Militar sa Quezon, ginawang pananggalang ang sibilyan!
Walang ipinag-iba ang mga militar sa kanilang amo na si Digong Duterte sa kawalang pagkilala at paglabag sa karapatang pantao lalong higit sa masang populasyon na nakakaranas ng krimen na likha ng isang pabaya, korap at mapanupil na pangulo.
Kahapon, napabalita na nakatayo na ang bagong kampo-militar sa Barangay Ilayang Ilog A, Lopez. Ayon sa nakuhang ulat, ang nasabing kampo ay nasa pagitan ng mga bahay ni Pilipino Aureada at Rommel Maravilla. Ito ay malinaw na pagpapakita na hindi nauunawaan ng mga sundalo ang nilalaman ng CARHRIHL (Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law) at mga batas ng digmaan. Noon pa man ipinagbabawal na sa batas ang pagtatayo ng mga kampo-militar sa loob ng komunidad at kailangang kilalanin ang karapatan ng mamamayan sa mapayapang pamumuhay.
Sapilitang pinapasok ng mga bayarang sundalo ang mga kanayunan at ginagawang pananggalang ang mga sibilyan para sa kanilang tuloy-tuloy na kampanya para linlangin at takutin ang mga Quezonin. Hindi na nakonsensya ang mga alagad ni Heneral Norwyn Tolentino ng 201st Brigade sa pagsusumiksik nito sa mga komunidad. Ito ay sa kabila ng mga natatanggap naming mga hinaing at reklamo ng taumbaryo sa bayan ng Lopez dahil sa pagkabahala at pagkatakot sa tuloy-tuloy paglabas-masok ng mga sundalo lalo na at lumalaganap pa rin ang pandemya.
Noong ika-1 ng Septyembre, napabalita din ang pagtatayo ng kampo militar na kalapit ng eskwelahan sa barangay Cagacag.
Gayunpaman, hinihikayat at nananawagan kami sa lahat ng mga kapitan at kasapi ng Sangguniang Barangay na huwag pahintulutan na makapasok ang mga kampo-militar sa inyong barangay.
Huwag na kayong maghanap ng bato na ipupukpok sa inyong ulo. Tandaan ninyo ang inyong sinumpaan bilang mga opisyal ng barangay ay singkahulugan ng tuloy-tuloy na pagtatanggol sa kapakanan at buhay ng inyong kababaryo.
Huwag kayong mag-alala at matakot sa mga militar. Ngayong may pandemya, hindi ninyo kailangan ng dagdag tao na maaaring pagsimulan ng nakakahawang sakit na COVID-19. Kailangang maging malinaw na ang daing ng sambayanan ay dulot ng kawalan ng sapat na ayuda at bakuna hindi kawalan ng kampo at bala.