NDF-Bicol: Hadlangan at labanan ang Anti-Terror Bill, biguin ang batas militar ng rehimeng US-Duterte!
Katuparan ng matagal nang ilinalatag na makinarya ng ng rehimeng US-Duterte diktadura ang pagpapasa at nakaambang pagsasakatuparan ng Anti-Terror Act (ATA). Bibigyan nito ng proteksyon at karagdagang kapangyarihan ang berdugong militar at pabubweluhin ang walang-patid na panunupil at panunugis sa oposisyon at mga makabayan at progresibong organisasyon. Babasbasan nito ang walang pananagutang paglabag ng mga ahente ng estado sa karapatang tao. Ganap nitong itataguyod at patatatagin ang batas militar ng rehimeng US-Duterte at pasismo ng estado.
Wala pa man ang ATA, matinding panunupil at pandarahas na ang dinaranas ng masang anakpawis sa rehiyong Bikol. Mula noong umupo sa pwesto si Duterte, 125 na ang naitalang kaso ng ekstrahudisyal na pamamaslang. Libu-libo ang biktima ng pambabanta, pananakot at panhaharas ng militar at pulis kapwa sa kalunsuran at kanayunan. Sa gitna ng kagutuman at ligalig sa panahon ng COVID-19, pinili ng PAF TOG-5 ng Joint Task Force Bicolandia (JTFB) na magwaldas ng pondo ng bayan sa pagpapalipad ng helicopter upang makapaghulog ng mga polyeto na nagpapakalat ng takot at disimpormasyon. Sa kalunsuran, patuloy na kinakasuhan at tinutugis ang mga makabayan at progresibong lider-masa.
Mahigpit na nananawagan ang NDF-Bikol sa masang Bikolanong ibayong palakasin ang paglaban sa ATA at diktadura ng rehimeng US-Duterte. Dapat na walang lubay na itambol ng nagkakaisang hanay ng mamamayan ang kanilang pagkundena sa pagpapairal ng batas militar sa bansa. Ilantad ang nagpapatuloy na militarisadong mga hakbangin para sa kagaling panlipunan bilang instrumento ng panunupil sa soberanong karapatan ng mamamayan.
Hamon para sa rebolusyonaryong kilusang malikhaing pangibabawan ang mga artipisyal limitasyon at restriksyong dulot ng lockdown upang maipagpatuloy ang mga pagkilos at maitambol ang paglaban ng mamamayan sa terorismo ng estado. Epektibong gamitin ang mga hayag at lihim na porma ng pag-oorganisa upang mabuo ang pinakamalawak na kilusang anti-pasista. Palakasin ang rebolusyonaryong kilusang lihim bilang paghahanda ng sa hambalos ng batas militar. Itaas ang rebolusyonaryong diwa ng mamamayan mula sa pagngangalit sa sunud-sunod na pagbayo ng krisis tungo sa lalo pang pagpapalakas ng digmang bayan at tuluyang pagwawaksi sa pyudalismo, burukrata kapitalismo at imperyalismo.
Pakilusin at tiyakin ang pagpapagana ng mga makinarya sa propaganda para sa ibayong pagtatambol ng batas militar ng rehimeng US-Duterte. Maksimisahin ang lahat ng daluyan, tradisyunal man o makabago. Ugnayan ang mga kagawad ng midya sa pamamagitan ng text brigades at trooping the radio stations (TRS) upang mahusay na mailantad ang mga abusong militar, laluna sa kanayunan. Bahain ang social media ng mga pahayag, infographics, bidyu at iba pang porma ng propaganda upang mailantad ang pananalakay ng militar sa kanayunan, panunugis at panhaharas ng mga lider masa at progresibong organisasyon sa kalunsuran at iba pang paglabag sa karapatang tao hanggang sa antas-pambansa at internasyunal.
Maging sa ibang bansang nakararanas ng pasismo sa panahon ng pandemya, umaani na rin ng malawak na pagkundena ang batas militar ng rehimeng US-Duterte. Malaki itong oportunidad upang higit na mailantad ang pasismo sa panahon ng pandemya at mapalawak ang alyansang magiging daluyan ng anti-pasistang kampanya. Dapat ubos-kayang labanan ng mamamayan ang pagyurak at pagsalaula ng rehimeng US-Duterte sa mga sibil-demokratikong karapatan. Lahatang-panig na magpalawak at palakasin ang digmang bayan bilang natatanging sandata ng mamamayan upang lumaya mula sa pasismo at diktadura.
Labanan at hadlangan ang pagpapatupad ng Anti-Terror Act!
Biguin ang mala-SEMPO na atake sa Kabikulan!
Ibagsak ang pasista at teroristang rehimeng US-Duterte!