Mga kasinungalingan ng AFP at ng NTF-ELCAC, kinasusuklaman ng mamamayan ng Hilagang Quezon
Naglulubid ng kasinungalingan ang Armed Forces of the Philippines sa pamamagitan ng kampo ng hepe ng Southern Luzon Command at kasalukuyang tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict na si Lt. Gen. Antonio Parlade Jr. Magkakoro nilang ipinamamarali ang diumano’y tagumpay ng AFP-PNP at NTF-ELCAC sa pagwasak sa rebolusyunaryong kilusan sa pamamagitan ng kanilang mga kontra insurhensiyang kampanya. Pangarap na gising at tila hinugot sa hangin ang lahat ng kanyang mga pahayag upang paniwalain ang kanilang sarili na nagtatagumpay ang kanilang imbing pakana ng pagdurog sa PKP at BHB. Subalit ang kanilang aksyon at patutsada na ito ang siya na ding nagpapatunay ng kanilang kabiguang gapiin ang 5 dekadang rebolusyon isinusulong sa buong kapuluan.
Inilaan ni Parlade at ng NTF-ELCAC ang kanilang panahon sa pagkukunot ng noo sa panlilinlang sa taumbayan. Winawaldas nito ang P16.9 B budget na inilaan ng Kongreso para sa hungkag na programa ng NTF-ELCAC. Orkestrado ang kanilang pagpapakalat ng fake news, tsismis at intriga. Sukdulang idawit at i-red-tag ang ilang mga sikat na personalidad tulad nila Angel Locsin, Catriona Gray at Liza Soberano, sa layuning kamuhian ng masa ang rebolusyonaryong kilusan. Subalit hindi ito pinalakpakan ng mamamayan.
Samantala, sa kanayunan tulad ng General Nakar, lumang tugtugin ng AFP ang kanilang linya ng pagpapasuko, kung saan ipinalalabas nitong kasapi ng NPA ang lahat ng napasuko ng 1st IBPA na mga katutubong Dumagat nitong Setyembre sa Brgy. Canaway. Matatandaang ganito rin ang ginawa ng AFP noong Hunyo sa Brgy. Umiray, GNQ, kung saan ipinatawag nila para sa relief ang mga tao sa baryo, subalit hindi relief ang kanilang natamo bagkus ay walang humpay na interogasyon. Ginamit din ng mga ito ang pamamahagi ng SAF (Social Amelioration Fund) upang damputin at hulihin ang mga pinaghihinalaan nilang mga suporter ng NPA upang paaminin at pasukuin. Nagpapaulit-ulit ang ganitong modus upang bigyang hangin ang kahungkagan ng kanilang E-CLIP program na ang pinapasuko ay pawang mga sibilyan na kaya nilang dahasin.
Nagpapatuloy naman ang operasyong militar ng 80th IBPA sa mga bayan ng Real at Infanta, upang protektahan ang nagpapatuloy na konstruksyon ng Kaliwa Dam, hindi para tugunan ang hinaing at pangangailangan ng masa sa ayudang pansamantalang aampat sa kanilang gutom at paghihirap sa gitna ng nagaganap na krisis dulot ng pandemyang COVID-19. Sa 5 bayan naman ng Polillo Group of Islands patuloy ang pananakot ng mga ahente ng paniktik ng AFP sa mga residente ng barangay .
Sa kanilang desperasyon, mistulang sirang plaka na tumutugtog ang mga kasinungalingan ng AFP laban sa NPA. Paulit-ulit ang akusasyon ni Parlade na pinagsasamantalahan ng mga kumander ng NPA ang mga kababaihan sa loob ng kilusan. Upang likhain ang takot at pigilan ang pagsapi ng maraming kababaihan sa pagsusulong ng armadong pakikibaka. Ang mamamayan na mismo ang makakapagpatunay sa kabuktutan ng pahayag na ito ni Parlade. Sapagkat tanging ang rebolusyonaryong kilusan ang seryosong kumikilala sa karapatan at kakayanan ng mga kababaihan sa pamamagitan ng mga patakaran at saligang alituntunin na ipinatutupad nito sa loob ng hukbo na siyang nagsisilbing disiplinang bakal nito.
