Midterm Elections, hungkag at anti-demokratiko
Sa simula pa lamang ng kampanyang elektoral, pinapakita na ni Duterte ang kanyang pagkagahaman sa kapangyarihan at pagkatuso na kontrolin ang resulta ng eleksyon upang mailuklok ang kanyang mga kroni at alyado sa darating na halalan sa Mayo 13. Kailangang magmatyag ang buong bayan sa imbing pakana ni Duterte na imaniobra ang resulta ng eleksyon upang mangibabaw ang kampon ng kanyang mga reaksyunaryo at sunud-sunurang alagad para ipagpatuloy ang pasista at tiranikong paghahari sa bansa.
Bago pa man kampanyang elektoral, ginamit ni Duterte ang buong makinarya ng reaksyunaryong estado para kontrolin ang kahihinatnan ng eleksyon dahil sa kagustuhang makapanatili sa kapangyarihan lagpas sa kanyang termino. Walang kahihiyang ikinampanya ni Duterte ang mga kandidatong kakutsaba niya kahit pa batbat ng batik ang mga ito sa pandarambong, kurapsyo’t katiwalian at madugong rekord sa pagyurak sa karapatang pantao. Habang kaalinsabay nito, walang pakundangan namang sinisiraan niya ang kanyang mga kritiko upang ihiwalay at hindi makuha ang suporta at boto ng taumbayan. Personal niyang inaatake ang mga ito habang patuloy na iwinawasiwas ang kanyang kampong mga tiwali, kurap at madarambong na kandidato.
Gamit ang pekeng popularidad na niluto ng mga ikinumisyong mga sarbey at mga kontrolado at pekeng balita, pilit na pinalalabas sa mga pahayagan, radyo at telebisyon na nangunguna ang mga piling kandidato ng PDP-Laban at Hugpong ng mga Ulopong ni Sarah Duterte. Isinagawa ito upang ikondisyon ang taumbayan sa simula ng kampanyahan hanggang sa araw ng eleksyon. Kaduda-duda ang sistematiko at unti-unting pag-usad ng mga kandidato ng administrasyon sa pagpasok sa ‘Magic 12’ sa mga surbey.
Naglabas si Duterte ng isang kakatwang “Oust Duterte matrix” kahit walang malinaw na batayang nagsasangkot sa maraming indibidwal at grupo sa inimbentong planong pagpapatalsik sa kanyang gubyerno. Sinangkalan niya ang pinekeng popularidad para palabasing may nagpaplanong pabagsakin ang kanyang paghahari at makaani ng simpatya upang ihiwalay ang mga kaaway niya sa pulitika. Pamamaraan din ito ng rehimen upang ilayo sa tunay na mga isyu ang mamamayan at ilagay sa depensibang postura ang mga kritiko at oposisyon.
Mas maaga pa, inilagay ni Duterte ang buong Mindanao sa Martial Law sa ngalan ng gera kontra terorismo bilang preparasyon para sa darating na midterm elections. Sinindak at sinupil ng rehimen ang mga mamamayan ng Mindanao at tinarget ang mga lugar kung saan pinaghihinalaan nitong balwarte ng rebolusyon, progresibo, oposisyon at kritiko ng rehimen. Hindi pa nasiyahan, inilagay pa niya ang buong Mindanao sa Comelec control katuwang ang AFP-PNP. Inilagay din niya ang tatlong rehiyon — Samar, Bicol at Negros — sa kontrol ng militar at pulis sa ngalan ng “lawlessness” na nagsasailalim sa mga naturang rehiyon sa isang de facto Martial Law. Idineklara ring mga “hot spots” ang mga probinsya at bayan kung saan malakas ang presensya ng NPA at nangangnib na matalo ang kanyang mga pinapaborang kandidato. Ipinailalim din ang mga ito sa kontrol ng Comelec upang tiyakin na maipapanalo ang mga bulok, tiwali at kurap na kandidato ng rehimeng US-Duterte sa nasyunal at lokal na antas.
Paghahanda ang lahat ng ito sa pangarap ni Duterte na mahawakan ang buong makinarya ng estado para sa matagal na plano niyang baguhin ang saligang batas upang mailusot ang pekeng pederalismo. Bahagi ito ng maitim na balak ni Duterte na maghari nang lagpas sa 2022. Lilikhain nito ang walang kaparis na kontrol ng mga political warlords at dynasties sa iba’t ibang rehiyon, probinsya at bayan sa buong bansa habang nagpapasasa sa kapangyarihan ang kanyang pamilya, mga kroni, kaibigan at alyado sa pulitika.
Hangga’t umiiral ang malakolonyal at malapyudal na sistema sa bansa, ang reaksyunaryong eleksyon ay mananatiling sarswela lamang ng mga payaso sa pulitika na walang ibang layunin kundi ang panatilihin ang kasalukuyang kaayusan at walang maibibigay na kalutasan sa malaon nang kahirapan sa bansa. Repormista at hindi demokratiko ang katangian ng reaksyunaryong eleksyon na walang ibang pagsisilbihan kundi ang interes ng mga naghaharing uri na makapanatili sa kapangyarihan.
Magsilbing buhay na halimbawa ang kasaysayan kung saan walang idinulot na mabuti sa mamamayan ang pagpapalit-palit ng mukha sa Malakanyang kundi ibayong kahirapan. Higit na pinatunayang na sa pagpapabagsak lamang sa malakolonyal at malapyudal na sistemang kinakatawan ng rehimen at sa pagtatayo ng tunay na gubyerno ng mamamayan maiaahon ang ating bansa sa kahirapan at makakawala sa gapos ng pang-aapi at pagsasamantala. Ang pagsusulong at pagtatagumpay ng Demokratikong Rebolusyong Bayan ang tanging solusyon sa kronikong krisis sa bansa, hindi ang reaksyunaryo at di-demokratikong eleksyon, upang wakasan ang sistemang pinaghaharian ng mga malalaking kumprador-asendero’t burukratang kapitalista at ng amo nitong imperyalistang US.###