NDF-Bikol: Pandarahas at panunupil ng militar at pulis sa Kabikulan, higit na masahol sa Covid-19
Mahigpit na nakikiisa ang NDF-Bikol sa pagngangalit ng masang Bikolano sa masaker sa Dolos, Bulan, Sorsogon kahapon ng umaga. Limang sibilyan ang walang kakurap-kurap na pinaslang at pinalabas na NPA ng magkakumbinang pwersa ng militar at pulis sa isa na naman sa kanilang mga mapangwasak na operasyon sa naturang prubinsya. Ilang daang ulit na masahol ang masaker na ito kaysa pa sa pandemyang COVID-19. Sa loob lamang ng ilang minuto, limang buhay ang pinugto sa ngalan ng kontra-mamamayang gera ng estado kumpara sa dalawang buwang pananalasa ng COVID-19 kung saan nakapagtala lamang ng apat na kaso ng mga nasawi ang rehiyon.
Dapat lamang mag-alsa ang masa laban sa kapalit na buhay ng mga sibilyan at pagyurak sa karapatang tao para lamang may maitilaok na tagumpay ang mga operasyong kombat ng AFP at PNP. Mula sa pambubomba sa Camarines Sur, hindi mabilang na kaso ng iligal na pag-aresto, pagdukot at pagpatay at hanggang sa pagmasaker ngayon sa limang magsasakang Sorsoganon, palagian nang pinalalabas ng mga berdugong militar na NPA ang kanilang kasagupa upang ikubli ang kanilang nag-uulol na karahasan laban sa sibilyang populasyon.
Nananawagan ang NDF-Bikol sa lahat ng Bikolanong kumilos at labanan ang karahasan ng militar at pulis. Hindi katanggap-tanggap ang masaker sa Dolos at iba pang paglabag ng militar sa karapatang tao. Hindi ito atake lamang sa iilang magsasaka, ito ay atake sa lahat ng naghihikahos at nagugutom na masang Bikolano. Isang magsasaka ng abaka sa Catanduanes, mangingisda sa Masbate, sibilyan sa Naga, upisyal ng LGU sa Albay – kahit na sino ay maaaring maging sunod na biktima ng mga berdugong militar at pulis. Umaabot na sa sukdulan ang panggegera ng estadong walang ni katiting na kunsiderasyon sa buhay at kabuhayan ng masa kahit sa gitna ng isang pandemya.
Hindi ipapaubaya ng masang Bikolano ang kanyang kinabukasan sa duguang kamay ng iilang baliw na tirano. Tungkulin ng bawat isa na ipagtanggol ang karapatan nila at ng kanilang kapwa mamamayan—may pandemya man o wala. Krimen ang kalimutan o ipagkibit balikat na lamang ang lahat ng pang-aatake ng estado sa masang inaapi’t pinagsasamantalahan. Naninindigan ang NDF-Bikol na, kasama ng malawak na mamamayang lumalaban, hindi titigil ang rebolusyonaryong kilusan hanggat hindi nakakamit ang katarungan para sa lahat ng biktima ng karahasan at pagsasamantala ng estado. Makakaasa ang sambayanan na mananatiling matatag ang CPP-NPA-NDF sa Kabikulan sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan hanggang makamit ng mamamayang Pilipino ang isang lipunang tunay na magsisilbi sa interes ng nakararami.
AFP-PNP-CAFGU, berdugo!
Ibagsak ang rehimeng US-Duterte!
Talingkas sa pagkaoripon!