Katawa-tawa din ang ipinalalaganap ng mga ito na pinapangakuan diumano ng NPA ng kalabaw at iba pang materyal na bagay upang akitin na sumapi ang mga ito sa kilusan. Samantalang sila itong maraming pangako at panunuhol ng malaking halaga sa mamamayang pinilit na sumuko bilang NPA kapalit ng pagpapagamit sa kanilang paglulubid ng kasinungalingan, pagtuturo ng mga suporter, baril at himpilan ng NPA.
Pinatunayan ng mahabang kasaysayan ng kilusan ang dahilan bakit ito tinatangkilik ng mamamayan at ito ang makauring pag-iiba ng mamamayan sa kanyang Hukbo at sa mersenaryong sundalo. Kung kaya’t hindi maitatanggi sa kanayunan kung paano din ipinag-iiba ng mamamayan ang pagtanggap sa NPA at sundalo. Nagbabayad ang sundalo sa mamamayan upang tumbasan ang serbisyo tulad ng paglalaba ng kanilang mga damit at pagkuha ng kanilang panustos tulad ng ginawa nila sa Sityo Dadyangaw ng Brgy. Umiray, GNQ. Binibili din nila ang bawat impormasyon sa masa sa pamamagitan ng pera at pagpapainom sa mamamayan. Patunay na kailanman ay hindi ito boluntaryong makukuha sa masa.
Ang taktikang ipukol sa NPA ang kanilang sariling putik ay malaon nang ginagawa ng AFP, kung saan sila nagpakadalubhasa ng pagiging konduktor ng pagbubuga ng kanilang nakakasulasok na itim na propaganda.
Sa kabila ng kanilang tila nagkakaisang pakana ng pagwasak sa kilusan, ang matabil na dila ni Parlade ay lalo lamang naglalantad sa kanilang kawalan ng pagkakaisa. Mistulang sintonado ang aktitud ng DILG, National Security Adviser sa masakit sa tengang birit ni Parlade hinggil sa mga sikat na celebrity. Kaagad siyang pinatigil at kinontrol ni Delfin Lorenzana upang awatin ang nalikhang galit ng taumbayan. Samanlang sinalo naman ni Eduardo Año at Hermogenes Esperon ang gusot na nilikha ng kanyang iresponsableng pahayag.
Ang patuloy na pagpapakalat ng itim na propaganda ng estado at mersenaryong AFP ay lalo lamang nagsisindi ng pagkamulat ng mamamayang manggagawa, magsasaka, petiburgesya kahit pa nga ang hanay ng mga kilalang personahe ng pinilakang tabing. Ang layuning wakasan ang rebolusyonaryong kilusan ay lalo lamang nagluluwal ng pagkamulat at pagtahak sa landas ng aramdong rebolusyon ng mamamayan. Sapagkat ibayo nitong pinatatalas ang linya ng Demokratikong Rebolusyong Bayan.
Si Parlade na mismo at ang AFP ang siyang nagpapatunay ng patuloy na paglakas ng NPA. Sa kapasyahan ng masang patuloy na inaapi, itinakda na nila ang tagumpay ng digmang bayan. Walang anumang kasinungalingan ang makatitibag sa katotohanang ito na nilikha ng mahigit limang dekadang pakikibaka ng uring anakpawis. Sa anumang tipo ng labanan, tiyak na mabibigo ang reaksyunaryong gobyerno na tapatan ang hindi magagaping lakas ng sambayanang Pilipino.
ISULONG ANG DIGMANG BAYANG HANGGANG SA GANAP NA TAGUMPAY!
ILANTAD ANG KASINUNGALINGAN NI PARLADE AT NG NTF-ELCAC!
IBAGSAK ANG REHIMENG US-DUTERTE!