NDF-Bikol kay PD Guadamor: Napakapambihira para paniwalaan
Read in: English
Hindi nakapagtatakang makakita ng multo ng paglaban ang mga mamamatay-taong pulis at militar sa bawat sulok ng lipunan. Alam nilang bigo at mananatili silang bigo sa pagpigil sa makatwirang digma ng mamamayan. Hanggat nananatili ang pang-aapi at pagsasamantala, mayroong lalaban para sa tunay na pagbabago.
Ngunit labis namang pambihira ang pahayag ni PNP-Camarines Norte Provincial Director Julius Guadamor na ang mga NPA umano, matapos maglunsad ng taktikal na opensiba ay magtatago lamang mga gamit pandigma at magsusuot ng damit pansaka upang magpanggap na mga simpleng magsasaka sa araw. Saang libro ng mga obrang kathang-isip kaya niya ito nadampot?
Gayunpaman, hindi ito simpleng paninira sa NPA. Sa esensya, binabantaan ni PD Guadamor ang mamamayan: dahil sinuman ay maaaring NPA, sinuman ay maaaring patayin. Lubha itong mapanganib sa sibilyang populasyon.
Binibigyang-matwid ng ganitong lohika ang walang patumanggang pagpaslang sa mga sibilyan. Kinukundisyon nitong ipatanggap sa mamamayan ang gawi ng pulis at militar na pumatay nang pumatay nang walang pagsasaalang-alang kung kombatant o hindi ang biktima. Sinuman ay maaaring maging target ng asasinasyon at masaker.
Napakadali na lamang na sabihing sila ay mga nagdamit-sibilyang NPA.
Ito ang modus operandi ng PNP sa kanilang brutal na Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operations (SACLEO). Pinalalabas nilang mga NPA ang mga sibilyang tulad nina Kap. Geoffrey Castillo, Melvin Veri Otto, Enrique Cabilles, Arnel Candelaria, Nomer Peda, Senen Inocalla at Kgd. Melandro Verzo sa kabila ng malinaw na mga patunay na sila ay mga sibilyan.
Ngunit, ilang ulit man sila gumawa ng mga pambihirang kwento, hindi mapagtatakpan nina PD Guadamor at ng buong AFP-PNP ang katotohanang walang habas silang pumapatay ng mamamayang walang ibang hangad kundi mamuhay nang tahimik at matiwasay. Ang kanilang mga kasinungalingan ang lalong nagpapalalim sa kanilang mga hukay. Hindi kailanman magtatagumpay ang berdugong AFP-PNP-CAFGU na ilapit ang mga sarili sa loob ng mga Bikolano. Sa harap ng walang tigil na mga operasyong militar at pulis, madudugo at brutal na operasyon laging dumudulo sa ‘nanlaban kaya nabaril’, mulat ang masang wala silang ibang masasandigan kundi ang kanilang mga sarili at ang kanilang tunay na hukbo, ang NPA.