Mga operasyong militar ng AFP sa TK, binigo ng mga opensibang aksyon ng NPA
Patuloy na binibigwasan ng mga yunit at larangan sa ilalim ng Melito Glor Command – New People’s Army Southern Tagalog (MGC – NPA ST) ang tuluy-tuloy at walang habas na operasyong militar ng AFP-PNP-CAFGU sa rehiyon.
Palawan. Noong Hulyo 22, 10:30 ng umaga, inambus ang isang PNP patrol car ng Bienvenido Vallever Command – NPA Palawan sa So. Tikyan, Brgy. Bato, Taytay kung saan napatay ang dalawang PNP intelligence operative na lulan ng naturang sasakyan. Ang dalawang pulis ay talamak sa pagpapasuko at panghuhuli ng mga sibilyang pinalalabas na NPA sa lugar. Samantala, hinagisan ng granada ang kampo ng 12th MBLT sa Brgy. Minara, Roxas bandang 9:40 ng gabi. Ginimbal nito ang buong kampo na nagdulot ng tensyon at pangamba sa mga berdugong militar na patuloy na naglulunsad ng operasyong militar at namemerwisyo sa masa sa larangan.
Rizal. Napatay ang isang elemento ng 80th IBPA na inisnayp ng Narciso Antaso-Aramil Command – NPA Rizal sa Brgy. Sta. Inez, Tanay noong Hulyo 29. Sa parehong araw, pinasabugan rin ng command detonated explosive ng isang yunit ng NPA Rizal ang isang military truck na bumabyahe sa kahabaan ng kalsada ng Brgy. San Jose, Antipolo City kung saan nasugatan ang dalawang elemento ng 80th IBPA. Tugon ito sa patuloy na operasyong militar ng mersenaryong AFP sa kahabaan ng highway at kabundukan ng Rizal na pumipinsala sa mga magsasaka at katutubong Dumagat sa Sierra Madre.
Quezon. Napatay ang isang sundalo at sugatan ang isa pa sa magkasunod na operasyong isnayp ng Apolonio Mendoza Command – NPA Quezon noong Hulyo 20-21 sa 92nd IBPA na naglulunsad ng operasyong militar sa So. Pulang Lupa, Brgy. Umiray, General Nakar.
Sunod-sunod na matagumpay na naparusahan ng mga yunit ng BHB sa ilalim ng AMC ang 4 na sagad-saring kontra-rebolusyonaryong may mga utang na dugo sa mamamayan at rebolusyonaryong kilusan sa South-Quezon Bondoc Peninsula. Ang mga ito ay sina Roberto Orugo noong July 6 sa bayan ng Plaridel, Juanito Javier noong July 12 sa bayan ng Gumaca, Efren Aguila sa bayan ng Padre Burgos at Marvin Flores pareho noong July 19 sa bayan ng San Narciso. Sila ay mga responsable sa mga pagpapahuli at pagpapakubkub sa mga yunit ng BHB na nagresulta sa pagkamartir ng mga kasama sa Hukbo at masa.
Mindoro. Sugatan ang mga elemento ng 76th IBPA na sakay ng isang military truck ng eksaktong tamaan ito ng ng pinasabog na isang command detonated explosives ng isang yunit ng Lucio de Guzman Command – NPA Mindoro sa kahabaan ng provincial highway ng Sablayan, Occidental Mindoro. Lulan ng naturang truck ang reinforcements ng mga mersenaryong 76th IBPA sa napalabang yunit nito sa Sta. Cruz, Occidental Mindoro.
Batangas. Tatlong elemento ng 1st IBPA ang patay habang marami ang sugatan sa engkwentro nito sa isang yunit ng Eduardo Dagli Command – NPA Batangas sa Brgy. Calubcob, San Juan noong Hulyo 30.
Ang mga opensibang aksyon ng mga yunit ng NPA sa Timog Katagalugan ay tugon sa nagpapatuloy na pananalakay ng AFP-PNP-CAFGU sa hanay ng mamamayan ng rehiyon. Sa baliw nitong pagtatangkang pigilin ang pagsulong ng pakikibaka ng mamamayan sa TK at sa buong bansa, walang ginawa ang rehimeng US-Duterte kundi ang magpakawala ng walang kaparis na psyops, kalupitan at karahasang militar. Tatapatan ng rebolusyunaryong hustisya ang bawat ginagawang pamiminsala sa mamamayang ng mga pasistang operasyong militar at pulis sa kanayunan at kalunsuran.
Patunay ang putok ng iba’t ibang yunit ng NPA sa rehiyon na walang magaganap na localized peace talks sa anumang larangan ng NPA sa rehiyon at sa buong bansa. Tanda ito ng determinadong paglaban ng rebolusyunaryong kilusan sa anumang pambabaluktot at paghahabi ng kasinungalingan at pekeng balita ng AFP-PNP-CAFGU at rehimeng US-Duterte. Hindi kailanman kayang lutasin ng localized peace talks ang patuloy at lumalalang kahirapan at krisis sa bansa. Umuugat ito sa laganap at nagpapatuloy na kabulukan ng estado at sistema ng lipunang Pilipino na pinananatili ng imperyalismong US at kakutsaba nitong mga lokal na naghaharing uri – mga panginoong maylupa at burukrata kapitalista. Kailangang mapuksa ang mga ito sa loob ng ating bansa upang makamit ang tunay at pangmatagalang kapayapaang nakabatay sa hustisyang panlipunan.
Tiyak na mabibigo ang ambisyosong plano ng rehimeng US-Duterte at AFP-PNP na tapusin ang armadong pakikibaka sa rehiyon at sa buong bansa sa loob ng 3 buwan. Patuloy na isinusulong at pinaiigting ng mga rebolusyonaryong pwersa ang digmang bayan kung saan kalahok nito ang lahat ng uri at sektor, mga makabayan at patriyotiko na tumitindig at lumalaban sa pasista at nagbabadyang diktadura ng rehimeng US-Duterte.###
Press Statement
August 9, 2018
Reference Person: Jaime “Ka Diego” Padilla, Tagapagsalita,
Melito Glor Command, New People’s Army – Southern Tagalog