Nagluluksa ang buong rebolusyonaryong kilusan sa pagpanaw ni Kasamang Fidel V. Agcaoili
Translation/s: English | Hiligaynon | Bisaya
Sampu ng buong rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas, ipinaaabot ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang marubdob na pakikiramay sa asawa at mga anak ni Kasamang Fidel V. Agcaoili, pinuno ng Negotiating Panel ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP).
Pumanaw kahapon si Ka Fidel sa Utrecht, The Netherlands, sa edad na 75.
Malalim na kalungkutan at pagkawala ang nadarama ng mga komunista at rebolusyonaryong Pilipino sa pagpanaw ni Ka Fidel. Isa siya sa pinakamamahal at pinakakapita-pitagang pinuno ng Partido, ng NDFP at sambayanang Pilipino.
Sa nagdaang limang dekada, mula sa kilusang lihim, sa bilangguan, sa larangang internasyunal at usapang pangkapayapan, si Ka Fidel ay walang humpay na nakibaka at nagsilbi sa rebolusyonaryong kilusan, sa lahat ng api at pinagsasamantalahang uri at sektor, para kamtin ang pambansa at panlipunang paglaya.
Hindi binitawan ni Ka Fidel kahit isang saglit ang mga prinsipyo ng Partido. Lipos siya ng diwang komunista hanggang sa kanyang huling hininga.
Nagluluksa ang buong Partido, lahat ng rebolusyonaryong pwersa, kabilang ang mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan sa buong bansa.
Sa mga darating na araw, iaanunsyo ng Partido ang araw ng pagluluksa, pagkilala at pag-alaala kay Ka Fidel.