Military Junta sa gubyernong Duterte, pagtitiyak ng diktadurya ni Duterte
Jaime “Ka Diego” Padilla
Tagapagsalita
Melito Glor Command
New People’s Army — Southern Tagalog
Unti-unting binubuo ni Duterte ang isang military junta sa pagkumpleto ng kanyang gabinete ng mga retiradong heneral ng militar at pulis upang tiyakin ang kanyang diktadurang paghahari sa bansa. Desperadong hakbang ito ni Duterte na makapanatili sa kapangyarihan sa kabila ng kanyang kainutilan sa pamamahala at pagharap sa iba’t ibang problema at krisis sa lipunan.
Kamakailan, tinalaga ni Duterte ang nagretirong heneral na si Roland Bautista bilang bagong kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang makuha ang simpatyang militar at pulis para sa kapanatagan ng kanyang paghahari sa bansa. Dahil dumarami nang retirado at militaristang heneral ang humahawak sa mga susing pwesto sa gubyernong Duterte, madulas na maipapatupad ni Duterte ang kanyang de facto Martial Law laban sa mamamayan. Sa ilalim ng mga uhaw-sa-dugong heneral, malayang maipapalaganap ang culture of impunity at higit pang pag-atake at paglapastangan ng karapatang-tao ng sambayanan.
Pinalalala ni Duterte ang kasalukuyang krisis sa pulitika sa ilalim ng kanyang rehimen. Dahil nanganganib siyang mapatalsik sa estado-poder, nais niyang kunin ang katapatan ng militar at pulis. Kung gayon, higit pang kailangan ng mamamayang Pilipino na magkaisa at labanan ang tusong pakana ni Duterte na makapaghari lagpas sa 2022. Marapat nang ibagsak ang pasista at mala-diktadurang rehimeng US-Duterte. Itayo ang isang lipunang magsisilbi sa interes ng mamamayan. ###