NDF-Ilocos: Ang lugar ng kababaihan ay sa Digmang Bayan!
Kababaihan, magbalikwas laban sa pampulitikang panunupil!
Maski hanggang sa kasalukuyang modernong lipunan, nagpapatuloy ang magkakambal na pang-aapi sa kababaihan: ang pang-aapi sa kanya dahil sa kanyang uring pinagmulan at ang pang-aaping nakabatay sa kanyang pagkababae. Sa rehiyon ng Ilocos, sa parehas na kaso, pinakamatingkad itong namamalas sa pasista at maruming atake ng Philippine Army at Philippine National Police sa kababaihan – karaniwang mamamayan man, aktibista man o Pulang mandirigma.
Atake Laban sa Kababaihan
Malawak at malaganap ang pampulitikang pag-uusig ng kaaway sa rehiyon ng Ilocos at higit itong sumasalanta sa hanay ng kababaihan. Isang halimbawa nito ay ang ipinagmamalaki ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr., sampu ng mga tagapagtaguyod ng whole-of-nation approach, na hungkag na tagumpay ng pagpapa-‘baliktad’ sa isang namumuno diumano sa tinagurian nilang ‘communist front.’
Ayon kay Esperon, nakamit ito sa pamamagitan ng tulungan ng militar, pulisya at mga lokal na yunit ng gobyerno. Bagamat totoong tulungan ito ng kanilang hanay, tulungan ito para manakot at mang-harass ng isang lider-masa mula sa isang di-armadong ligal-demokratikong organisasyon. Hindi binabanggit ng mga kasangkot sa whole-of-nation approach na walang humpay na minanmanan ng 81st Infantry Battalion sa sarili niyang tahanan ang nasabing babaeng lider-masa na nakikipaglaban lamang para sa karapatang pantao ng mamamayan. Dumanas siya ng matinding intimidasyon at panunupil habang hanggang ngayon ay ginagamit siya para makapaghabi ng pekeng tagumpay ang bulok na rehimen ni Rodrigo Duterte. Tiyak na lalong hihigpit ang pampulitikang pag-uusig sa iba pang kababaihang lider-masa at aktibista, sampu ng iba pang progresibo at rebolusyonaryong pwersa ng rehiyon.
Nakikibakang Kababaihan
Batid ng pambansa demokratikong kilusan na desperasyon ang nasa likod ng pampulitikang panunupil ng rehimeng US-Duterte. Higit nang nahihiwalay sa mamamayang Pilipino si Duterte at mabilis na lumalaganap ang pagbabalikwas laban sa kanyang diktadura. Hinahagupit ng iba’t ibang pang-ekonomya at pampulitikang pahirap ang masang Ilokano: pagbagsak ng farmgate na presyo ng palay, barat na presyo ng tabako at iba pang pyudal at malapyudal na pagsasamantala sa mga nagtatanim nito, pagkakait at pagkurakot sa pondo mula sa excise tax ng tabako, pagsirit ng gastos sa produksyon dahil sa pagmahal ng mga bilihin at gastusin, at iba pang pahirap. Sa pagkakapasa ng Anti-Terror Bill sa Senado, lalo pang titindi ang crackdown laban sa mga nananawagan at kumikilos para sa pang-ekonomyang pag-alwan o anumang panlipunang pagbabago. Sa lahat ng ito, matatagpuan ang hanay ng kababaihan na nagdurusa ngunit nagbabangon kasama ng iba pang uring api.
Mahalaga ang papel ng mulat-sa-uri at organisadong kababaihan para pabagsakin ang mga tulad ni Duterte. Ang dalawang anyo ng pang-aapi sa kanila ay kambal ding batayan para magbalikwas sa kabila ng pampulitkang panunupil. Sa katunayan, ang pagtindi nito ay nagsisilbi para lalong pag-alabin ang mapanlabang diwa ng kababaihan. Ang duwag na pagpaslang ng mga sundalo kina Enniabel ‘Ka Onor’ Balunos at Maria Finela ‘Ka Ricky’ Mejia, kasama si Julius ‘Ka Goyo’ Marquez, ay nagsisilbing paalala sa rebolusyonaryong hanay na makatwiran ang tumangan ng armas laban sa pahirap at mapanupil na gobyerno. Katuwang ang malawak na masang Pilipino, ang lugar ng kababaihan ay sa rebolusyonaryong pakikibaka. ###