Mga sundalo ng estado ang pumaslang kay Michael Bagasala
PINASLANG ng mga armadong tauhan ng estado si Michael Bagasala alyas Teban kahapon, Enero 24, sa Barangay San Antonio, Barcelona, Sorsogon. Si Teban ay dating mandirigma ng NPA na sumuko sa reaksyunaryong gobyerno noong 2018.
Ayon sa mga saksi, ang pumatay kay Teban ay mga unipormadong lalaking nagpakilalang CIDG at PNP ng Gubat, Sorsogon. Gwardyado sila ng mga sundalo ng 31st IB na magdadalawang linggo nang nag-ooperasyon sa ilang baryo ng Barcelona at nagmamantine ng kanilang command post sa mismong barangay na pinangyarihan ng pagpatay.
Pinalalabas ngayon ng mga pasista na sisilbihan sana ng warrant of arrest si Teban para sa kung anong kaso ngunit nanlaban ito kaya napatay. Pero ayon sa mga nakasaksi, pinatay si Teban matapos siyang tortyurin ng mga salarin habang pilit na ipinatuturo kung nasaan ang kanyang mga kapatid at ibang kaanak. Si Teban ay anak ng aktibistang lider-masang si Nelly Bagasala na pinaslang din ng mga elemento ng estado noong Hunyo 2019. Malaon nang pinag-iinitan ng mga pasista ang kanilang pamilya.
Ang sinapit ni Teban ay nagpapakita na walang sukat ang pagka-uhaw-sa-dugo ng mga kampon ni Duterte na hindi nila pinatatawad maging ang mga sumuko sa kanila na nais tahimik na mamuhay at tumangging magpagamit laban sa kanilang kapwa.
Isa na naman itong patunay na mismong ang estado ang nagpapahamak sa mga sumusukong NPA taliwas sa sinasabi nito na makapamumuhay na sila ng mapayapa oras na mag-“balik-loob” sila sa bulok na lipunan.