Nalantad ang kasinungalingan ng 201st Brigade sa pagkamatay ng 1 tinyente at 2 pang sundalo ng 85th IBPA
Malaking kasinungalingan ang ikinakalat ng 201st Brigade na may naganap pang mga labanan sa pagitan ng Apolonio Mendoza Command (AMC) – NPA Quezon at 85th IBPA matapos magkaengkwentro noong Pebrero 5, alas kwatro ng madaling araw, sa Sitio Pung-uy, Brgy. Masaya, Buenavista.
Inimbento ang naganap na dalawa pang sagupaan noong Pebrero 5 alinsunod sa nakasaad sa Facebook page ng 201st Brigade at lumabas na balita sa pahayagang Inquirer. Ito ay desperadong hakbang ng 201st Brigade upang itago ang katotohanan sa likod ng pagkamatay ni 1st Lt. Romeo Sabio, Jr. at dalawa pang sundalo ng 85th IBPA.
Matapos ang labanan sa pagitan ng AMC at 85th IBPA noong madaling araw ng Pebrero 5, naglunsad ang 201st Brigade nang walang humpay na pambobomba at istraping ng ipinagmamalaking S70i Black Hawk helikopter sa hangganan ng Buenavista, Catanauan, Mulanay at San Narciso. Nagsagawa rin sila ng malawakang operasyong pagtugis sa nakasagupang yunit ng AMC. Sa kabila nito, iniulat ng AMC na ligtas na nakaatras sa lugar at nakaiwas sa mga nag-ooperasyong kaaway ang yunit ng hukbo. Kaya paano magkakaroon ng labanan sa pagitan ng NPA Quezon at 85th IBPA?
Tapat sa imahen ni Lt. General Antonio Parlade, Jr. bilang tagamanupaktura ng fake news at disimpormasyon, nais pagtakpan ng 201st Brigade ang kanilang matinding kahihiyan sa mga namatay nilang kawal resulta ng misenkawnter sa kanilang hanay. Sa desperasyong pagtakpan ang sariling kahihiyan at pananagutan, naghugas ng kamay ang 201st Bde sa inimbentong kwento ng enkwentro sa NPA kung saan diumanong namatay si 1Lt. Sabio at dalawa pang pasista.
Nakakatawa at kahiya-hiya nga namang aminin na ang nasawing tatlong mersenaryong pasista ay bunga ng pagpapatayan ng sarili nilang mga tropa sa 85th IB habang nakikipaglaban sa multo ng mga NPA na tinutugis nila. Sa ganito nga namang paraan mabibigyan ng “karangalan” ang di marangal na pagkamatay ng mga pasistang tropa na naglulunsad ng anti-mamamayang misyon.
Nais baligtarin ng tagapagsalita ng 201st Bde na ang AMC-NPA Quezon ang nagpapakalat ng fake news at patuloy nitong pinaninindigan ang binaluktot na bersyon ng balita.
Malaon nang may rekord ang AFP-PNP ng paglilihim sa kanilang mga kaswalti laluna kung dehado. Kung totoong napatay ng NPA si 1LT. Sabio at dalawa pang pasista sa sinasabing labanan (na hindi naman nangyari), ano ang magiging lohika bakit hindi ito aaminin ng AMC gayung malinaw itong kredito ng yunit ng NPA na nakasagupa ng 85th IB? Hindi ugali ng NPA na maging bulaan sa pamamahayag sa publiko para lamang maging magaling sa mata ng marami.
Nagsagawa pa ang pasistang heneral ng 201st Brigade na si Brig. General Norwyn Romeo Tolentino ng kunwa-kunwang parangal sa mga namatay na pasistang tropa para itaas ang morale ng demoralisadong mga tropa na nakababatid na ang kanilang kasamahan ay hindi namatay sa engkwentro sa NPA kundi napatay ng kapwa nila pasista. Hindi lamang ang dahilan ng kanilang kaswalti ang pinagtatakpan ni Tolentino kundi ang mga upisyal na may pananagutan sa misenkawnter sa pagitan ng mga tropa ng 85th IB.
Nararapat lamang na maglunsad ng imbestigasyon hinggil sa kaganapang ito. Hinihikayat ng Melito Glor Command – NPA Southern Tagalog (MGC-NPA ST) ang mga organisasyong sibiko, grupong nagtatanggol sa karapatang tao at iba pang sibilyang organisasyon na magsaliksik at mag-imbestiga para matulungan ang mga kaanak ng mga kaswalti na mabigyan ng katarungan at kapanatagan. Kailangang panagutin ang 201st Brigade sa responsibilidad nito sa buhay ng mga pwersa nitong isinasabak sa teroristang digma ng rehimen.
Sa kabilang banda, hinihikayat ng MGC-NPA ST ang mga mamamahayag at iba’t ibang institusyon ng midya na maging mapanuri sa mga inilalabas na balita ng AFP. May mahabang rekord ang rehimeng US-Duterte at AFP sa pagsisinungaling at pagpapalaganap ng mga pekeng balita’t disimpormasyon sa taumbayan kaya may mahigpit na tungkulin ang hanay ng midya na mag-imbestiga at ilantad ang katotohanan. Mahalaga ang malayang pamamahayag at independyenteng masmidya sa paglalantad sa mga kasinungalingan ng rehimeng Duterte.###