Mr. Salvador Panelo, bagong talagang Chief Propagandist at Legal Officer ng Chinese Embassy sa Pilipinas
Nababagay sa isang manhid, inutil, taksil at sagadsaring anti-Pilipinong gabinete ni Duterte na tulad ni Salvador Panelo ang titulong Chief Propagandist at Legal Officer ng Chinese Embassy sa bansa.
Tulad ng kanyang among si Duterte, wala ni anumang bahid ng pagpapanggap at pagmamalasakit sa mga Pilipino si Secretary Salvador Panelo sapul ng maluklok itong tagapagsalita ng Malacanang. Ang kanyang mga naging pahayag sa publiko ay pagpapakita ng kanyang kawalang malasakit sa kapakanan ng mamamayang Pilipino bagkus gumagampan siya ng papel bilang abugado sa pagtatanggol sa bansang China sa mga interes nito sa bansa at sa inaangking teritoryo ng Tsina sa West Philippine Sea (WPS).
Ito lang ang maipapayo ko kay Secretary Panelo, mabuti pang magbitiw ka na lang bilang tagapagsalita ni Duterte at magtrabaho bilang Chief Propagandist at Legal Officer ng Chinese Embassy sa Pilipinas tutal naman ang mga pahayag mo ay pawang pagtataguyod at pagtatanggol sa interes at kapakanan ng bansang China kaysa ang ipagtanggol ang interes ng sambayanang Pilipino at Inang Bayan. Sa iyong pagbibitiw mabawasan kahit paano ang pinapasang buwis ng taumbayan na pinantutustos sa iyong sweldo at alawans kahit wala kang kasilbi-silbi sa bayan. Mas magiging katanggap tanggap pa sa taumbayan na makita kang naglilingkod sa China kaysa manatili sa gubyerno na nagpapanggap na Pilipino subalit sa esensya ay traydor, bentador ng soberenya ng bansa at makabagong “makapili”. Sa paglipat mo sa Chinese Embassy, mababawasan ang mga mersenaryo na pro-imperyalistang China sa loob ng gabinete ni Duterte.
Nakakagalit at nakakapuyos ng damdamin ang inilabas na pahayag ni Panelo nuong Nobyembre 3, 2019 na hindi dapat mabahala ang bansa sa bagong pangyayari sa Scarborough Shoal dahil ang hinaras ng Chinese Military Ship ay isang Liberian Flagged commercial ship na Green Aura na kahit pinatatakbo at pinangangasiwaan ng all Filipino crew ay pagmamay-ari pa rin daw ng dayuhan. Ang ganitong pahayag ni Panelo ay isa na namang patunay kung para kanino ang tindig at pusisyon ng Malakanyang sa tuwing maiimbwelto ang China sa kontrobersya sa loob ng karagatang pag-aari ng bansang Pilipinas.
Ang ganitong pahayag ni Panelo na nagbabalewala sa panghaharas ng China sa mga barkong dumaraan at naglalayag sa karagatan na saklaw ng Pilipinas ay pagpapakita ng kanyang kawalan ng malasakit sa mga tripulanteng Pilipino at kamangmangan sa desisyon ng Permanent Court of Arbitration nuong Hulyo 2016 na nagiimbalido sa pag-aangkin ng bansang China na sila ang may tanging hurisdiksyon sa Panatag Shoal (Scarborough Shoal).
Sa kabilang banda, ang bagong pahayag ni Panelo ay nagbibigay ng dagdag na katwiran at bala sa gubyernong China para igiit ang kanilang “pag-angkin” sa Panatag Shoal at gawin ang anumang pagreregularisa sa lahat na dumadaan at naglalayag ditong mga barkong pangkalakaran at komersyo dahil sa tila konsisteng pagsuko na rin ng Pilipinas sa karapatan nito sa Panatag Shoal bilang saklaw ng kanyang karagatan.
Kailangang kondenahin ng taumbayan ang bagong pahayag na ito ni Panelo at hilingin ang kanyang agarang pagbibitiw.
Pinatunayan na sa mahabang panahon ng kanyang panunungkulan bilang tagapagsalita ni Dutete na wala siyang anumang naidulot na kabutihan sa bayan kundi mga kahihiyan at kapalpakan.
Tulad ni Joseph Goebbels na propagandista ni Hitler, eksperto sa paglalaro ng salita at paghahabi ng kasinungalingan si Panelo para ang kabulukan at kabahuan ng administrasyong Duterte ay kanyang mapabango. Ang mga kasamaan, pagpatay sa libo-libong pinaghihinalaang adik at maliliit na tulak at pagkakasangkot ni Duterte sa ilegal na kalakaran sa droga ay kanyang pinalilitaw na bahagi at paraan ng pagpapakita ni Duterte ng kanyang pagmamahal sa bayan. Sayang lang ang pinansusweldo at ginagastos mula sa kaban ng taumbayan kay Secretary Salvador Panelo na isang inutil, sagad sa butong panatiko at tuta ng China.
Tulad ng kanyang among si Duterte, pareho silang korap, traydor at masugid na tauhan ng imperyalistang China na kailangang patalsikin sa pwesto ng taumbayan.###