Mga Catandunganon, kumilos upang hadlangan ang mapanira at mapanghimasok na base nabal sa Panay Island!

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Umaarangkada na ang mga paghahanda upang itayo ang tinaguriang Forward Operating Base (FOB) ng Philippine Navy sa prubinsya ng Catanduanes. Ngayon pa lang inihahanda na ang mga rekisitos upang makamit ang lupa na lalagakan nito sa Panay Island, Bayan ng Panganiban. Hindi na magkamayaw ang sunod-sa-utos-ng-rehimeng si Governor Joseph Cua, na nangakong gagawin ang lahat sukat bilhin ng pamprumbinsyang gubyerno ang kulang sa anim na ektaryang lupa na pagtatayuan ng FOB. Walang hindi gagawin ang naturang upisyal ng prubinsya para sa rehimeng US-Duterte at armadong pwersa nito para sa higit pang paglago ng sarili niyang pampulitika at pang-ekonomiyang interes.

Tulad nang naunang ginawa ni Cua na walang-pagtatanggi na pagsunod sa RTF-ELCAC, pagsasailalim ng mga bayan ng Catanduanes sa mga operasyong militar tulad ng RCSP, ganito rin niya bukas-kamay na tinatanggap ang presensya ng baseng nabal sa prubinsya.

Sa dating lugar na tinayuan ng Loran Station, isang dating base ng US Coast Guard, itatayo ang pinaplanong FOB ng Philippine Navy. Sa ilalim ng umiiral pa ring EDCA, hindi malayong ang naturang estratehikong base na itatayo ay pwestuhan ng mga imperyalistang pwersa militar o nabal. Nangangahulugan ito ng posibilidad na pagbisita muli ng mga pwersang armado ng US sa Bikol, tulad nang ginawa nito noong 2009. Kung gayon higit na mapapadali ang pagsasakatuparan ng mga joint-naval exercises sa pagitan ng Pilipinas at US sa nasabing lugar.

Hindi dapat basta na lamang pumayag ang mga Catandunganon sa pagtatayo ng FOB at lalong hindi sila dapat pumayag na manghimasok sa bansa ng mga dayuhang pwersa sa tabing ng ipinapatupad na Bayanihan Exercises. Ang pagtutol sa pagtatayo ng FOB ng Philippine Navy, ay pagtutol sa higit na paglala ng mga paglabag sa karapatan ng mga Bikolano at mamamayang Pilipino na idudulot hindi lang nang armadong berdugo ng rehimen kundi maging nang mga imperyalistang pwersang magnanais na pusisyunan ang bahaging ito ng bansa upang maramot na ipagtanggol ang kanilang mga interes sa gitna nang tumitinding ribalan ng mga imperyalistang bansa. Dapat na itaguyod at ipagtanggol ng mga Catandunganon ang soberanya ng bansa tulad nang pagtatanggol ng taumbayan sa pagtatangkang paglukop ng Tsina sa West Philippine Sea.

Nananawagan ang RJC BHB-Bikol na mga Catandunganong tumindig at kumilos upang ipagtanggol ang kanilang mga karapatan. Hadlangan ang mga paunang hakbanging ito nang pagtatayo ng base nabal ng rehimeng US-Duterte. Higit na maipapakita ng mga Catandunganon ang kanilang pagkakaisa upang ipaglaban ang kanilang mga karapatan at kagalingan.Ngayon ang panahong nararapat na tanganan ng mga Catandunganon at mga Bikolano ang armas upang ipagtanggol ang karapatan ng mamamayan sa rehiyon at bansa. Higit na maipapalamas ng mamamayang Bikolano ang katatagang kinakailangan upang labanan ang pyudalismo, burukrata kapitalismo at higit sa lahat ang imperyalismo.

Mga Catandunganon, kumilos upang hadlangan ang mapanira at mapanghimasok na base nabal sa Panay Island!