Mga sibilyang magsasaka ang dinukot at pinaslang ng PTF-ELCAC sa Brgy. Anas, Masbate

,

Mariing kinukundena ng NDF-Bikol ang nagpapatuloy na panlilinlang at paghahasik ng kasinungalingan ng PTF-ELCAC ng Masbate kaugnay nang gawa-gawang labanang ilinunsad ng pinagsanib na pwersa ng 2nd IB at PNP-Masbate. Hindi totoong nagkaroon ng labanan sa pagitan ng yunit ng BHB ng Jose Rapsing Command-Masbate at mga elemento ng sundalo at pulis sa So. Porang, Brgy. Anas, Masbate City nitong Hunyo 8. Mula alas-4 hanggang alas-8 ng umaga, walang puknat na nagpaputok at naglustay ng bala ang militar at pulis. Dinukot at pinaslang ng berdugong tropa ang tatlong magsasakang sibilyan na sina Tony Poligrates ng Villa Hermosa, Cawayan, Boy Briones ng Brgy. Matiporon, Milagros at isa pang inaalam pa ang pagkakakilanlan.

Lango sa pulburang ilusyon ang idinedeklara ni Police Lt. Col. Steve Dela Rosa na nasamsam na 17 armas, command detonated explosives at iba pang kagamitang militar sa gawa-gawang labanan. Gayundin ang sinasabing pagsisilbihan nila ng warrant of arrest sa nasabing lugar ay ilang beses nang idineklarang napaslang ng PTF-ELCAC sa iba’t ibang labanan sa prubinsya nitong mga nagdaang taon.

Gumuguho ang pundasyon ng pagmamayabang ng PTF-ELCAC para bigyang lugod si Gen. Guillermo Eleazar. Sa pagmamadaling sagpangin at pigain ang ganansya mula sa pagpapapakumbaba ng BHB, patung-patong na kasinungalingang madaling ilipad ng hangin ang kanilang nilubid. Inaasahan ng mga ito ang pagpaparte-parte ng ilang milyong pabuya mula sa pondo ng NTF-ELCAC na walang kasimbilis na nalulusaw habang humahaba ang listahan ng kanilang mga kasinungalingan.

Sa pag-ako ng buong rebolusyonaryong kilusan ng kanilang pagkakamali, nakahanda itong panagutan ang kanyang naging pagkukulang sa pamilyang Absalon. Hinahamon ng NDF-Bikol ang lahat ng ahensyang nag-iimbestiga, mga kagawad ng midya at mga tagapagtaguyod ng karapatang tao na pagtuunan ang paglalantad at pagpapanagot ng NTF-ELCAC sa pagsalaula sa paghihinagpis ng pamilyang Absalon at kanilang komunidad na kinabibilangan at pagpaslang sa talon sibilyang magsasaka. Hindi kailanman aaminin ng mersenaryong alipures ng berdugong rehimen ang kanilang mga krimen sa mamamayan at lalo lamang patitindihin ang panlilinang.

Hinihikayat ng NDF-Bikol ang pamilyang Briones at Poligrates na singilin at pagbayarin ang 2nd IB at PNP-Masbate at buong pamunuan ng juntang militar ng rehimeng US-Duterte sa pagpaslang sa kanilang mga kaanak. Nanawagan ang NDF-Bikol sa mga upisyal ng lokal na gubyerno sa Masbate na tumindig kasama ng kanilang mga residente sa paglaban sa pagbayo ng pasistang terorismo sa isla ng Masbate.

Mga sibilyang magsasaka ang dinukot at pinaslang ng PTF-ELCAC sa Brgy. Anas, Masbate