Mga magsasakang sibilyan ang pinaslang ng 83rd IBPA sa palabas na engkwentro sa Sagnay
Kinukundena ng TPC – BHB East Camarines Sur at ng buong masang Camarines Sur ang 83rd IBPA sa pagpaslang nito sa mga sibilyang sina Louie Austria at Benjamin Delos Santos matapos palabasing mga NPA na napaslang sa isang pekeng labanan sa bayan ng Sagnay noong Hulyo 20, 2021. Walang engkwentrong naganap sa pagitan ng mga yunit nito at mga elemento ng 83rd IBPA at pawang mga armas lang din ng militar ang ipinaradang 12 matataas na kalibre ng baril na diumano’y nasamsam sa labanan.
Sa pamamagitan ng mga pekeng mga engkwentro, kampanyang pagpapasurender at largadong pamamaslang, hinahawan ng 83rd IBPA ang entablado para sa higit pang malawak at masaklaw na militarisasyon sa buong ika-apat na distrito ng Camarines Sur sa ilalim ng mga focused military operations at Retooled Community Support Program ng Oplan Kapanatagan. Desperado ang naturang batalyon at ang 9th IDPA na pigilan ang pagkakabuwag ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at patuloy pang makinabang sa kurakot na dala ng mga pasistang programa nito.
Batid ng masa sa distrito at buong rehiyon ang pasakit, pagpapahirap at teroristang karahasang dulot ng militarisasyon. Matapos mamerwisyo sa ika-limang distrito ng Camarines Sur, ngayo’y dinudumog ng 83rd IBPA ang ika-apat na distrito ng naturang prubinsya. Gamit ang mga gasgas na estilo ng panlilinlang at pandarahas, mula pagkampo sa komunidad, pagpiga ng impormasyon, pagbuwag sa mga organisasyon at tulungan ng masa, pagpapasuko sa buong barangay, pagpapatahimik sa mga sibilyang upisyal, pang-aagaw ng lupa, sapilitang pagpaparekluta sa CAFGU o army hanggang sa pamamaslang, walang ibang pakay ang 83rd IBPA kundi balutin sa takot ang masa at supilin ang kanilang pagkakaisa’t paglaban.
Nananawagan ang TPC-BHB East Camarines Sur sa masa ng Partido Area na maghanda at buong tapang na harapin ang tumitindi pang pananalasa ng 83rd IBPA. Walang laban ang pinakaberdugong batalyon sa matapang na pagkakaisa ng masang Camarines Sur. Katuwang ng masa ang kanilang tunay na Hukbo, ang BHB – Camarines Sur hindi lang sa pagkamit ng hustisya para kina Austria at Delos Santos kundi sa libu-libong biktima ng terorismo at pasismo ng 83rd IBPA.