Nalampasan na ng tiranong Duterte si Marcos sa usapin ng terorismo at pandarambong
Nakikiisa kami sa paggunita ng mamamayang Pilipino sa ika-49 na taong deklarasyon ng batas militar ngayong araw. Marapat talagang hindi kalimutan ang isa sa pinakamadilim na panahon sa kasaysayan ng ating bansa kung saan hinawakan ni Ferdinand Marcos ang absolutong kapangyarihan, naghari bilang isang diktador sa loob ng 14 na taon at nagpakasasa sa walang rendang pandarambong, korapsyon, at pasistang panunupil. Binangkarote niya ang gubyerno, inilugmok ang bansa sa walang kapantay na pagkawasak at ibinaon ang mamamayan sa ilalim ng gabundok na utang.
Napakahalaga at kagyat na magbalik-tanaw at humalaw ng mga aral sa madilim na nakaraan ng batas militar habang ang bansa ay pinaghaharian ngayon ng tiranong si Duterte na walang kahihiyang nagdeklara ng paghanga kay Marcos at hayagang nagpapakita ng ambisyon na magpataw ng pasistang diktadura.
Sa loob lamang ng limang taon, nalamapasan na ni Duterte ang 14-taong paghahari ni Marcos batay sa pinakamasamang sukatan. Simula 2016, ang bilang ng mga pinaslang ng mga pwersa ng estado sa ilalim ng pekeng “gera kontra droga” ni Duterte ay tinatayang higit sa 30,000, halos sampung beses na mas marami sa 3,000 pinatay sa mga masaker at “pagsalbeyds” na isinagawa ng mga pwersang militar at pulis sa ilalim ng diktadurang Marcos.
Pinapaypayan ngayon ng parehong militar at pulis, na pinamumunuan ng dating batang mga upisyal ng diktadurang Marcos, ang kahibangang anti-komunista bilang sangkalan sa mga masaker at ekstra-hudisyal na mga pagpaslang, pagdukot, tortyur, iligal na mga pag-aresto, pagsasampa ng gawa-gawang kaso at matagalang detensyon laban sa mga tumututol at kritiko ng korap at teroristang rehimen. Suportado ng mga drone at fighter jet na sinusuplay ng US at pagpopondong militar, pinaigting ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kampanyang pambobomba galing sa himpapawid at panganganyon nito sa mga kapatagan sa kanayunan at bulubunduking erya na naglalagay sa kapahamakan sa buhay ng mamamayan at lumalabag sa internasyunal na mga batas sa digma.
Malayo sa mga syudad, mas masahol at malupit ang terorismo ng estado, kung saan ipinapataw ng AFP at ng militarisadong burukrasya sa ilalim ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang lantarang paghaharing militar sa mga komunidad ng mga magsasaka at masang katutubo. Nagdurusa ang masang magsasaka sa laganap na pang-aabuso at paglabag sa karapatang-tao na kakambal ng militarisasyon at paghamlet sa kanilang mga barangay. Sa ngalan ng kontra-insurhensya, binabawalan ng AFP ang lahat ng porma ng demokratiko at patriyotikong organisasyon para pilitin ang mga magsasaka at katutubong minorya na “isuko” ang kanilang mga karapatan at yumukod sa papalalang mga porma ng pang-aapi at pagsasamantala kabilang na ang pangangamkam sa kanilang lupa ng malalaking koporasyong mina at plantasyon, at mga prokeytong pang-enerhiya at eko-turismo.
Nakatakdang higitan ni Duterte at kanyang mga kasapakat ang diktadura ng mag-asawang Ferdinand at Imelda Marcos sa usapin ng korapsyon at pandarambong, laluna sa pakikipagtulungan sa malalaking kapitalistang Chinese at mga sindikatong kriminal ng droga at ismagling. Sa paraang pagsagasa at panlilinlang, kinakamkam ng tirano ang matatabang komisyon sa pamamagitan ng paglihis sa daan-daang bilyong pisong pondo tungo sa maanomalyang mga kontrata ng gubyerno na kinabibilangan ng mga prokeytong imprastrukturang pinondohan ng Chinese. Sa pamamagitan ng kanyang mga tauhan, patuloy na nagkakamal ng limpak na kayamanan si Duterte. Nagpapakasasa rin ang mga heneral at upisyal ng pulis ni Duterte sa pandarambong sa bilyun-bilyong pisong nakalaan para sa kontra-insurhensya at pondong pang-“modernisasyon” ng AFP. Ang paglilihis ng bilyong pisong pampublikong pondo para paburan ang mga kumpanya sa panahon ng pandemya ay kabilang sa pinakamasahol at hindi mapatatawad na kaso ng pandarambong.
Nalampasan na ni Duterte ang rehimeng Marcos sa tantos ng pagkakamal ng utang ng gubyerno. Lumobo tungong ₱65 bilyon kada taon ($1:₱50) ang utang ng Pilipinas sa 20 taong pamumuno ni Marcos. Mula naman ₱6.09 trilyon sa pagsisimula ng termino ni Duterte, sumirit ang utang ng gubyerno tungong ₱11 trilyon at inaasahang aabot ng ₱13.42 trilyon sa 2022, paglaki nang ₱1.22 trilon kada taon, o halos 20 beses na mas mabilis kaysa rehimeng Marcos.
