Nagpapatuloy ang pamamasismo at kriminalisasyon sa mga inosenteng sibilyan ng magkakutsabang sundalo at pulis sa prubinsya ng Masbate
Mariing kinokondena ng Jose Rapsing Command-BHB Masbate ang nangyaring pagmasaker sa dalawang magsasaka kabilang ang isang menor de edad na batang lalaki sa hangganan ng Brgy. Mahayahay at Guinhan-ayan, Placer, Masbate noong Hunyo 17, 2020, bandang alas 8:30 ng gabi.
Kinilala ang mga biktima na sina Rogen Orcales Languido, 40 anyos at mag amang Danny Boy Tibay Pepito, Sr. at Jessie Boy Amador Pepito, pawang naninirahan sa Brgy. Mahayahay, Placer, Masbate.
Bago pa ang pangyayari, noong umaga ng Hunyo 17, isang full platoon ng 2nd Provincial Mobile Force Company sa pamumuno ni P/Col. Pascua na nakabase sa Brgy. Sto, Nino, Cataingan, Masbate ang nagsagawa ng combat operation sa mga baryo ng Pitogo at Chemenia, Cataingan at Mahayahay, Placer.
Kinagabihan ng Hunyo 17, isang grupo ng 2nd PMFC na nakasakay sa mga motorsiklo ang pumunta sa bahay ng mga biktima at pinaputukan ito na nagresulta sa pagkamatay ng tatlong biktima. Matapos ang pamamaril ay pinasok ang bahay at kinuha ang isang cellphone na pagmamay-ari ni Danny Boy Pepito, Sr.
Pangalawang beses na itong ginawa ng 2nd PMFC, noong 2019 sa ganito ding paraan na pinagbabaril hanggang sa mamatay ang isang nagngangalang Bobby ng Brgy. Villapogado, Cataingan, Masbate na isa ding inosenting sibilyan.
Patunay lamang ito na kahit kahit hindi pa ganap na naisasabatas ang anti –terror bill ay ginagawa na nang mga pasistang AFP at PNP ang mga karumal-dumal na pagpatay sa mga inosenting sibilyan sa kanayunan at kalunsuran. Sa bawat operasyong kombat ng mga sundalo at pulis ay may mga inosenting sibilyan ang nagiging biktima ng mga pasista at bayarang galamay ng pasista, diktadura at teranikong rehimeng US-Duterte.
Para sa kaalaman ng mamamayan ang sistema ng hustisya sa Pilipinas ay may dalawang mukha. Kapag ang biktima ay mga mahihirap, inhustisya ang nakakamit ng mga ito. Habang ang mga mayayaman naman ay otomatikong nakakamit ang hustisya. Hindi na mabilang ang mga mahihirap na biktima ng inhustisya sa bayang ito na sinasampahan ng mga gawa-gawang kaso ng mga otoridad lalo pat kung ito ay kritiko ng kasalukuyang adminstrasyon. Samantala, ang mga mayayaman, poderosong pamilya, opisyal ng gobyerno‘t miltar at pulis ay napapawalang sala at pinaparangalan pa. Nilikha ang husgado at kulungan para gamiting instrumento sa pang-aapi at pagsasamantala sa mga mahihirap.
Malisyoso ding isinasangkot ng PNP Placer MPS ang BHB sa nangyaring krimen kahit wala pa itong malinaw na imbestigasyon na isinasagawa. Manipestasyon lang ito na may tinatakpan ang PNP Placer MPS kung kaya agarang nilang inuugnay ang BHB sa pamamaril. Gawain na ito ng PNP tuwing nahihirapan sila sa kanilang imbestigasyon, at o kasamahan nila ang may gawa.
Para makamit ang tunay ng hustisya at katarungan ay kailangang isulong ng mamamayan isulong ang digmang bayan upang ibagsak ang estadong monopolisado ng naghaharing-uri at mga kasapakat nito.
Wala nang masusulingan ang mamamayang inaapi at pinagsasamantalahan kundi ang tumangan ng armas para ibagsak ang bulok na estado at magtayo ng tunay na gobyerno ng mamamayan kung saan wala ng mang-aapi at magsasamantala sa kapwa.
Nananawagan ang JRC-BHB Masbate sa pamahalaang lokal ng Placer ganun din sa pamahalaang probinsya na tulungan niyo ang mga naulilang kapamilya para makamit nila ang hustisya at katarungan.
Inaanyayahan ng JRC-BHB Masbate ang mga kapamilya ng mga biktima na sumapi sa Bagong Hukbong Bayan at sama-sama nating kamtin ang hustisya’t katarungan na matagal ng ipinagkakait sa atin ng pamahalaan at sistema ng hustisya sa bayang ito.
Mamamayan, sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!
Bagong Hukbong Bayan, Tunay na Soldados san Pobre!
Mabuhay ang Rebolusyong Pilipino!