NDF-Ilocos: Execution, hindi engkwentro, ang kumitil sa buhay ng Ilocos 3!
Singilin ang 81st IB! Kamtin ang kapayapaang nakabatay sa katarungan!
Hindi kailanman aaminin ng 81st Infantry Battalion (IB) na mala-berdugo nitong sinentensyahan ng kamatayan sina Enniabel Balunos, Julius Marquez at Maria Filena Mejia noong ika-13 ng Pebrero sa Sta. Lucia, Ilocos Sur. Dahil maliban sa paglabag ito sa mga batas ng armadong tunggalian, tunay na kahiya-hiyang hindi nito sa labanan nagapi ang mga Pulang mandirigmang nakilala ng masa at mga kasama bilang Ka Lea/Onor, Ka Goyo at Ka Ricky. Sa halip, nadatnan nito silang walang kalaban-laban tsaka pinahirapan bago tadtarin ng bala hanggang tuluyang mamatay.
Anumang pilit ng 81st IB na patampukin ang gawa-gawa nilang kwento na napasabak sila sa 10-minutong engkwentro, ang mabubuhay nang walang hanggan ay ang kadakilaan ng mga pinaslang nilang rebolusyonaryong mandirigma ng New People’s Army – Ilocos Sur. Habang ang 81st IB at ang Philippine Army (PA), muli lamang inilalantad ang kahayukan nito sa dugo.
Mabangis Dahil Desperado
Masahol pa ito sa hayop sa ginagawa nitong pagbabalewala sa mga makataong batas sa pakikidigma tulad ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Laws (CARHRIHL). Ayon sa Kasunduan, nararapat na ituring na mga bihag ng digma ang mga sumuko na o sinumang wala nang kakayahang lumaban. Gayundin, igagalang ang kanilang mga karapatan at ipapailalim sila sa tamang proseso ng pagsisiyasat at paglilitis. Tagumpay ang CARHRIHL mula sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at Gobyerno ng Pilipinas (GPH) ngunit isinasantabi ng 81st IB sampu ng institusyong kinapapalooban nito.
Lagi’t laging napapatunayang walang pakialam ang PA sa tunay na kapayapaan at bulag lamang nitong ipinagtatanggol ang kasalukuyang sistemang panlipunan. Maliban sa walang saysay na pagsayang sa buhay ng mga kasamang kumikilos para baguhin ang lipunan, ito ang dahilan kung kaya pilit nitong tinatatakang terorista ang mga pambansa demokratikong organisasyon, ligal man o armadong nakikibaka. Ginagamit nitong batayan ang naturang tatak para manmanan at takutin ang mga kasapi ng mga progresibo at rebolusyonaryong organisasyon. Paglalatag ito para sa mas malalala pang paglabag sa karapatang pantao.
Lalong lumalalim ang dagat ng pagkakaiba sa pagitan ng rebolusyonaryong organisasyon laban sa reaksyunaryong gobyerno sa Malacañang, ng Hukbong Bayan laban sa bayarang tropa ng naghaharing uri. Ang pagtalima sa mga makataong batas ng pakikidigma at paggalang sa karapatang pantao ng sinumang tuwiran o di-tuwirang kalahok sa digma ay kakabit ng pagkilala sa kawastuhan ng Demokratikong Rebolusyong Bayan. Magtatagumpay ito dahil sa pagtangan nito sa mga wastong prinsipyo, programa at pamamaraan. Tanging ang desperadong sandatahan lamang ng Armed Forces of the Philippines, na bangkarote sa ideolohiya at pulitika at bulok hanggang sa kaibuturan ng organisasyon nito, ang gagamit ng lampas-lampas na kabangisan at karahasan laban sa katunggali nito sa halip na sumunod sa itinatakda ng batas.
Armadong Rebolusyon
Bahagi ng pampulitikang superyoridad ng kilusan na puspusang nagsusulong ng armadong rebolusyon habang naggigiit na ituloy ang usapang pangkapayapaan. Maraming maaaring makamit sa negosasyon nang absolutong hindi pumapaloob sa kapitulasyon na siyang layunin ng GPH. Pagkatapos ng CARHRIHL, nakatakda nang talakayin at pagkasunduan ang mga sosyo-ekonomikong reporma at mga pagbabago sa Saligang Batas o sa pampulitikang kaayusan. Magkaiba man ang pagtalima ng NDFP at GPH sa mga napagkasunduan at pagkakasunduan, mahalaga pa ring mailatag ang mga ito. Ang pagtanggi ng GPH na kilalanin ang ugat ng armadong pakikibaka at pumaloob sa mga Kasunduan ay magpapatunay na pangunahin pa din ang pagtangan ng armas para baliktarin ang sistemang panlipunan. Hindi pira-pirasong reporma o limos mula sa estadong nagsisilbi sa naghaharing uri ang batayan ng tunay na kapayapaan kundi katarungang panlipunan, sa larangan ng pulitika at ekonomya.
Ang pag-aalay nina Ka Lea/Onor, Ka Goyo at Ka Ricky ay magsisilbing paalala sa pambansa demokratikong kilusan na ang pagkakamit ng tunay na kapayapaan ay pinagbubuwisan ng buhay. Lahat ng tao ay mamamatay at wala nang higit pang makatwirang dahilan para kamtin ang pinakamataas na sakripisyo kundi para sa katiwasayan ng nakararami. Sinasalamin nila ang pangangailangang isulong ang rebolusyon para balang-araw ay tiyak nang hindi na muling sasailalim sa karahasan ng estado o sa bagabag ng pagdaralita ang mamamayang Pilipino. ###