IBPA sa naturang barangay.

Ang modus ng AFP at PNP na pagtatanim ng pekeng ebidensya at walang batayang pagpaparatang sa mga sibilyan ay naglalayong gipitin at takutin ang mga mamamayang Sorsoganon upang hadlangan ang kanilang paglaban sa tiranikong pasistang paghahari ng rehimeng US-Duterte at ng mga alipores nito na sa pamumuno ng NTF-ELCAC. Bahagi rin ito ng kanilang kampanyang misimpormasyon upang palabasing humihina na ang rebolusyonaryong kilusan sa probinsya habang umaani ng “accomplishments” at kumikita ng pera ang hanay ng PNP sa pagdedeklarang kabilang sa mga “most wanted” ang kanilang mga nadadakip sa ilalim ng operasyong “Manhunt Charlie” ng PNP.

Mas maalwan para sa AFP at PNP na sirain ang buhay ng mga sibilyan gamit ang kanilang pekeng mga ebidensya kaysa kumprontahin ang kanilang tunay na kalaban, ang NPA. Hindi pinag-iiba ng PNP at AFP ang mga armadong pwersa at mga sibilyan sa kanilang walang habas na paglabag sa mga karapatan ng mamamayang Sorsoganon.

Nananawagan kami sa mga kagawad ng midya, sa Commission on Human Rights at mga organisasyong nagtataguyod sa karapatang tao na siyasatin ang mga kasong ito. Sa paglala ng pasismo at kawalang-pakundangan ng mga pwersa ng estado sa probinsya, higit na kailangan ng mga inaapi ang mapagdudulugan ng kanilang mga reklamo at magiging kakampi sa pagkakamit ng hustisya.

Hinahamon namin ang mga nanalo na mga kandidato na suportahan ang mga biktima. Pagkakataon ito para patunayan ang sinasabi ninyong intensyon na magsilbi sa interes ng mamamayan.

Mga biktima ng tanim baril-granada ng AFP at PNP umabot na sa 12 sa Sorsogon