Nagpapatuloy na operasyon ng 9th IDPA sa mga larangang gerilya, paglabag sa sariling tigil-putukan! Aksyon ng Pulang hukbo, bahagi ng aktibong depensa
Mahigpit na pinapabulaanan ng Romulo Jallores Command-NPA Bikol ang pahayag ng 9th IDPA na lumabag ang NPA sa reciprocal at unilateral na deklarasyon ng tigil-putukan ng CPP-NPA-NDFP na sumasaklaw mula Nobyembre 23 hanggang Enero 7. Ang napabalitang aksyon ng Pulang Hukbo laban sa nag-ooperasyong yunit ng militar sa Baay, Labo, Camarines Norte ay bahagi ng aktibong depensa ng NPA sa panahon ng tigil-putukan laban sa anumang patraydor na hakbangin ng militar at pulis.
Maliban sa pagtigil at pag-iwas sa pagsasagawa ng mga opensibang kampanya laban sa mga unipormadong pwersa ng AFP at PNP at pagpapahintulot sa pagbisita o bakasyon ng mga tauhan ng AFP at PNP sa kanilang mga pamilya at kamag-anak na nasa saklaw ng mga larangang gerilya ng BHB, pinananatili ng BHB ang lahat ng mga gawaing pampulitika at pangmilitar nito sa postura ng aktibong depensa. Ang aktibong depensa ay matamang ipinatutupad ng NPA upang patuloy na mapanghawakan ang inisyatiba sa harap ng mga probokatibo at pataksil na hakbangin ng militar at pulis.
Pinaiiral ng BHB ang aktibong depensa at pagmamatyag laban sa anumang opensibang operasyon, mapandigmang kilos, probokasyon at iba pang patraydor na mga hakbangin at aksyong militar ng kaaway. Ikinukubli ng militar at pulis ang kanilang mga operasyong paniktik at pangkombat bilang “peace & development”, “civil-military”, “peace & order”, “anti-droga”, “medical-mission” at “pagpapatupad ng batas”.
Sa kaso ng insidente sa Labo, Camarines Norte, isa ang barangay ng Baay sa 13 baryong nasa ilalim ng Retooled Community Support Program (RCSP) ng 9th IDPA at mayroong presensya ng mga nanggagalugad na militar bago pa man ang deklarasyon ng tigil-putukan. Matagal nang nag-ooperasyon ang mga militar sa naturang erya. Nang maganap ang labanan, wala sa proseso ng pagpull-out ang mga militar bagkus sila ay nagpapatuloy ng kanilang mga aktibidad sa ilalim ng RCSP. Wala ring detatsment ang militar sa naturang barangay kung kaya walang dahilan upang manatili roon ang kaaway sa panahon ng tigil-putukan.
Sa harap ng malaking kaswalting kanilang tinamo mula sa matagumpay na pagdepensa ng Pulang Hukbo, hindi naman nakapagtatakang magpalusot na lamang ang militar at paratangang lumabag sa tigil-putukan ang NPA. Ngunit sala-salabad na ang kasinungalingan ng 9th IDPA. Sa pagtatakip nila sa katotohanang patuloy pa ring nag-ooperasyon ang kanilang mga yunit, lumalabas tuloy na mayroong internal na problema ang militar sa kanilang koordinasyon. Ano’t noon lamang nila ipupull-out ang kanilang tropa? Ibig bang sabihin nito ay hindi maayos ang koordinasyon nila sa kanilang mga yunit at walang alam ang kanilang panig na magkakaroon ng tigil-putukan?
Kung mayroon mang paglabag sa tigil-putukan, iyon ay sa panig ng 9th IDPA. Itinuturing na paglabag sa sariling unilateral ceasefire ng GRP ang pagpapatuloy ng mga operasyong RCSP sa balangkas ng Oplan Kapanatagan, pananatili ng mga pwersa ng kaaway sa saklaw ng mga larangang gerilya, kabilang na ang pagpwesto sa mga kabahayan, eskwelahan, klinika, bahay-dasalan, barangay hall, pagpapratulya sa komunidad, paggalugad ng mga bukirin at bundok.