Palaki nang palaki ang pampublikong pondo ineembudo niya sa pagbabayad-utang, kontra-insurhensya at mga proyektong imprastruktura. Tulad ni Marcos, nanatiling malayo sa prayoridad ng estado ang mga serbisyo sa edukasyon at pangkalusugan. Pinabilis ni Duterte ang liberalisasyon sa pag-iimport ng mga produktong pang-agrikultura, partikular na ang bigas at karne, na nagresulta sa pagkabangkarote ng mga magsasaka ng palay at naghahayupan, at pagtaas ng presyo ng pagkain at iba pang arawang pangangailangan. Patuloy ang walang puknat na pagtaas ng presyo ng langis. Habang nagdurusa ang mamamayan sa mga buwis pangkonsyumer, binibigyan ng insentiba sa anyo ng mas mababa o pagkaltas sa buwis ng malalaking korporasyon na nagreresulta sa mas malaking agwat sa pagitan ng pinakamayayaman at ng mahihirap na bumubuo sa mayorya ng mamamayang Pilipino.
Sa likod ng tabing ng “gera kontra droga,” nagawa ni Duterte na itatatag ang sarili bilang pinakamalaking drug lord sa pamamagitan ng pagpapaluhod sa bawat sindikato sa droga para magsumamo sa kanyang proteksyon. Ipinahinto niya ang lokal na produksyon ng “shabu” para pwersahin ang mga lokal na drug lord na kumuha ng iligal na suplay mula sa China na nabunyag na dumadaan sa mga may bantay-militar na pultahan ng Bureau of Customs. Kapalit ng bilyun-bilyong piso bilang proteksyon, pinahintulutan ang malalaking sindikato sa droga na Chinese na ituloy ang kanilang operasyon sa loob ng pambansang kulungan sa ilalim ng pangangalaga ng pinakapinagtitiwalaang mga tenyente ni Duterte.
Kapalit ng ipinangakong perang Chinese, bakuna at proteksyon, isinuko ni Duterte ang malawak na bahagi ng West Philippine Sea (WPS) sa militar ng China at malalaking industriyang pangisda nito. Sa ilalim ni Duterte, pinalakas ng China ang mga kutang militar nito sa WPS sa pagtatayo ng hindi bababa sa pitong pasilidad militar sa mga artipisyal na isla. Dumadagsa ang malalaking barkong pandagat na sumisimot sa isda sa erya na nagreresulta sa pagkasaid ng rekursong dagat sa kapinsalaan ng mga mangingisdang Pilipino.
Kasabay nito, patuloy na pinagkakalooban ni Duterte ng ekstra-teritoryal na karapatan ang militar ng US sa pamamagitan ng Visiting Forces Agreement (VFA), Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) at iba pang hindi pantay na kasunduang militar. Kapalit ng pagbebenta ng bagong mga helikopter pandigma, rocket at bomba, gayundin ang bakunang iniipon at itinatago ng US, yumuko si Duterte sa hiling ng US na payagang palawakin ang mga pasilidad militar sa loob ng mga kampo ng AFP para sa pag-iimbak at pagpwesto ng kanyang mga drone, kagamitan pangkomunikasyon at iba pang kagamitang militar.
Napantayan na ni Duterte si Marcos sa pagiging pandaidigang pagkabantog sa kasamaan. Dahil sa desisyon ng pre-trial chamber ng International Criminal Court (ICC) na ituloy ang imbestigasyon sa mga krimen sa sangkatauhan para sa libu-libong pinatay sa ilalim ng pekeng “gera kontra droga” ni Duterte, lalo siyang nakikilala sa buong mundo bilang kamuhi-muhing lider. Inaabangan ng malawak na masang Pilipino ang araw na pormal na kakasuhan si Duterte sa ICC, lilitisin at hahatulan para sa kanyang mga krimen.
Sa mata ng mamamayang Pilipino at mamamayan sa buong daigdig, bantog si Duterte sa kanyang pasismo, anti-babae, sa lalong paglubha ng problema sa droga, pagkamuhi sa karapatang-tao at pag-alipusta sa mga mahihirap.
Dahil sa teroristang paghahari ni Duterte, korapsyon at pang-aapi sa malawak na masa ng manggagawa at magsasaka, nalalantad ang bulok na kaibuturan ng naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal. Nilukob ng kanyang tiraniya ang bansa sa kadiliman. Gayumpaman, ibayong tumitingkad ang sulo ng demokratikong pakikibaka ng mamamayan na siyang nagbibigay-liwanag sa landas ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka tungo sa pambansa at panlipunang pagpapalaya.
Ibagsak ang rehimeng US-Duterte!
Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!
Mabuhay ang mamamayang Pilipino!