Nasa Masa ang Tunay na Lakas ng Partidong Hindi Pagagapi!
Isang mapulang pagpupugay ang ipinapaabot ng pamunua’t kasapian ng Kabataang Makabayan-Demokratiko a Tignayan dagiti Agtutubo iti Kordilyera sa selebrasyon ng ika-52 na anibersaryo ng pagkakatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas. Ngayong araw din, pinagpupugayan din natin ang ika-127 na anibersaryo ng kapanganakan ng dakilang guro na si Mao Zedong. Ang dalawang kaganapang ito ay nakaukit na sa kasaysayan bilang mga panandang bato ng pakikibaka ng uring proletaryado sa Pilipinas, sa mga bansang malakolonyal at malapyudal, at sa buong mundo.
Mahaba na ang nilakbay ng Partido Komunista ng Pilipinas mula noong maitatag ito noong ika-26 ng Disyembre, 1968. Inianak ng Unang Dakilang Kilusang Pagwawasto ang pagkakatatag ng bagong Partido na nagdala ng ideolohiyang Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong. Nagmula sa mga nagwastong kadre’t kasapi ng lumang Partido ang mga naunang nagtaguyod nito. Naging malaki rin ang ambag ng mga kasapi ng Kabataang Makabayan sa propaganda at pagpapalawak ng kasapian ng Partido sa buong bansa. Dumaan sa proseso ng pagpaparami at konsolidasyon ang mga naitayong sangay ng Partido hanggang sa maitayo ang Bagong Hukbong Bayan noong Marso 29, 1969. Ang pagkakatatag ng Partido at ng BHB ay ang muling pagningas ng diwang rebolusyonaryo ng sambayanang Pilipino.
Kahit gaano man kadakila, hindi perpekto ang Partido. Nakagawa ng mga malalaking kamalian ang pamunua’t kasapian ng Partido, na siya nitong inamin at winasto sa Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto. Buhay at kamatayan ang dinaanan ng nagwastong Partido para patunayan ang sinseridad ng kaniyang pagwawasto at itama ang kaniyang pagkakamali. Dala-dala ang mga aral sa pagwawasto, pagbabalik-aral sa mga batayang dokumento at serye ng mga pagpupuna’t pagpupuna sa sarili, nagpatuloy at muling bumangon ang Partido kung saan pinatunayan nito ang kaniyang kakayahan na pamunuan ang mamamayan sa burges demokratikong rebolusyon hanggang sa sosyalistang rebolusyo’t konstruksyon tungong komunismo.
Sa kasalukuyang krisis na kinahaharap ng mamamayan sa panahon ng rehimeng Duterte, nananatili ang PKP bilang maaasahang partido ng uring proletaryado. Ang Partido ang nangungunang kritiko ng rehimeng Duterte—ang mga pagpupuna nito sa rehimeng Duterte ay yinayakap at pinatutunayang wasto ng sambayanan. Kahit sa kasalukuya’y mas malakas pa ang mga kaaway sa larangang teknikal at militar, ang Partido’y mas malakas sa larangan ng politika. Nasa masang sumusuporta at niyayakap ang linya’t landasin ng rebolusyong Pilipino ang tunay na lakas ng Partido.
Ngayong 2020, mas tumaas ang ahitasyon ng mamamayan nang umalingasaw ang baho ng rehimeng Duterte. Mula noong panahon ng pagputok ng bulkang Taal, paglaganap ng pandemyang COVID-19, at sa mga nagdaang bagyong Quinta hanggang Ulysses, ipinakita lamang ng rehimeng Duterte na hindi sila maaasahan. Bagaman tumugon ang mga yunit ng Partido (kasama ang mga yunit nito sa Kordilyera), ang kolektibong lakas ng mamamayan ang tumining sa mga natural at hindi natural na sakuna na ito. Maliban pa sa mga sakuna, nagpataw pa ng anti-mamamayang polisiya ang rehimeng Duterte katulad ng deregulasyon sa pagpapatuloy ng mga klase ng eskwelahan, pribatisasyon ng mga pampublikong sektor tulad ng pamilihan at transportasyon, Anti-Terror Law, at marami pang iba. Ang PNP at AFP ay mas lalo pang ipinangalandakan ang kanilang mga halang na bituka sa kabi-kabila nilang hindi makataong pagpatay Kaya hindi talaga nakapagtataka kung bakit nagngangalit ang mamamayan.
Sa katunayan, ang kainutilan, korapsyon, pagkaganid sa kapangyariha’t pamamasismo ng rehimeng Duterte ang nangungunang dahilan kung bakit tumataas ang tantos ng bilang ng mga kasapi ng Partido sa kasalukuyan. Ang paparaming kasapian, alyado at nakukuhang suporta ng Partido sa panahon ng rehimeng Duterte ay signos na hindi ito magagapi—hindi lang sa 2022, kundi sa mahaba pang panahon.
Ngunit kahit gaano karami ang nagpapahayag ng kanilang galit sa social media, malaki pa ang kinakailangan para abutin ang rekisito ng pagpapatalsik sa pasistang rehimeng Duterte. Walang ibang paraan para mapagtagumpayan ito kundi ang pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos ng sambayanan at maramihang magpasampa sa Bagong Hukbong Bayan lalong lalo na sa rehiyong Ilocos-Cordillera. Nagsisikap ang Kabataang Makabayan-DATAKO, at sigurado kaming pati na riin ang buong rebolusyonaryong kilusan lalo na sa Kordilyera, para mas lalong magpalakas at umambag sa pangkalahatan ng rebolusyong isinusulong ng partido.
Sa daluyong ng mga krisis na dala ng imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo (na siyang pinalala ng pasismong hatid ng rehimeng Duterte), tumitindi ang pag-alab ng pakikibaka ng mamamayang Pilipino sa pangunguna ng Partido Komunista ng Pilipinas. Hindi pagagapi ang rebolusyonaryong kilusan hanggang sa magapi ang pasistang rehimeng Duterte, at para maitaas pa sa isang anta sang rebolusyong Pilipino hanggang sa Tagumpay.
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!