Mga rebolusyunaryong tagapagtaguyod ng karapatang pantao, buong-tapang na isulong ang karapatan ng mamamayan! Ipagwagi ang demokratikong rebolusyong bayan!

Pulang saludo at taas-kamaong pagbati para sa 53 anibersaryo ng muling pagkakatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas! Muling pinatunayan ng PKP, ang tanglaw ng masang anakpawis, na mahaba ang buhay ng rebolusyon. Makasaysayan at simboliko ang taong ito sapagkat nananatiling matatag at hindi matinag-tinag ang pakikibaka ng aping mamamayan at ang Partido nito sa kabila ng matinding mga atake ng terorista at kriminal na rehimeng US-Duterte at nalulukob sa pandemya ang ating bansa.

Maituturing na pinakamalagim ang kinahatnan ng rehiyon ng Timog Katagalugan sa kasaysayan ng pananatili ng administrasyong Duterte sa estado-poder ngayong taon dahil sa mga sukdulang paglabag sa karapatang pantao Higit na pinasahol ng kriminal at mamamatay-taong rehimen ang crackdown sa rehiyon sa pamamagitan sa magkakasabay na pagpatay sa siyam na aktibista at iligal na nagdetine naman sa pito sa loob lamang ng isang araw na tinagurian ding ‘Bloody Sunday.’ Desperadong ginamit nito ang hudikaturang sangay katuwang ng mga berdugo nitong huwes upang lalong maghasik ng teror sa hanay ng mga mamamayang bitbit ang mga lehitimo at demokratikong interes ng mamamayan.

Mula sa datos ng Karapatan, umabot na sa 39 ang biktima ng pampulitikang pamamaslang at 22 rito ay pinaslang habang diumano’y hinahainan ng Warrant sa loob ng limang taong panunungkulan ng despotikong pangulo. Nakapagtala rin ang grupo ng 118 iligal na mga pag-aresto habang 65 pa rin ang nananatiling nakapiit. Dagdag pa, apat na matanda at may sakit na bilanggong pulitikal ang namatay sa loob ng kulungan. Habang hikahos at sadlak sa kahirapang ang mga Pilipino bunsod ng kriminal na kapabayaan ng gubyerno sa pandemya, ganito kabagsik ang dinaranas ng mga patuloy na naninindigan para sa mga batayang karapatan kaya naman laging nalalagay sa peligro ang kanilang mga buhay.

Maraming mang nabuwal sa ating hanay ngunit higit naman na marami ang naipunla at bagong sumibol na mga rebolusyunaryong magpapatuloy sa puspusang pagsusulong ng karapatang pantao. Walang tigil ang pagdaloy ng dugo ng mga susunod na salinlahi ng tagapagmana ng pambansa-demokratikong rebolusyon. Kayang patayin ng estado ang mga rebolusyunaryo, ngunit hindi nito kailanman kayang gapiin ang rebolusyon!

Makakaasa ang sambayanan at ang PKP na buong pagpupursige na dadalhin ng mga makabayang abugado at tagapagtaguyod ng karapatang pantao sa Timog Katagalugan ang linya ng pambansang demokrasya. Magpapatuloy na magpupunyagi at makikibaka hanggang sa tagumpay, buhay man ay ialay!

Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas! Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan! Mabuhay ang Pambansang Nagkakaisang Prente! Mabuhay ang pakikibaka ng sambayanang Pilipino!

 

Mga rebolusyunaryong tagapagtaguyod ng karapatang pantao, buong-tapang na isulong ang karapatan ng mamamayan! Ipagwagi ang demokratikong rebolusyong bayan!