NDF-Ilocos: Esperon, nagpunta sa La Union para maghabi ng kasinungalingan!
Digmang Bayan, hindi magagapi ng EO70 at Whole of Nation Approach
Bumubula ng kasinungalingan ang bibig ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. sa idinaos na Kapihan sa Ilocos noong Marso 4 sa probinsya ng La Union. Dinaluhan ito ni Esperon bilang pangalawang chairperson ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict at bilang Cabinet Officer for Regional Development ng Ilocos. Katuwang ang mga kinatawan mula sa Regional Development Council at Regional Peace and Order Council, tinalakay nila ang pagpapatupad ng Executive Order 70 sa rehiyon.
Ipinagmalaki nila ang pagpaslang ng mga tropang militar sa mga Pulang mandirigma na sina Enniabel Balunos, Julius Marquez at Maria Finela Mejia noong Pebrero 13. Katulad ng inaasahan, naghabi sila ng kwento ng engkwentro kung saan diumano namatay ang tatlo sa halip na amining execution ang paraan ng pagpatay nila sa mga kasama. Binanggit din ni Esperon na dahil sa pagkawala ng tatlo, ‘Papunta na sa (kanila)’ ang iba pang mga Pulang mandirigma at wala nang batayan para maglunsad ng armadong pakikibaka.
Mga Batayan ng Rebolusyon
Ito marahil ang pinakamalaking kasinungalingan ni Esperon. Ayon sa kanya, ngayon lamang sa ilalim ni Rodrigo Duterte, nagtamasa ng kaunlaran ang mamamayan tulad ng pamamahagi ng lupa, libreng irigasyon, pinalaking 4Ps at kalsada para sa kanayunan. Kung gayon, hindi na kailangan ang armadong pakikibaka. Gayundin, may mga pabuya diumano para sa mga kasama na ‘magbabalik-loob’ sa pamahalaan tulad sa E-CLIP o enhanced comprehensive local integration program, isang programa ng gobyerno na nangunguna sa peke o sapilitang pagpapasuko habang kinukurakot ng mga opisyal ng militar ang malaking pondo nito.
Tiyak na batid ni Esperon ang kahungkagan ng sinasabi niyang kaunlaran. Pulos propaganda ang kanyang binanggit, kung hindi man puro mga reporma at hindi talaga malawakan at malalim na panlipunang pagbabago. Kilala ang rehimeng US-Duterte sa pagkakalat ng fake news sa pamamagitan ng mga trolls at ng sariling mga ahensya (tulad ng Duterte Legacy noong Enero). Sa pamamagitan ng mga ito, nagbubuhat ito ng sariling bangko at nagpapakalat ng pekeng tagumpay. Ipinagmalaki niyang may Php20 milyong halaga ng kalsada, health system, water system at kabuhayan para gapiin ang insurhensya. Ngunit sa karanasan, mas sa kurakot napupunta ang mga pondong ito.
Maski ang ‘paghina’ diumano ng rebolusyonaryong kilusan, kabilang na ang pekeng pagpapasuko at pagkakalat ng black propaganda laban sa mga rebolusyonaryo at progresibong organisasyon, fake news lamang. Sa mismong press conference, kapal-mukha itong nagkwento na ginagamot ng mga sundalo ng gobyerno ang mga sugatang mandirigma ng New People’s Army. Ang totoo, pinapahirapan, ipinapahiya at nilalapastangan ng mga sundalo ng Philippine Army (PA) ang mga sugatang kasamang wala nang kakayahang lumaban hanggang sila’y mamatay. Ito ang ginawa nila kina Ka Lea, Ka Goyo at Ka Ricky.
Nananginip ng Gising
Ang mismong katawagang whole-of-nation approach para durugin ang mapagpalayang kilusan ay isang kasinungalingan. Hindi taumbayan ang kumikilos para gapiin ang rebolusyon ngunit taumbayan ang ginigipit at tinatakot ng PA, katuwang ang iba’t ibang ahensya ng lokal na yunit ng gobyerno, para humiwalay sa agos ng pakikibaka. Sa Kapihan, hindi sinabing ang pagsisikap ng PA para ‘pasukuin’ ang mga lider-masa ng ligal na pagkilos ay puno ng harassment, pananakot, panunupil sa kalayaang kumilos at pagkakait ng kapayapaan, at iba’t ibang maruruming anyo ng pampulitikang pag-uusig. Gayundin, sa bulag na hangarin ni Esperon na supilin ang anumang pagtuligsa sa pamahalaan, hinding-hindi niya mapag-iba ang armadong pakikibaka sa ligal na pakikibaka. Tulad sa kapapasa sa Senado na Anti-Terror Bill, pawalis at malisyosong itinuturing ng rehimeng Duterte na ‘terorista’ ang sinumang maging kritikal sa kanyang pamamalakad, kahit sa pinakasimpleng anyo nito.
Ngunit obhetibong katotohanan na may tunggalian ng uri sa lipunang Pilipino. Kailangang mag-alsa ng mga magsasaka para sa lupa at suporta sa agrikultura; magbabangon ang mga manggagawa para sa disenteng sahod at maayos na kalagayan sa pagwaan; magbabalikwas ang kababaihan, bata at LGBTQ+ para sa pagkilala sa kanilang mga karapatan; at lalabas sa kalsada ang kabataang estudyante para maging maayos ang kinabukasan. Ngunit dahil hindi sapat ang ligal na pakikibaka, kinikilala ng maraming pambansa demokratikong aktibista na kailangan ang armadong paglaban. Nananaginip ng gising si Esperon noong mismong presscon noong sinabi niyang wala nang batayan para ilunsad ang Demokratikong Rebolusyong Bayan.
Hindi dahil tinuran ni Duterte, ni Esperon o ng sino mang galamay niya ay siya nang totoo. Taumbayan ang higit na nakababatid ng katotohanan at ang masa lamang ang lilikha ng kasaysayan. Armadong rebolusyon ang tanging landas ng mamamayang Pilipino. ###