Militarisasyon at pagsupil sa lumalakas na kilusang Bikolanong kontra Marcos-Duterte ang pakay ng pagdedeklara sa Bikol bilang election area of concern
Dapat tutulan at labanan ng mamamayang Bikolano ang pagpuntirya ni Duterte at ng AFP-PNP sa Bikol bilang isa sa mga prayoridad ng kanilang militaristang pakana ngayong halalan sa tabing ng pagdeklara sa maraming lugar ng rehiyon bilang election area of concern o hotspot. Pakay ng rehimen at ng Joint Task Force Bicolandia na kontrolin ang resulta ng halalan sa rehiyon at supilin ang lumalakas na kilusang Bikolano laban sa pasistang alyansang Marcos-Duterte.
Maging ang COMELEC-Bicol ay nababahala sa pagtadtad sa Kabikulan bilang rehiyong may pinakamaraming areas of concern. Sa kabila ng relatibong mas mababang banta ng karahasang elektoral sa Bikol kumpara sa iba, katakut-takot ang idinagdag na pwersang militar at pulis ang rehiyon, partikular sa prubinsya ng Masbate. Ipinahayag mismo ng naturang ahensya ang pag-aalala sa pangmatagalang epekto ng militarisasyon sa bumabangon pa lang na ekonomya ng mga komunidad.
Makatwiran at may batayan ang pagkaalarma ng COMELEC-Bicol. Tanging pagtindi ng teroristang karahasan laban sa mga sibilyan ang idinulot ng pinatinding presensyang militar ngayong panahon ng halalan. Naidokumento ang mga kaso ng pampulitikang pamamaslang, pambubomba sa himpapawid, panggigipit sa mga lokal na upisyal, Red-tagging at paninindak ng mga Retooled Community Support Teams ng militar sa mga taumbaryo na iboto ang tambalang Marcos-Duterte.
Batid ng pasistang alyansang Marcos-Duterte at ng kanilang mga kasapakat na lokal na naghaharing-uri sa Bikol ang malawak na suporta ng mamamayan ng rehiyon para sa kanilang kababayang si Leni Robredo. Batid ng rehimen na ang suportang ito sa oposisyong kinakatawan ng Bikolanang si Robredo ay nagmumula sa pagkamuhi ng mamamayang Bikolano sa pahirap, kurakot, taksil at mamamatay-tao na si Duterte.
Nananawagan ang NDF-Bikol sa mamamayang Bikolano na labanan ang pagtatangka ng pasistang alyansang Marcos-Duterte na maghari. Dapat nilang ilantad ang anumang pang-aabuso ng militar at pulis na kontrolin ang resulta ng halalan sa rehiyon. Hinihikayat din ng NDF-Bikol ang mga kawani at upisyal ng sibilyang ahensyang tulad ng COMELEC-Bicol na igiit ang kanilang sibilyang kapangyarihan at manindigan para sa pagtatanggol ng karapatan ng mamamayang bomoto nang naaayon sa kanilang konsensya at mga pangarap. Dapat nilang mabatid na anumang kahinatnan ng halalan, tanging sa ibayong pagsulong ng kanilang lahatang-panig na paglaban at pagkakaisa lampas sa pakikibakang elektoral makakamit ang inaasam nilang tunay na pagbabago.